Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Zacarias 14

Ang Jerusalem at ang mga Bansa

14 Narito, isang araw darating para sa Panginoon, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo.

Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod.

Kung magkagayo'y lalabas ang Panginoon at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan.

Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog.

At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang Panginoon kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal.

At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti.

At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng Panginoon, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag.

Sa(A) araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buháy na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig.

Ang Panginoon ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang Panginoon ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa.

10 Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari.

11 Ito'y(B) titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay.

12 Ito ang magiging salot na ibibigay ng Panginoon sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila'y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig.

13 Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa Panginoon; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa'y itataas laban sa kamay ng iba pa;

14 maging ang Juda ay makikipaglaban sa Jerusalem. Ang kayamanan ng lahat ng bansa sa palibot ay titipunin—ginto, pilak, at kasuotan na napakarami.

15 Isang salot na gaya ng salot na ito ang darating sa mga kabayo, mola, kamelyo, asno, at sa lahat ng hayop na naroroon sa mga kampong iyon.

16 Bawat(C) isa na nakaligtas mula sa lahat ng bansa na lumaban sa Jerusalem ay aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga kubol.

17 Ang sinuman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa Panginoon ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan.

18 Kung ang angkan ng Ehipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, ang ulan ay hindi babagsak sa kanila ngunit darating sa kanila ang salot na ipinalasap ng Panginoon sa mga bansang hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

19 Ito ang magiging kaparusahan sa Ehipto at sa lahat ng bansa na hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol.

20 Sa araw na iyon ay isusulat sa mga kampanilya ng mga kabayo, “Banal sa Panginoon.” Ang mga palayok sa bahay ng Panginoon ay magiging gaya ng mga mangkok sa harapan ng dambana;

21 at bawat palayok sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal sa Panginoon ng mga hukbo, upang lahat ng mag-aalay ay gamitin ang mga iyon sa paglalaga ng laman ng handog. Hindi na magkakaroon pa ng Cananeo[a] sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo sa araw na iyon.

Apocalipsis 20

Ang Sanlibong Taon

20 At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di-matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala.

At(A) sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon,

at siya'y itinapon sa di-matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan sa maikling panahon.

Nakakita(B) ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon.

Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli.

Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.

Ang Pagkagapi kay Satanas

At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan,

at(C) lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.

Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok.

10 At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman.

Ang Paghuhukom

11 At(D) nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila.

12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat.

13 At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa.

14 Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy;

15 at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.

Mga Awit 148

148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
    purihin siya sa mga kaitaasan.
Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
    purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!

Purihin ninyo siya, araw at buwan;
    purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
    at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.

Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
    siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
    ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
apoy at yelo, niyebe at hamog,
    maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!

Mga bundok at lahat ng mga burol,
    mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
    mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!

11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
    mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
    ang matatanda at mga bata!

13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
    nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
    ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
    para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 31:8-9

Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi,
    para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili.
Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran,
    at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001