The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Tungkulin ng Bantay
33 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. 3 Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. 4 Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. 5 Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. 6 Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.
7 “Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. 8 Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. 9 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”
Tungkulin ng Bawat Isa
10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. 12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. 13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. 14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, 15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. 16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.
17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. 18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama 19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. 20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”
Ang Pagbagsak ng Jerusalem
21 Nang(A) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.” 22 Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.
Ang Kasamaan ng mga Tao
23 Sinabi sa akin ni Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon. 25 Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito? 26 Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain? 27 Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan. 28 Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon. 29 Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta
30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’ 31 Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila. 32 Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig. 33 Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”
Ang Pahayag Laban sa mga Pinuno ng Israel
34 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. 3 Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa. 4 Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. 5 Sila'y(B) nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol. 6 Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila.
7 “Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: 8 Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. 9 Kaya nga makinig kayo, mga pastol. 10 Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.”
Si Yahweh ang Mabuting Pastol
11 Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. 12 Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. 13 Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. 14 Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. 16 Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain[a] ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan.
17 “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. 18 Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? 19 Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.”
20 “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. 21 Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. 22 Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. 23 Itatalaga(C) ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. 24 Akong(D) si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito.
25 “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. 26 Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. 27 Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. 28 Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. 29 Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. 30 Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 31 Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.”
Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos
13 Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. 2 Palaging(A) maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. 3 Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon.
4 Dapat(B) ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.
5 Huwag(C) kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” 6 Kaya't(D) malakas ang loob nating masasabi,
“Ang Panginoon ang tumutulong sa akin,
hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa sa akin ng tao?”
7 Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. 9 Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain.
10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. 11 Ang(E) dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. 12 Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. 13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. 14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. 15 [Kaya't][a] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. 16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos.
17 Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.
18 Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. 19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo.
Panalangin
20 Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. 21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen.
Panghuling Pangungusap
22 Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. 23 Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
24 Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.
25 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.][b]
Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos
115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.
2 Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
“Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
3 Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
4 Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
5 Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
6 di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
7 Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
8 Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
9 Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.
14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.
16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.
Purihin si Yahweh!
21 Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit ugali ng tao ay makikilala sa gawa araw-araw.
22 Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang kamangmangan.
by