Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Hoseas 4-5

Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa Israel

Dinggin ninyo ang salita ng Panginoon, o mga anak ni Israel;
    sapagkat ang Panginoon ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain.
Sapagkat walang katapatan o kabaitan man,
    ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain.

Naroon ang panunumpa,

    pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya;
    sila'y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo.

Kaya't ang lupain ay tumatangis,

    at lahat ng nakatira doon ay nanlulupaypay,
kasama ng mga hayop sa parang
    at ng mga ibon sa himpapawid;
    pati ang mga isda sa dagat ay nangawala.

Ang Hinanakit ng Panginoon Laban sa mga Pari

Gayunma'y huwag makipaglaban ang sinuman,
    o magbintang man ang sinuman;
    sapagkat ang iyong bayan ay gaya ng mga nakikipagtalo sa pari.
At ikaw ay matitisod sa araw,
    at ang propeta man ay matitisod na kasama mo sa gabi;
    at aking pupuksain ang iyong ina.
Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman;
    sapagkat itinakuwil mo ang kaalaman,
    itinatakuwil din kita bilang aking pari.
At yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos,
    akin ding lilimutin ang iyong mga anak.

Habang lalo silang dumarami,
    lalo silang nagkakasala laban sa akin;
    aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian.
Sila'y kumakain sa kasalanan ng aking bayan,
    at itinuon ang kanilang pagnanasa tungo sa kanilang kasamaan.
At magiging kung paano ang taong-bayan, gayon ang pari.
    Parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga lakad,
    at pagbabayarin ko sila sa kanilang mga gawa.
10 Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog;
    sila'y magiging tulad sa bayarang babae,[a] ngunit hindi dadami;
    sapagkat sila'y humintong makinig sa Panginoon.

Sinusumpa ng Panginoon ang Pagsamba sa Diyus-diyosan

11 Ang kahalayan, alak at bagong alak ay nag-aalis ng pang-unawa.
12 Ang aking bayan ay sumasangguni sa bagay na yari sa kahoy,
    at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila.
Sapagkat iniligaw sila ng espiritu ng pagiging bayarang babae,
    at sila'y tumalikod sa kanilang Diyos upang maging bayarang babae.
13 Sila'y naghahandog ng mga alay sa mga tuktok ng mga bundok,
    at nagsusunog ng kamanyang,
sa ilalim ng mga ensina at ng mga alamo at ng mga roble,
    sapagkat ang lilim ng mga iyon ay mabuti.
Kaya't ang inyong mga anak na babae ay naging bayarang babae,
at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya.
14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae kapag sila'y naging bayarang babae
ni ang inyong mga manugang na babae kapag sila'y nangangalunya;
sapagkat ang mga lalaki mismo ay humahayo kasama ng bayarang babae
    at sila'y naghahandog ng mga alay kasama ang mga bayarang babae sa templo.
    at ang bayang walang pang-unawa ay mawawasak.

15 Bagaman ikaw, O Israel, ay naging bayarang babae,[b]
    huwag hayaang magkasala ang Juda.
Huwag kayong pumunta sa Gilgal,
    ni sumampa man sa Bet-haven,
    at huwag kayong sumumpa, “Habang nabubuhay ang Panginoon.”
16 Sapagkat ang Israel ay matigas ang ulo,
    gaya ng isang guyang babae na matigas ang ulo
mapapakain ba ngayon sila ng Panginoon
    tulad ng batang tupa sa isang malawak na pastulan?

17 Ang Efraim ay nakisama sa mga diyus-diyosan;
    hayaan ninyo siya.
18 Ang kanilang alak ay ubos, nagpatuloy sila sa pagiging bayarang babae,
    ang kanilang mga pinuno ay iniibig na mabuti ang kahihiyan.
19 Tinangay sila ng hangin sa kanyang mga pakpak;
    at sila'y mapapahiya dahil sa kanilang mga handog.

Ang Pagsalangsang ng Israel ay Tinutulan

Pakinggan ninyo ito, O mga pari!
    Makinig kayo, O sambahayan ni Israel!
Makinig kayo, O sambahayan ng hari!
    Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan;
sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah,
    at isang lambat na inilatag sa Tabor.
Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan;
    ngunit parurusahan ko silang lahat.

Kilala ko ang Efraim,
    at ang Israel ay hindi lingid sa akin;
sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae,
    ang Israel ay dinungisan ang sarili.
Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa
    na manumbalik sa kanilang Diyos.
Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila,
    at hindi nila nakikilala ang Panginoon.

Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya;
    kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala;
    ang Juda'y natitisod ding kasama nila.

Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan

    upang hanapin ang Panginoon;
ngunit hindi nila siya matatagpuan;
    siya'y lumayo sa kanila.
Sila'y naging taksil sa Panginoon;
    sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas.
    Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang.

Digmaan ng Juda at ng Israel

Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea,
    at ang trumpeta sa Rama.
Patunugin ang hudyat sa Bet-haven;
    tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin.
Ang Efraim ay mawawasak
    sa araw ng pagsaway;
sa gitna ng mga lipi ng Israel
    ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari.
10 Ang mga pinuno ng Juda ay naging
    gaya ng nag-aalis ng batong-pananda;
sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig.
11 Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan;
    sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao.
12 Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim
    at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda.
13 Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit,
    at ni Juda ang kanyang sugat,
ay nagtungo si Efraim sa Asiria,
    at nagsugo sa Haring Jareb.
Ngunit hindi niya kayo mapapagaling,
    ni malulunasan man ang inyong sugat.
14 Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim,
    at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda,
ako, ako mismo ang pipilas at aalis;
    ako'y tatangay, at walang magliligtas.
15 Ako'y muling babalik sa aking dako,
    hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha.
    Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam.

2 Juan

Pagbati

Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan,

dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman:

Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig.

Pag-ibig at Katotohanan

Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama.

Ngunit(A) ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa.

At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad.

Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo.

Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming[a] pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala.

Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak.

10 Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin,

11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.

Pangwakas na Pagbati

12 Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.

13 Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo.[b]

Mga Awit 125

Awit ng Pag-akyat.

125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
    na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
    gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
    mula sa panahong ito at magpakailanman.
Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
    sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
    ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
    at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
    ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!

Mga Kawikaan 29:9-11

Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang hangal,
    magagalit lamang o tatawa ang hangal, at hindi magkakaroon ng katahimikan.
10 Ang mga taong uhaw sa dugo ay namumuhi sa walang sala,
    at ang buhay ng matuwid ay hinahabol nila.
11 Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit,
    ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001