Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Zacarias 12-13

Ang Darating na Pagliligtas sa Jerusalem

12 Ang salita ng Panginoon laban sa Israel. Ganito ang sabi ng Panginoon, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya:

“Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem.

Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya.

Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan.

Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa Panginoon ng mga hukbo, na kanilang Diyos.’

“Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem.

“Unang ililigtas ng Panginoon ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda.

Sa araw na iyon ay ipagsasanggalang ng Panginoon ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng Panginoon sa unahan nila.

At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem.

10 “Ibubuhos ko(A) (B) sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay.

11 Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.

12 Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

13 ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod;

14 ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod.

13 “Sa araw na iyon ay mabubuksan ang isang bukal para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem para sa kasalanan at karumihan.

“Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, aking aalisin sa lupain ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan, kaya't sila'y hindi na maaalala pa. Aking palalayasin sa lupain ang mga propeta at ang karumaldumal na espiritu sa lupain.

Kapag ang sinuman ay muling magpropesiya, sasabihin sa kanya ng kanyang ama at ina na nagsilang sa kanya, ‘Ikaw ay hindi mabubuhay sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ng Panginoon;’ at uulusin siya ng kanyang ama at ng kanyang ina na nagsilang sa kanya kapag siya'y nagsalita ng propesiya.

At mangyayari, sa araw na iyon, ikahihiya ng bawat propeta ang kanyang pangitain kapag siya'y nagsalita ng propesiya. Hindi sila magsusuot ng kasuotang balahibo, upang mandaya,

kundi kanyang sasabihin, ‘Ako'y hindi propeta, ako'y magbubungkal ng lupa; sapagkat ang lupain ay aking pag-aari mula sa aking kabataan.’

At sasabihin ng isa sa kanya, ‘Ano itong mga sugat sa pagitan ng iyong mga bisig?’ kung magkagayon siya'y sasagot, ‘Ang mga ito'y sugat na tinanggap ko sa bahay ng aking mga kaibigan.’

Ang Utos na Patayin ang Pastol ng Diyos

“Gumising(C) ka, O tabak, laban sa pastol ko,
    at laban sa lalaking kasama ko,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
“Saktan mo ang pastol upang ang mga tupa ay mangalat;
    at aking ipipihit ang aking kamay laban sa maliliit.
At mangyayari, sa buong lupain, sabi ng Panginoon,
    dalawang-ikatlong bahagi ay aalisin at mamamatay;
    ngunit ang ikatlo ay maiiwan.
At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy,
    at sila'y dadalisayin ko na gaya ng pagdalisay sa pilak,
    at sila'y susubukin ko na gaya ng pagsubok sa ginto.
Sila'y tatawag sa aking pangalan,
    at akin silang diringgin.
Aking sasabihin, ‘Sila'y bayan ko;’
    at kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay aking Diyos.’”

Apocalipsis 19

Ang Pagsasaya sa Langit

19 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi,

“Aleluia!
Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos.
    Sapagkat(A) tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol;
hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae[a]
    na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid,
at ipinaghiganti ng Diyos[b] ang dugo ng kanyang mga alipin[c] laban sa babae.”[d]

At(B) sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi,

“Aleluia!
At ang usok ng babae[e] ay pumailanglang magpakailanpaman.”

At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buháy, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi,

“Amen. Aleluia!”

Ang Hapunan ng Kasalan ng Kordero

At(C) lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi,

“Purihin ninyo ang ating Diyos,
    kayong lahat na mga alipin niya,
at kayong natatakot sa kanya,
    mga hamak at dakila.”

Narinig(D) ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi,

“Aleluia!
Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya
    at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian,
sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero,
    at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili.
At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot
    ng pinong lino, makintab at malinis;”

sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.

At(E) sinabi ng anghel[f] sa akin, “Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ang mga tunay na salita ng Diyos.”

10 At ako'y nagpatirapa sa kanyang paanan upang siya'y aking sambahin, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin na kasama mo at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba. Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”

Ang Nakasakay sa Puting Kabayo

11 At(F) nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma.

12 Ang(G) kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili.

13 Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa[g] dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos.

14 Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay.

15 Mula(H) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

16 At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”

17 At(I) nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, “Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos,

18 upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila.”

19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo.

20 At(J) hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buháy na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre.

21 At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila.

Mga Awit 147

147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
    sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
    kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
    at tinatalian ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
    ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
    hindi masukat ang kanyang unawa.
Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
    kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.

Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
    umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
    naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
    nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
    at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
    ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
    sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.

12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
    Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
    pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
    binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
    mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
    siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
    sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
    kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
    ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
    at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!

Mga Kawikaan 31:1-7

Payo sa Hari

31 Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina:

Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata?
    Ano, O anak ng aking mga panata?
Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae,
    o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari.
Hindi para sa mga hari, O Lemuel,
    hindi para sa mga hari ang uminom ng alak,
    ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak;
baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan,
    at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan.
Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamatay,
    at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan;
hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan,
    at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001