The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Pangitain tungkol sa Pising Panukat
2 Tumingin ako sa itaas at nakita ko at narito, ang isang lalaki na may panukat na pisi sa kanyang kamay.
2 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Saan ka pupunta?” Sinabi niya sa akin, “Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung ano ang luwang at haba nito.”
3 At narito, ang anghel na nakipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating upang salubungin siya.
4 Sinabi sa kanya, “Tumakbo ka, sabihin mo sa binatang ito, ‘Ang Jerusalem ay titirhan na parang mga nayon na walang mga pader, dahil sa dami ng mga tao at hayop doon.
5 Sapagkat ako ay magiging sa kanya'y isang pader na apoy sa palibot, sabi ng Panginoon, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.’”
Ang mga Bihag ay Tinawagan upang Umuwi na
6 “Hoy! Hoy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga, sapagkat ikinalat ko kayo na gaya ng apat na hangin ng kalangitan,” sabi ng Panginoon.
7 Hoy! Tumakas ka na Zion, ikaw na naninirahang kasama ng anak na babae ng Babilonia.
8 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, pagkatapos na suguin ako ng kanyang kaluwalhatian sa mga bansa na nanamsam sa inyo: Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata.
9 “Sapagkat narito, iwawagayway ko ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam sa mga naglilingkod sa kanila. Inyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang nagsugo sa akin.
10 Umawit ka at magalak, O anak na babae ng Zion, sapagkat narito, ako'y dumarating at ako'y maninirahan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
11 Maraming bansa ang sasama sa Panginoon sa araw na iyon, at magiging aking bayan; ako'y maninirahan sa gitna mo at iyong malalaman na ang Panginoon ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa iyo.
12 Mamanahin ng Panginoon ang Juda bilang bahagi niya sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem.
13 Tumahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y bumangon na mula sa kanyang banal na tahanan.
Ang Pangitain tungkol sa Pinakapunong Pari
3 Pagkatapos,(A) ipinakita niya sa akin si Josue na pinakapunong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon, at si Satanas[a] na nakatayo sa kanyang kanan upang paratangan siya.
2 Sinabi(B) ng Panginoon kay Satanas, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, O Satanas! Ang Panginoon na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito'y isang gatong na inagaw sa apoy?”
3 Si Josue nga na nakasuot ng maruming damit ay nakatayo sa harapan ng anghel.
4 Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harapan niya, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan.” Sinabi ng anghel kay Josue, “Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan.”
5 Aking sinabi, “Hayaang kanilang lagyan siya ng isang malinis na turbante sa kanyang ulo.” Kaya't nilagyan siya ng malinis na turbante sa kanyang ulo at dinamitan siya at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa tabi.
6 Tinagubilinan ng anghel ng Panginoon si Josue,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong susundin ang aking bilin, ikaw ang mamumuno sa aking bahay at mangangasiwa sa aking mga bulwagan. Bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito.
8 Pakinggan(C) mo ngayon, O Josue na pinakapunong pari, ikaw at ang iyong mga kaibigan na nakaupo sa harapan mo, sapagkat sila'y mga palatandaan ng mga bagay na mangyayari. Ilalabas ko ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagkat, narito, ang bato na aking inilagay sa harapan ni Josue, sa ibabaw ng isang bato na may pitong mata, narito, ako'y mag-uukit ng titik nito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.
10 Sa(D) araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa sa lilim ng puno ng ubas at ng puno ng igos.”
Ang Dalawang Halimaw
13 At(A) nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan.
2 At(B) ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan.
3 Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw.
4 Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, “Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?”
5 Ang(C) halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.
6 Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit.
7 Ipinahintulot(D) din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa,
8 at(E) ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.
9 Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig:
10 Kung(F) ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal.
11 At nakita ko ang isa pang halimaw na umaahon sa lupa; at ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero at siya'y nagsasalita na parang dragon.
12 Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na.
13 Ito'y gumagawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao.
14 At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw, na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay.
15 At ito'y pinahintulutang makapagbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ng halimaw ay makapagsalita, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng halimaw.
16 At ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin ay pinalagyan nito ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo,
17 upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito.
18 Kailangan dito ang karunungan: ang may pang-unawa ay bilangin ang bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang nito ay animnaraan at animnapu't anim.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(A) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
18 May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin;
oo, apat na hindi ko nauunawaan:
19 ang daan ng agila sa himpapawid,
ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato,
ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat,
at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga.
20 Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya:
Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan,
at nagsasabi, “Wala akong nagawang kasamaan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001