Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Zacarias 1

Nanawagan ang Panginoon sa Kanyang Bayan

Nang(A) ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, ang propeta, na sinasabi,

“Ang Panginoon ay galit na galit sa inyong mga ninuno.

Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Manumbalik kayo sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno, na sa kanila'y sinabi ng mga unang propeta, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, at sa inyong masasamang gawa.’ Ngunit hindi nila ako pinakinggan o pinansin man, sabi ng Panginoon.

Ang inyong mga ninuno, nasaan sila? At ang mga propeta, nabubuhay ba sila magpakailanman?

Ngunit ang aking mga salita at mga tuntunin na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba inabutan ng mga ito ang inyong mga ninuno? Kaya't sila'y nagsisi at nagsabi, ‘Kung paano ang inisip na gawin sa amin ng Panginoon ng mga hukbo, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.’”

Ang mga Kabayo sa Pangitain ni Zacarias

Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng Panginoon kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi:

“Nakita(B) ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti.

Nang magkagayo'y aking sinabi, ‘O panginoon ko, ano ang mga ito?’ At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, ‘Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.’

10 Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, ‘Ang mga iyon ang mga sinugo ng Panginoon upang manmanan ang lupa.’

11 Sila'y sumagot sa anghel ng Panginoon na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, ‘Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.’

12 Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng Panginoon, ‘O Panginoon ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?’

13 Ang Panginoon ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin.

14 Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, ‘Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion.

15 Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak.

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem.

17 Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: ‘Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng Panginoon ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.’”

Ang Pangitain tungkol sa mga Sungay at mga Panday

18 Aking itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, apat na sungay!

19 Aking sinabi sa anghel na nakipag-usap sa akin, “Ano ang mga ito?” At siya'y sumagot sa akin, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel, at sa Jerusalem.”

20 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang apat na panday.

21 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito?” Siya'y sumagot, “Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, na walang lalaki na nagtaas ng kanyang ulo at ang mga ito'y dumating upang takutin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang ito'y pangalatin.”

Apocalipsis 12

Ang Babae at ang Dragon

12 At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin;

siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal.

At(A) may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema.

Kinaladkad(B) ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit nang manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya.

At(C) siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono.

Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw.

At(D) nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma,

ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit.

At(E) itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya.

10 At(F) narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi,

“Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan,
    at ang kaharian ng ating Diyos,
    at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo,
sapagkat itinapon na ang tagapag-paratang sa ating mga kapatid
    na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi.
11 At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero,
    at dahil sa salita ng kanilang patotoo,
sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan.
12 Kaya't magalak kayo, O mga langit
    at kayong mga naninirahan diyan!
Kahabag-habag ang lupa at dagat
    sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo
na may malaking poot,
    palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!”

13 Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki.

14 Ngunit(G) ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon.

15 At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos.

16 Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig.

17 Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus.

18 At tumayo ang dragon[a] sa buhanginan ng dagat.

Mga Awit 140

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
    mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
    na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
    at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
    at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
    ingatan mo ako sa mararahas na tao,
    na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
    at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
    naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)

Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
    pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
    tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
    huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)

Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
    takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
    Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
    kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
    at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
    ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.

Mga Kawikaan 30:17

17 Ang mata na tumutuya sa kanyang ama,
    at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina,
ay tutukain ng mga uwak sa libis,
    at kakainin ng mga buwitre.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001