Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Obadias

Ang Pagmamataas ng Edom ay Ibababa

Ang(A) pangitain ni Obadias.

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa Edom:
Kami ay nakarinig ng mga balita mula sa Panginoon,
    at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa:
“Bumangon kayo! Tumindig tayo laban sa kanya sa pakikipagdigma!”
Narito, gagawin kitang maliit sa mga bansa;
    ikaw ay lubhang hinahamak.
Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso,
    ikaw na naninirahan sa mga bitak ng bato,
    na ang tahanan ay matayog
na nagsasabi sa iyong puso, “Sinong magbababa sa akin sa lupa?”
Bagaman ikaw ay nagtatayo nang mataas na parang agila,
    bagaman inilalagay mo ang iyong pugad na kasama ng mga bituin,
    aking ibababa ka mula roon, sabi ng Panginoon.

Kung ang mga magnanakaw ay pumaroon sa iyo,
    kung ang mga manloloob sa gabi—
    gaano ka winasak!—
    di ba sila'y magnanakaw lamang ng sapat sa kanila?
Kung ang mga mamimitas ng ubas ay pumaroon sa iyo,
    di ba sila'y mag-iiwan ng laglag na ubas?
O paanong si Esau ay nilooban,
    hinanap ang kanyang mga kayamanan!
Lahat ng lalaking iyong kakampi ay dadalhin ka sa hangganan;
    ang mga kasamahan mo na kasunod mo ay dadayain ka at dadaigin ka.
Ang mga kumakain ng iyong tinapay ay tatambangan ka—
    walang pagkaunawa sa kanya.
Di ko ba lilipulin sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    ang mga taong pantas mula sa Edom,
    at ang pagkaunawa mula sa bundok ng Esau?
At ang iyong mga makapangyarihang tao ay mababalisa, O Teman,
    upang ang bawat tao ay maalis sa bundok ng Esau sa pamamagitan ng pagkatay.

Bakit pa Pinarusahan ang Edom

10 Dahil sa karahasang ginawa sa iyong kapatid na Jacob
    ay kahihiyan ang tatakip sa iyo,
    at ikaw ay aalisin magpakailanman.
11 Nang araw na ikaw ay tumayo sa malayo,
    nang araw na dalhin ng mga dayuhan ang kanyang kayamanan,
at pumasok ang mga dayuhan sa kanyang mga pintuan
    at pinagpalabunutan ang Jerusalem,
    ikaw ay naging gaya ng isa sa kanila.
12 Huwag ka ngang matuwa sa araw ng iyong kapatid
    sa araw ng kanyang kapahamakan,
huwag kang magalak dahil sa mga anak ni Juda,
    sa araw ng kanilang pagkawasak;
hindi ka sana nagmalaki sa araw ng pagkabalisa.
13 Huwag kang pumasok sa pintuan ng aking bayan
    sa araw ng kanilang kapahamakan;
oo, huwag kang matuwa sa kanyang pagkapahamak
    sa araw ng kanilang kasakunaan,
huwag kang magnakaw ng kanilang kayamanan
    sa araw ng kanilang kapahamakan.
14 Huwag kang tumayo sa mga sangandaan
    upang puksain ang kanyang mga takas;
huwag ibilanggo ang kanyang mga nalabi
    sa araw ng kabalisahan.

Ang Paghatol sa mga Bansa

15 Sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na laban sa lahat ng mga bansa.
Kung ano ang iyong ginawa, ay siyang gagawin sa iyo;
    ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo.
16 Sapagkat kung paanong kayo'y uminom sa aking banal na bundok,
    gayon iinom ang lahat ng mga bansa sa palibot,
sila'y iinom, at magpapasuray-suray,
    at magiging wari bang sila'y hindi nabuhay.

Ang Tagumpay ng Israel

17 Ngunit sa bundok ng Zion ay doroon ang mga nakatakas,
    at ito ay magiging banal;
at aangkinin ng sambahayan ni Jacob ang kanilang sariling ari-arian.
18 At ang sambahayan ni Jacob ay magiging isang apoy,
    ang sambahayan ni Jose ay isang liyab,
    ang sambahayan ni Esau ay dayami,
at sila'y kanilang susunugin, at sila'y tutupukin;
    at walang malalabi sa sambahayan ni Esau; sapagkat sinabi ng Panginoon.
19 Silang nasa Negeb ay mag-aangkin ng Bundok ng Esau,
    at silang nasa Shefela ay ang lupain ng mga Filisteo;
at kanilang aangkinin ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria;
    at aangkinin ng Benjamin ang Gilead.
20 Ang mga bihag sa Hala na kabilang sa bayan ng Israel
    ay mag-aangkin ng Fenicia hanggang sa Zarefta;
at ang mga bihag ng Jerusalem na nasa Sefarad
    ay aangkinin ang mga bayan ng Negeb.
21 At ang mga tagapagligtas ay aahon sa Bundok ng Zion
    upang hatulan ang bundok ng Esau;
    at ang kaharian ay magiging sa Panginoon.

Apocalipsis 4

Pagsamba sa Langit

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.”

Ako'y(A) biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo.

At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda.

At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto.

At(B) mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos;

at(C) (D) sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buháy na punô ng mga mata sa harapan at sa likuran.

Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad.

At(E) ang apat na nilalang na buháy, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay punô ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi,

“Banal, banal, banal,
ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat,
    ang noon at ang ngayon at ang darating!”

At kapag ang mga nilalang na buháy ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman,

10 ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi,

11 “Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin,
    na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan,
sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay
    at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha.

Mga Awit 132

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Mga Kawikaan 29:24-25

24 Ang kasamahan ng magnanakaw ay namumuhi sa kanyang buhay;
    naririnig niya ang sumpa, ngunit walang ipinaaalam.
25 Ang takot sa tao ay naglalatag ng bitag,
    ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay maliligtas.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001