Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Habakuk 1-3

Si Habakuk ay Dumaing dahil sa Kawalan ng Katarungan

Ang pahayag ng Diyos na nakita ni propeta Habakuk.

O Panginoon, hanggang kailan ako hihingi ng tulong,
    at hindi mo papakinggan?
O dadaing sa iyo ng “Karahasan!”
    at hindi ka magliligtas?
Bakit mo hinahayaang makita ko ang kamalian,
    at tingnan ang kasamaan?
Ang kasiraan at karahasan ay nasa harapan ko;
    paglalaban at pagtatalo ay lumilitaw.
Kaya't ang batas ay hindi pinapansin,
    at ang katarungan ay hindi kailanman nangingibabaw.
Sapagkat pinaliligiran ng masama ang matuwid;
    kaya't ang katarungan ay nababaluktot.

Ang Sagot ng Panginoon

Magmasid(A) kayo sa mga bansa, at tumingin kayo;
    mamangha at magtaka.
Sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga araw
    na hindi ninyo paniniwalaan kapag sinabi sa inyo.
Sapagkat(B) narito, aking ginigising ang mga Caldeo,
    ang malupit at marahas na bansa,
na lumalakad sa kaluwangan ng lupa,
    upang sakupin ang mga tahanang hindi kanila.
Sila'y kakilakilabot at nakakatakot;
    ang kanilang katarungan at karangalan ay mula sa kanilang sarili.
Ang kanilang mga kabayo ay matutulin kaysa mga leopardo,
    higit na mababangis kaysa panggabing asong-gubat
    at ang kanilang mga mangangabayo ay mabibilis.
Ang kanilang mga mangangabayo ay galing sa malayo;
    sila'y lumilipad na parang agila na nagmamadali upang manakmal.
Silang lahat ay dumarating para sa karahasan;
    na may mukhang pasulong.
    Kanilang tinitipon ang mga bihag na parang buhangin.
10 Kanilang tinutuya ang mga hari,
    at ang mga pinuno ay kanilang pinagtatawanan.
Kanilang kinukutya ang bawat tanggulan;
    sapagkat kanilang binubuntunan ang lupa at sinasakop ito.
11 Pagkatapos ay lalampas sila na parang hangin
    at magpapatuloy, mga taong nagkasala,
    na ang sarili nilang kapangyarihan ay ang kanilang diyos!

Muling Dumaing si Habakuk

12 Di ba ikaw ay mula sa walang hanggan,
    O Panginoon kong Diyos, aking Banal?
    Kami ay hindi mamamatay.
O Panginoon, iyong itinakda sila sa paghuhukom;
    at ikaw, O Malaking Bato, ang nagtatag sa kanila upang magtuwid.
13 “Ang iyong mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan,”
    at hindi makakatingin sa kamalian,
bakit mo minamasdan ang taong masasama,
    at tumatahimik ka kapag sinasakmal ng masama
    ang taong higit na matuwid kaysa kanya?
14 Sapagkat ginagawa mo ang mga tao na gaya ng mga isda sa dagat,
    gaya ng mga gumagapang na bagay na walang namumuno.

15 Kanyang binubuhat silang lahat sa pamamagitan ng bingwit,
    kanyang hinuhuli sila sa kanyang lambat,
at kanyang tinitipon sila sa kanyang panghuli,
    kaya't siya'y nagagalak at nagsasaya.
16 Kaya't siya'y naghahandog sa kanyang lambat,
    at nagsusunog ng kamanyang sa kanyang panghuli,
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyo'y nabubuhay siya sa karangyaan,
    at ang kanyang pagkain ay sagana.
17 Patuloy ba niyang aalisan ng laman ang kanyang lambat,
    at walang habag na papatayin ang mga bansa magpakailanman?

Ang Sagot ng Panginoon kay Habakuk

Ako'y tatayo upang magbantay,
    at magbabantay ako sa ibabaw ng tore,
at tatanaw upang makita ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin,
    at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing.
At ang Panginoon ay sumagot sa akin:
“Isulat mo ang pangitain,
    at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato,
upang ang makabasa niyon ay makatakbo.
Sapagkat(C) ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito;
    at nagsasalita tungkol sa wakas—hindi ito magsisinungaling.
Kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo;
    ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala.
Masdan(D) mo ang palalo!
    Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya,
    ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
Bukod dito ang alak[a] ay mandaraya;
    ang taong hambog ay hindi mamamalagi sa kanyang tahanan.
Ang kanyang nasa ay parang Sheol,
    at siya'y parang kamatayan na hindi masisiyahan.
Kanyang tinitipon para sa kanya ang lahat ng bansa
    at tinitipon para sa kanya ang lahat ng bayan.”

Hindi ba ang lahat ng ito ay magsasalita ng kanilang pagtuya at panlilibak laban sa kanya, at kanilang sabihin,

“Kahabag-habag siya na nagpaparami ng di kanya—
    Hanggang kailan ka magpapasan ng mga bagay na mula sa sangla?”
Hindi ba biglang tatayo ang iyong mga nagpapautang,
    at magigising ang mga naniningil sa iyo?
    Kung gayon ay magiging samsam ka nila.
Sapagkat iyong sinamsaman ang maraming bansa,
    sasamsaman ka ng lahat ng nalabi sa mga tao,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasang ginawa sa lupain,
    sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.

Kahabag-habag siya na may masamang pakinabang para sa kanyang sambahayan,
    upang kanyang mailagay ang kanyang pugad sa itaas,
    upang maligtas sa abot ng kapahamakan!
10 Ikaw ay nagbalak ng kahihiyan sa iyong sambahayan,
    sa pamamagitan ng pagpatay ng maraming tao,
    ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili.
11 Sapagkat ang bato ay daraing mula sa pader,
    at ang biga mula sa mga kahoy ay sasagot.

12 Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo,
    at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan!
13 Hindi ba mula sa Panginoon ng mga hukbo
    na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy,
    at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan?
14 Sapagkat(E) ang lupa ay mapupuno
    ng kaalaman ng kaluwalhatian ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
15 Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa,
    na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila,
    upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran!
16 Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian.
    Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran!
Ang kopa sa kanang kamay ng Panginoon
    ay darating sa iyo,
    at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian!
17 Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo,
    ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila,
dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain,
    sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.

18 Anong pakinabang sa diyus-diyosan
    pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon,
isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan?
    Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang
    kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan!
19 Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka;
    sa piping bato, Bumangon ka!
    Makakapagturo ba ito?
Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak,
    at walang hininga sa loob niyon.

20 Ngunit ang Panginoon ay nasa kanyang templong banal;
    tumahimik ang buong lupa sa harapan niya!

Ang Panalangin ni Habakuk

Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot.

O Panginoon, narinig ko ang tungkol sa iyo
    at ako'y natatakot.
O Panginoon, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon.
    Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon,
    sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan.
Ang Diyos ay dumating mula sa Teman,
    at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. Selah
Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit,
    at ang lupa'y punô ng kanyang kapurihan.
Ang kanyang ningning ay parang liwanag;
    may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay;
    at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan.
Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste,
    at ang salot ay malapit na sumusunod.
Siya'y tumayo at sinukat ang lupa.
    Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa;
at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat;
    ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod.
    Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan.
Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati.
    Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig.
Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O Panginoon?
    Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog,
    O ang iyo bang poot ay laban sa dagat,
kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo,
    sa iyong karwahe ng kaligtasan?
Hubad na nilantad mo ang iyong pana,
    ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. Selah
    Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa.
10 Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig;
    ang rumaragasang tubig ay dumaan,
ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig,
    at itinaas nito ang kanyang mga kamay.
11 Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar,
    sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis,
    sa kislap ng iyong makinang na sibat.
12 Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain,
    iyong tinapakan ang mga bansa sa galit.
13 Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan,
    at iligtas ang iyong pinahiran ng langis.
Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan,
    hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. Selah
14 Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat;
    na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako;
    ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha.
15 Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo,
    ang bunton ng makapangyarihang tubig.

Ang Propeta ay Nagtitiwala sa Panginoon

16 Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig,
    ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig;
ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto,
    ang aking mga hakbang ay nanginginig.
Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan,
    na dumating sa bayan na sumasakop sa atin.
17 Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak,
    ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas;
    ang olibo ay hindi magbubunga,
at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain;
ang kawan ay aalisin sa kulungan,
    at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan,
18 gayunma'y magagalak ako sa Panginoon,
    ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan.
19 Ang(F) Diyos, ang Panginoon, ay aking kalakasan;
    ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa,
    pinalalakad niya ako sa aking matataas na dako.
Sa Punong Manunugtog: na may panugtog na may kuwerdas.

Apocalipsis 9

At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di-matarok na kalaliman.

Binuksan(A) niya ang hukay ng di-matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay.

At(B) naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa.

At(C) sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punungkahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo.

Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao.

At(D) sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila.

Ang(E) anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao.

Sila'y(F) may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon.

At(G) sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan.

10 Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan.

11 Sila'y may isang hari, ang anghel ng di-matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon,[a] at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon.[b]

12 Ang unang kapighatian ay nakaraan na. Mayroon pang dalawang kapighatiang darating.

13 At(H) hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Diyos,

14 na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates.”

15 Kaya't kinalagan ang apat na anghel, na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao.

16 Ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sampung libong tigsasampung libo; aking narinig ang bilang nila.

17 At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain: ang mga nakasakay ay may mga baluting gaya ng apoy, ng jacinto at ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy, usok at asupre.

18 Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay pinatay ang ikatlong bahagi ng mga tao sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre na lumalabas sa kanilang mga bibig.

19 Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig at nasa kanilang mga buntot; ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas, na may mga ulo; at sa pamamagitan ng mga ito'y nakakapaminsala sila.

20 At(I) ang natira sa mga tao na hindi napatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay ni inihinto ang pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakalakad man.

21 At sila'y hindi nagsisi sa kanilang mga pagpatay, o sa kanilang pangkukulam, o sa kanilang pakikiapid, o sa kanilang pagnanakaw.

Mga Awit 137

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
    doon tayo'y naupo at umiyak;
    nang ang Zion ay ating maalala;
sa mga punong sauce sa gitna nito,
    ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
    ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
    “Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”

Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
    sa isang lupaing banyaga?

O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,

    makalimot nawa ang aking kanang kamay!
Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
    kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
    sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
    ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
    Hanggang sa kanyang saligan!
O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
    Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
    ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
    at sa malaking bato sila'y sasalpok.

Mga Kawikaan 30:10

10 Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya,
    baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001