Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Jonas 1-4

Si Jonas ay Tumakas Patungo sa Tarsis

Ang(A) salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas na anak ni Amitai, na nagsasabi,

“Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at sumigaw ka laban doon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harapan ko.”

Ngunit si Jonas ay bumangon upang tumakas patungo sa Tarsis mula sa harapan ng Panginoon. Siya'y lumusong sa Joppa at nakatagpo ng barkong patungo sa Tarsis. Nagbayad siya ng pamasahe at lumulan upang sumama sa kanila sa Tarsis papalayo sa harapan ng Panginoon.

Ngunit ang Panginoon ay naghagis ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, anupa't ang barko ay nagbantang mawasak.

Nang magkagayo'y natakot ang mga magdaragat at tumawag ang bawat isa sa kanya-kanyang diyos; at kanilang inihagis sa dagat ang mga dala-dalahang nasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Samantala, si Jonas ay nasa ibaba sa pinakaloob na bahagi ng barko na doon ay nakahiga siya at nakatulog nang mahimbing.

Sa gayo'y dumating ang kapitan at sinabi sa kanya, “Ano ang ibig mong sabihin, at natutulog ka pa? Bumangon ka, tumawag ka sa iyong diyos! Baka sakaling alalahanin tayo ng diyos upang huwag tayong mamatay.”

Sinabi nila sa isa't isa, “Pumarito kayo at tayo'y magpalabunutan upang ating malaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin.” Kaya't nagpalabunutan sila, at ang nabunot ay si Jonas.”

Nang magkagayo'y sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo sa amin, dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin? Ano ang iyong hanapbuhay? At saan ka nanggaling? Ano ang iyong lupain? Sa anong bayan ka?”

Kanyang sinabi sa kanila, “Ako'y isang Hebreo. Ako'y may takot sa Panginoon, sa Diyos ng langit na gumawa ng dagat at ng tuyong lupain.”

10 Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao, at sinabi sa kanya, “Ano itong iyong ginawa?” Sapagkat nalaman ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng Panginoon, sapagkat sinabi niya sa kanila.

Si Jonas ay Itinapon sa Dagat

11 At sinabi nila sa kanya, “Anong gagawin namin sa iyo upang ang dagat ay tumahimik sa atin?” Sapagkat ang dagat ay lalong nag-aalimpuyo.

12 Sinabi niya sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat. Sa gayo'y ang dagat ay tatahimik para sa inyo, sapagkat alam ko na dahil sa akin ay dumating ang malaking unos na ito sa inyo.”

13 Gayunman, ang mga lalaki ay sumagwan ng mabuti upang maibalik ang barko sa lupa, ngunit hindi nila magawa sapagkat ang dagat ay lalo pang nag-aalimpuyo laban sa kanila.

14 Kaya't sila'y tumawag sa Panginoon, at nagsabi, “Nagmamakaawa kami sa iyo, O Panginoon, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito. Huwag mong iatang sa amin ang walang salang dugo; sapagkat ginawa mo, O Panginoon, ang nakakalugod sa iyo.”

15 Kaya't kanilang binuhat si Jonas at inihagis siya sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa pagngangalit nito.

16 Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao sa Panginoon; at sila'y naghandog ng isang alay sa Panginoon at gumawa ng mga panata.

17 At(B) naghanda ang Panginoon ng isang malaking isda upang lunukin si Jonas; at si Jonas ay nasa tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi.

Ang Panalangin ni Jonas

Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa Panginoon niyang Diyos mula sa tiyan ng isda,

at kanyang sinabi,

“Tinawagan ko ang Panginoon mula sa aking pagdadalamhati,
    at siya'y sumagot sa akin;
mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw,
    at iyong dininig ang aking tinig.
Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman,
    sa pusod ng dagat,
    at ang tubig ay nasa palibot ko;
ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong
    ay umaapaw sa akin.
Kaya't aking sinabi, ‘Ako'y inihagis
    mula sa iyong harapan;
gayunma'y muli akong titingin
    sa iyong banal na templo.’
Kinukulong ako ng tubig sa palibot.
    Ang kalaliman ay nasa palibot ko.
Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo.
    Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok.
    Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman.
Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay,
    O Panginoon kong Diyos.
Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay,
    naalala ko ang Panginoon;
at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo.
Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan
    ay nagtatakuwil ng kanilang tunay na katapatan.

Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo

    na may tinig ng pasasalamat.
Aking tutuparin ang aking ipinanata.
    Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon!”

10 At inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa.

Nangaral si Jonas sa mga Taga-Ninive

Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jonas sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi,

“Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at ipangaral mo ang pangaral na aking sinabi sa iyo.”

Sa gayo'y bumangon si Jonas at pumunta sa Ninive, ayon sa salita ng Panginoon. Ang Ninive ay isang napakalaking lunsod, na tatlong araw na bagtasin ang luwang.

Nagpasimulang(C) pumasok si Jonas sa lunsod na may isang araw na lakarin ang layo. At siya'y sumigaw, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!”

At ang mga mamamayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos. Sila'y nagpahayag ng ayuno, at nagsuot ng damit-sako, mula sa pinakadakila sa kanila hanggang sa pinakahamak sa kanila.

Nang ang balita ay dumating sa hari ng Ninive, siya'y tumindig sa kanyang trono, hinubad niya ang kanyang balabal, nagbalot siya ng damit-sako, at naupo sa mga abo.

Gumawa siya ng pahayag at ipinalathala sa buong Ninive, “Sa utos ng hari at ng kanyang mga maharlikang tao: Huwag tumikim ng anuman ang tao ni hayop man, ang bakahan ni kawan man. Huwag silang kakain, ni iinom man ng tubig.

Kundi magbalot ng damit-sako ang tao at hayop at dumaing nang taimtim sa Diyos upang talikuran ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay.

Sino ang nakakaalam, maaaring umatras at magbago ng isip ang Diyos at tumalikod sa kanyang nagniningas na galit, upang tayo'y huwag mamatay?”

10 Nang makita ng Diyos ang kanilang ginawa, na sila'y humiwalay sa kanilang masamang lakad, nagbago ng isip ang Diyos tungkol sa kasamaan na kanyang sinabing gagawin niya sa kanila; at hindi niya iyon ginawa.”

Nagalit si Jonas

Ngunit iyon ay ipinagdamdam nang labis ni Jonas at siya'y nagalit.

Siya'y(D) nanalangin sa Panginoon, at nagsabi, “O Panginoon, di ba ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking bayan pa? Kaya nga ako'y nagmadaling tumakas patungo sa Tarsis; sapagkat alam ko na ikaw ay Diyos na mapagpala, mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan.

Kaya ngayon,(E) O Panginoon, ipinapakiusap ko sa iyo na kunin mo ang aking buhay, sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”

Sinabi ng Panginoon, “Mabuti ba ang iyong ginagawa na magalit?”

Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa lunsod, naupo sa dakong silangan ng lunsod, at doo'y gumawa siya ng isang balag. Umupo siya sa ilalim ng lilim niyon, hanggang sa kanyang makita kung ano ang mangyayari sa lunsod.

At naghanda ang Panginoong Diyos ng isang halaman[a] at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang iligtas siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo'y tuwang-tuwa si Jonas dahil sa halaman.

Ngunit kinaumagahan nang sumunod na araw, naghanda ang Diyos ng isang uod na siyang sumira sa halaman, kaya't natuyo ito.

Nang sumikat ang araw, naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, kaya't siya'y nahilo, at hiniling ng buong kaluluwa niya na siya'y mamatay. Sinabi niya, “Mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay.”

Ngunit sinabi ng Diyos kay Jonas, “Mabuti ba ang ginagawa mo na magalit dahil sa halaman?” At kanyang sinabi, “Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan.”

10 Kaya't sinabi ng Panginoon, “Ikaw ay nanghinayang sa halaman na hindi mo pinagpaguran o pinatubo man; ito ay tumubo sa isang gabi, at nawala sa isang gabi.

11 Hindi ba ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon na may mahigit sa isandaan at dalawampung libong katao na hindi nalalaman kung alin sa kanilang mga kamay ang kanan o ang kaliwa, at mayroon ding maraming hayop?”

Apocalipsis 5

Ang Aklat at ang Kordero

At(A) nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat[a] na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak.

At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, “Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?”

At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito.

Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito.

At(B) sinabi sa akin ng isa sa matatanda, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito.”

Pagkatapos(C) ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buháy at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig.

Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono.

Pagkakuha(D) niya sa aklat, ang apat na nilalang na buháy at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero, na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na punô ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal.

At(E) sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi,

“Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat
    at magbukas ng mga tatak nito,
sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos
    ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa.
10 At(F) sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos;
    at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa.”

11 Nakita(G) ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo,

12 na nagsasabi ng may malakas na tinig,

“Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat
tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan.”

13 At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi,

“Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero
ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman.

14 At ang apat na nilalang na buháy ay nagsabi, “Amen!” At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba.

Mga Awit 133

Awit ng Pag-akyat.

133 Narito, napakabuti at napakaligaya
    kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
    na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
    tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
    na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
    ang buhay magpakailanman.

Mga Kawikaan 29:26-27

26 Marami ang humahanap ng lingap ng isang tagapamahala,
    ngunit ang katarungan ay sa Panginoon makukuha.
27 Ang masamang tao ay karumaldumal sa matuwid;
    at ang matuwid sa kanyang lakad ay karumaldumal sa masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001