Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mikas 5-7

Nangako ang Diyos ng Isang Pinuno mula sa Bethlehem

Ngayon ay magtipun-tipon kayo sa mga hukbo, O anak na babae ng mga hukbo,
    sila'y naglagay ng pagkubkob laban sa atin;
kanilang hahampasin ng tungkod
    ang pisngi ng hukom ng Israel.

Ngunit(A) ikaw, Bethlehem sa Efrata,
    na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,
mula sa iyo ay lalabas para sa akin
    ang isa na magiging pinuno sa Israel;
na ang pinagmulan ay mula nang una,
    mula nang walang hanggan.
Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon
    na siya na nagdaramdam ay manganak;
kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik
    sa mga anak ni Israel.
At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng Panginoon,
    sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Diyos.
At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila
    hanggang sa mga dulo ng lupa.
At ang isang ito ay magiging kapayapaan.
    Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain,
    at kapag tinapakan niya ang ating mga muog,
kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol,
    at walong pinuno ng mga tao.
Kanilang(B) pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria,
    at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon,
at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria,
    kapag siya'y sumalakay sa ating lupain,
    at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan.

At ang nalabi sa Jacob
ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon
    sa gitna ng maraming bayan,
parang ulan sa damo
    na hindi naghihintay sa tao,
    ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
At ang nalabi sa Jacob
    ay makakasama ng mga bansa,
    sa gitna ng maraming bayan,
parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat,
    parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
na kapag siya'y dumaan, yumapak
    at lumapa, at walang magligtas.
Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway,
    at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway.

10 At sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
    aking aalisin sa iyo ang mga kabayo mo,
at aking sisirain ang iyong mga karwahe,
11 at aking wawasakin ang mga lunsod ng iyong lupain,
    at aking ibabagsak ang lahat ng iyong tanggulan.
12 Aalisin ko ang mga panghuhula sa iyong kamay;
    at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:
13 Aalisin ko ang iyong mga larawang inanyuan
    at ang iyong mga haligi sa gitna ninyo,
at hindi ka na sasamba
    sa gawa ng iyong mga kamay;
14 at aking bubunutin ang iyong mga Ashera mula sa gitna mo;
    at aking wawasakin ang iyong mga bayan.
15 Sa galit at poot ay maglalapat ako ng paghihiganti
    sa mga bansa na hindi nakinig.

Ang Usapin ng Panginoon Laban sa Israel

Pakinggan ninyo ngayon ang sinasabi ng Panginoon:
    Bumangon ka, ipaglaban mo ang iyong usapin sa harapan ng mga bundok,
    at hayaang marinig ng mga burol ang iyong tinig.
Pakinggan ninyo, kayong mga bundok, ang usapin ng Panginoon,
    at kayong matitibay na pundasyon ng lupa;
sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa kanyang bayan,
    at siya'y makikipagtalo sa Israel.

“O bayan ko, anong ginawa ko sa iyo?
    Sa ano kita pinagod? Sagutin mo ako!
Sapagkat(C) ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Ehipto,
    at tinubos kita mula sa bahay ng pagkaalipin;
at aking sinugo sa unahan mo sina Moises, Aaron, at Miriam.
O(D) bayan ko, alalahanin mo kung ano ang isinasagawa ni Balak na hari ng Moab,
    at kung ano ang isinagot sa kanya ni Balaam na anak ni Beor;
at kung ano ang nangyari mula sa Shittim hanggang sa Gilgal,
    upang iyong malaman ang mga matuwid na gawa ng Panginoon.”

Ang Itinatakda ng Panginoon

“Ano ang aking ilalapit sa harapan ng Panginoon,
    at iyuyukod sa harap ng Diyos sa kaitaasan?
Lalapit ba ako sa harapan niya na may mga handog na sinusunog,
    na may guyang isang taon ang gulang?
Nalulugod ba ang Panginoon sa mga libu-libong tupa,
    o sa mga sampung libong ilog ng langis?
Ibibigay ko ba ang aking panganay dahil sa aking pagsuway,
    ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?”
Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti.
    At ano ang itinatakda ng Panginoon sa iyo,
kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan,
    at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos?

Ang tinig ng Panginoon ay sumisigaw sa lunsod
    isang mainam na karunungan ang matakot sa iyong pangalan:
“Pakinggan ninyo, O lipi at ang pagtitipon ng bayan!
10     Mayroon pa kayang mga kayamanan ng kasamaan sa bahay ng masama,
at ng kulang na panukat na kasuklamsuklam?
11 Pawawalang-sala ko ba ang taong may masamang timbangan
    at may isang supot ng mapandayang panimbang?
12 Sapagkat ang mayayamang tao ng lunsod ay punô ng karahasan;
    ang kanyang mga mamamayan ay nagsasalita ng mga kabulaanan,
    at ang kanilang dila ay mandaraya sa kanilang bibig.
13 Kaya't pinasimulan kitang saktan,
    ginawa kitang wasak dahil sa iyong mga kasalanan.
14 Ikaw ay kakain, ngunit hindi ka mabubusog;
    at iyong karumihan ay mapapasa gitna mo;
ikaw ay magtatabi, ngunit hindi makakapag-ipon;
    at ang iyong inipon ay aking ibibigay sa tabak.
15 Ikaw ay maghahasik, ngunit hindi ka mag-aani:
    ikaw ay magpipisa ng mga olibo, ngunit hindi ka magpapahid ng langis sa iyong sarili;
    ikaw ay magpipisa ng ubas, ngunit hindi ka iinom ng alak.
16 Sapagkat(E) iningatan ang mga tuntunin ni Omri,
    at ang lahat ng mga gawa ng sambahayan ni Ahab,
    at kayo'y nagsisilakad sa kanilang mga payo;
upang gawin kitang wasak, at ang iyong mamamaya'y hahamakin,
    at inyong papasanin ang pagkutya ng aking bayan.”

Ang Pagkabulok ng Lipunan

Kahabag-habag ako! Sapagkat ako'y naging gaya
    nang tipunin ang mga bunga sa tag-init,
    gaya nang pulutin ang ubas sa ubasan,
walang kumpol na makakain
    walang unang hinog na bunga ng igos na aking kinasabikan.
Ang mabuting tao ay namatay sa lupa,
    at wala nang matuwid sa mga tao;
silang lahat ay nag-aabang upang magpadanak ng dugo;
    hinuhuli ng bawat isa ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng lambat.
Ang kanilang mga kamay ay nasa kasamaan upang sikaping isagawa;
    ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol;
at ang dakilang tao ay nagsasalita ng masamang pagnanasa ng kanyang kaluluwa,
    ganito nila ito pinagtatagni-tagni.
Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag;
    ang pinakamatuwid sa kanila ay gaya ng bakod na tinikan.
Ang araw ng kanilang mga bantay, ang araw ng kanilang kaparusahan ay dumating;
    ngayo'y dumating na ang kanilang pagkalito.
Huwag kayong magtitiwala sa kapitbahay;
    huwag kayong magtiwala sa kaibigan;
ingatan mo ang mga pintuan ng iyong bibig
    sa kanya na humihiga sa iyong sinapupunan,
sapagkat(F) lalapastanganin ng anak na lalaki ang ama,
    ang anak na babae ay titindig laban sa kanyang ina,
ang manugang na babae ay laban sa kanyang biyenang babae;
    ang mga kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kasambahay.

Ang Panginoon ay Magdadala ng Kaligtasan

Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa Panginoon;
    ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan;
    papakinggan ako ng aking Diyos.
Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway;
    kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon;
kapag ako'y naupo sa kadiliman,
    ang Panginoon ay magiging aking ilaw.
Aking papasanin ang galit ng Panginoon,
    sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya,
hanggang sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin,
    at lapatan ako ng hatol.
Kanyang ilalabas ako sa liwanag,
    at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas.
10 Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway,
    at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin,
    “Nasaan ang Panginoon mong Diyos?”
Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya;
    siya'y yayapakan
    na parang putik sa mga lansangan.

11 Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta!
    Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan.
12 Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo
    mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog,
    at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok.
13 Ngunit masisira ang lupa
    dahil sa kanila na naninirahan doon,
    dahil sa bunga ng kanilang mga gawa.

Ang Pagkahabag ng Panginoon sa Israel

14 Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod,
    ang kawan na iyong mana,
na mag-isang naninirahan sa gubat
    sa gitna ng mabungang lupain;
pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead,
    gaya ng mga araw noong una.
15 Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto
    ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay.
16 Makikita ng mga bansa at mapapahiya
    sa lahat nilang kapangyarihan;
kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig,
    ang kanilang mga tainga ay mabibingi.
17 Hihimurin nila ang alabok na parang ahas;
    gaya ng gumagapang na mga hayop sa lupa;
sila'y lalabas na nanginginig mula sa kanilang mga kulungan;
    sila'y lalapit na may takot sa Panginoon nating Diyos
    at sila'y matatakot dahil sa iyo.

18 Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan,
    at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana?
Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman,
    sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig.
19 Siya'y muling mahahabag sa atin;
    kanyang tatapakan ang ating kasamaan.
Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan
    sa mga kalaliman ng dagat.
20 Igawad mo ang katotohanan kay Jacob,
    at tapat na pag-ibig kay Abraham,
na iyong isinumpa sa aming mga ninuno
    mula pa nang unang panahon.

Apocalipsis 7

Ang 144,000—ang Bayang Israel

Pagkatapos(A) nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy.

At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buháy at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat,

na(B) nagsasabi, “Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punungkahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”

At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel:

Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
sa lipi ni Ruben ay 12,000;
sa lipi ni Gad ay 12,000;
sa lipi ni Aser ay 12,000;
sa lipi ni Neftali ay 12,000;
sa lipi ni Manases ay 12,000;
sa lipi ni Simeon ay 12,000;
sa lipi ni Levi ay 12,000;
sa lipi ni Isacar ay 12,000;
sa lipi ni Zebulon ay 12,000;
sa lipi ni Jose ay 12,000;
sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.

Ang Di-Mabilang na mga Tao

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di-mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay;

10 at nagsisigawan nang may malakas na tinig, na nagsasabi,

“Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!”

11 At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buháy at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos,

12 na nagsasabi,

“Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan,
pagpapasalamat, karangalan,
kapangyarihan, at kalakasan,
ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen.”

13 At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, “Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?”

14 Sinabi(C) ko sa kanya, “Ginoo, ikaw ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.

15 Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila.

16 Sila'y(D) hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init,

17 sapagkat(E) ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”

Mga Awit 135

135 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ang pangalan ng Panginoon,
    magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
    sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
    ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.

Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
    at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
    sa langit at sa lupa,
    sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
    na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
    at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.

Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
    sa hayop at sa tao;
siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
    ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
    laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
    at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
    at kay Og na hari sa Basan,
    at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
    isang pamana sa kanyang bayang Israel.

13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
    ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.

15 Ang(A) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
    na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
    mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
    ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
    ng mga gumawa sa kanila—
    oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!

19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
    O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
    Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
    siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 30:5-6

Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo,
    siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya.
Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita,
    baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001