Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Zacarias 10-11

Ang Pagbabalik ng Juda at Israel

10 Hingin ninyo sa Panginoon ang ulan

    sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol,
mula sa Panginoon na gumagawa ng ulap na may dalang unos,
    at kanyang bibigyan sila ng ulan,
    sa bawat isa'y ng damo sa parang.
Sapagkat(A) ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan,
    at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan;
at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip,
    at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan.
Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa,
    sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol.

“Ang aking galit ay mainit laban sa mga pastol,
    at aking parurusahan ang mga lalaking kambing;
sapagkat dinalaw ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang kawan, ang sambahayan ni Juda,
    at kanyang gagawin silang parang kanyang magilas na kabayo sa pakikipaglaban.
Mula sa kanila ay lalabas ang batong panulok,
    mula sa kanila ay ang tulos ng tolda,
mula sa kanila ay ang busog ng pakikipaglaban,
    mula sa kanila ay ang bawat pinuno na magkakasama.
At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalaki,
    na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan,
at sila'y lalaban, sapagkat ang Panginoon ay kasama nila,
    at kanilang hihiyain ang mga mangangabayo.

“Aking palalakasin ang sambahayan ni Juda,
    at aking ililigtas ang sambahayan ni Jose,
ibabalik ko sila sapagkat ako'y naawa sa kanila;
    at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil:
    sapagkat ako ang Panginoon nilang Diyos
at sila'y aking diringgin.
Ang Efraim ay magiging gaya ng mga makapangyarihang lalaki,
    at ang kanilang puso ay magagalak na gaya ng may alak.
Ito'y makikita ng kanilang mga anak at magagalak,
    ang kanilang puso ay magagalak sa Panginoon.

“Huhudyatan ko sila at sila'y titipunin,
    sapagkat tinubos ko sila;
    at sila'y dadami na gaya nang una.
Bagaman pinangalat ko sila sa gitna ng mga bansa;
    gayunma'y aalalahanin nila ako kahit sa malalayong lupain;
    at sila'y mabubuhay kasama ng kanilang mga anak at magbabalik.
10 Ibabalik ko silang pauwi mula sa lupain ng Ehipto,
    at titipunin ko sila mula sa Asiria;
at dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon,
    hanggang wala nang silid para sa kanila.
11 Sila'y[a] tatawid sa dagat ng kaguluhan,
    at ang mga alon ng dagat ay hahampasin,
    at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo.
Ang pagmamataas ng Asiria ay ibababa,
    at ang setro ng Ehipto ay mawawala.
12 Palalakasin ko sila sa Panginoon;
    at sila'y lalakad sa kanyang pangalan,” sabi ng Panginoon.

Ang Pagbagsak ng Malulupit

11 Buksan mo ang iyong mga pintuan, O Lebanon,
    upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedro!
Tumangis ka, O puno ng sipres, sapagkat ang sedro ay nabuwal,
    sapagkat ang maluluwalhating puno ay nawasak!
Tumangis kayo, mga ensina sa Basan,
    sapagkat ang makapal na gubat ay nasira!
May isang ugong ng panaghoy ng mga pastol,
    sapagkat ang kanilang kaluwalhatian ay nasira!
May isang ugong ng ungal ng mga batang leon,
    sapagkat ang pagmamataas ng Jordan ay nasira!

Ang Dalawang Pastol

Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.

Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.

Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”

At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.

Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.

Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”

10 Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.

11 Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.

12 At(B) (C) sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.

13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.

14 Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.

16 Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.

17 Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
    na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
    at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
    at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”

Apocalipsis 18

Ang Pagbagsak ng Babilonia

18 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian.

At(A) siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi,

“Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia!
    Ito'y naging tirahan ng mga demonyo,
pugad ng bawat espiritung karumaldumal,
    at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon;
sapagkat(B) lahat ng mga bansa ay uminom
    ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid,
at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya,
    at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan.”

At(C) narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi,

“Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko,
    upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan,
at huwag kayong makabahagi
    sa kanyang mga salot;
sapagkat(D) ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatung-patong na umaabot hanggang sa langit,
    at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan.
Ibigay(E) din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo,
    at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa;
    sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit.
Kung(F) gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan,
    ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
    ‘Ako'y nakaupong isang reyna.
Hindi ako balo
    at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.’
Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya,
    kamatayan, pagluluksa at gutom;
at siya'y lubos na susunugin sa apoy;
    sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya.”

At(G) ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya.

10 Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia!
Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo.”

11 Ang(H) mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal;

12 kalakal(I) na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay-ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol,

13 kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao.

14 “Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo
    ay wala na sa iyo,
at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal
    ay nalipol sa iyo,
    at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!”

15 Ang(J) mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya,

16 na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay-ube, at pula,
    at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas!
17 Sapagkat(K) sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!”

At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo,

18 at(L) nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi,

“Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?”

19 At(M) sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi,

“Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod,
    na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak!
20 Magalak(N) ka tungkol sa kanya, O langit,
    at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta;
sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!”

21 Pagkatapos(O) ay dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat na sinasabi,

“Sa ganitong karahasan ibabagsak ang dakilang Babilonia,
    at hindi na matatagpuan pa.
22 At(P) (Q) ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
at wala nang manggagawa ng anumang gawa
    ang matatagpuan pa sa iyo;
at ang ingay ng gilingan
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
23 at ang liwanag ng ilawan
    ay hindi na tatanglaw pa sa iyo
at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal
    ay hindi na maririnig pa sa iyo;
sapagkat ang mga mangangalakal mo ay dating mga pangunahin sa lupa;
    sapagkat dinaya ng iyong pangkukulam ang lahat ng mga bansa.
24 At(R) natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
    at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.”

Mga Awit 146

146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
    ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
    o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
    sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
    na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
na(A) gumawa ng langit at lupa,
    ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.

Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
    binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
    Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
    kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
    ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.

10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
    ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 30:33

33 Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas;
    at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy,
    gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001