The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Inilarawan ni Ezekiel ang Paglaya ng Israel
12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel,(A) anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig 3 sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi. 4 Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. 5 Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. 6 Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”
7 At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan.
8 Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh, 9 “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? 10 Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. 11 Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’ 12 Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya. 13 Ngunit(B) susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita. 14 Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak. 15 At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh. 16 Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Palatandaan ng Panginginig ng Propeta
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. 19 Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. 20 Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’”
Ang mga Palasak na Kasabihan
21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 22 “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ 23 Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. 24 Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. 25 Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.”
26 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 27 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. 28 Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’”
Ang Pahayag Laban sa mga Bulaang Propeta
13 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!”
3 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin. 4 Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim. 5 Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh. 6 Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag. 7 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.”
8 Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo. 9 Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 10 Dinadaya(C) ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo. 11 Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos. 12 At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.”
13 Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon. 14 Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 15 Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon. 16 Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh.
Ang Pahayag Laban sa mga Babaing Bulaang Propeta
17 Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan. 18 Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan? 19 Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.”
20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo. 21 Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. 22 Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan. 23 Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.”
Ang Hatol Laban sa mga Sumasamba sa Diyus-diyosan
14 Minsan, pumunta sa akin ang ilang pinuno ng Israel upang magpasangguni kay Yahweh. 2 Ang sabi naman sa akin ni Yahweh, 3 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga ito'y nahumaling na sa diyus-diyosan at naibunsod sa kasamaan. Hindi ko sila tutugunin sa pagsangguni nila sa akin. 4 Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan. 5 Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.
6 “Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. 7 Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan. 8 Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh.
9 “Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan. 10 Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya. 11 Gagawin ko ito para hindi na lumayo sa akin ang Israel at hindi na sila magpakasama. Kung magkagayon, sila ay magiging bayan ko at ako naman ang kanilang Diyos.” Ito nga ang sabi ni Yahweh, ng Diyos.
Ang Paring si Melquisedec
7 Ang(A) Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. 2 Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. 3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman.
4 Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. 5 Ayon(B) sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. 7 Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. 8 Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. 9 Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
11 Batay sa pagkapari ng mga Levita ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita. Kung ang pagkapari ng mga Levita ay walang kapintasan, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pagkapari na ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron. 12 Nang baguhin ang pagkapari, kinailangan ding baguhin ang kautusan. 13 Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. 14 Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari.
Ibang Pari, Tulad ni Melquisedec
15 Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 16 Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. 17 Sapagkat(C) ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
37 Pagkatapos(A) nito, ang bayang Israel kanyang inilabas,
malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak.
38 Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis,
pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis.
39 Ang(B) naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap,
at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag.
40 Nang(C) sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita,
at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna.
41 Sa(D) bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw,
pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang.
42 Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan,
ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham.
43 Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod,
nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog.
44 Ang(E) mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak,
sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap.
45 Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin,
yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin.
Purihin si Yahweh!
3 Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang kaguluhang dulot ng kamangmangan.
by