The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Kamatayan sa Nagkasala
18 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ano(A) ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?”
3 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. 4 Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.
5 “Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. 6 Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 7 Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. 8 Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. 9 Sinusunod(B) niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.
10 “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, 11 bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, 12 nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, 13 at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.
14 “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. 15 Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. 16 Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, 17 lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. 18 Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.
19 “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. 20 Ang(C) nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.”
Matuwid ang Tuntunin ng Diyos
21 “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. 22 Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. 23 Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. 24 Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una.
25 “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. 26 Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. 27 At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. 28 Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. 29 Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama.
30 “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. 31 Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. 32 Hindi(D) ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.”
Pamimighati para sa mga Pinuno ng Israel
19 Ihayag mo ang iyong panaghoy para sa mga pinuno ng Israel.
2 Sabihin mo:
Ang iyong ina ay parang isang leon.
Pinalaki niya ang kanyang mga anak,
nakatira siyang kasama ng karamihan sa piling ng mababangis na leon.
3 Isa sa kanyang mga anak ay tinuruan niya;
kaya ito ay natutong manila at manlapa ng tao.
4 Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa paligid,
hinuli siya sa patibong, ikinulong at dinala sa Egipto.
5 Naghintay siya nang naghintay hanggang sa mawalan ng pag-asa;
kaya, inaruga ang isa pang anak niya,
na nang lumaki'y naging isang mabangis na leon.
6 Sumama siya sa ibang leong tulad niya
at siya'y natutong manlapa ng tao.
7 Iginuho niya ang mga tanggulan ng kalaban,
at kanyang winasak ang kanilang mga bayan.
Ang buong lupain, lahat ng mamamayan,
ay nangingilabot sa kanyang atungal.
8 At nagkaisa laban sa kanya ang mga bansa sa palibot.
Iniumang nila ang kanilang mga lambat
at siya ay nahulog sa kanilang patibong.
9 Siya ay ikinulong nila't dinala sa hari ng Babilonia;
pinabantayan siyang mabuti.
Mula noon, ang ungal niya'y di na narinig
sa mga bundok ng Israel.
10 Ang iyong ina ay tulad ng baging ng ubas,
itinanim sa tabi ng batis.
Sapagkat sagana sa tubig, kaya ito ay lumago at namunga nang marami.
11 Matitigas ang kanyang mga sanga,
bagay na setro ng hari.
Ito'y tumaas, umabot sa mga ulap.
Namumukod nga sa taas, namamalas ng lahat.
12 Ngunit dahil sa matinding galit, ito ay ibinuwal,
bunga nito ay nalanta sa ihip ng hangin.
Ang puno ay natuyo, sa huli ay sinunog.
13 At ito nga'y itinanim sa disyerto,
sa lupaing tuyung-tuyo, kaunti ma'y walang katas.
14 Ang punong iyon ay nasunog,
bunga't sanga ay natupok,
kaya't wala nang makuhang gagawing setro.
Ito ay isang panaghoy at paulit-ulit na sasambitin.
Ang Pagsamba Dito sa Lupa at Doon sa Langit
9 Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. 2 Itinayo(A) ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; 3 ang(B) ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. 4 Naroon(C) ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. 5 At(D) sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito.
6 Ganoon(E) ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. 7 Ngunit(F) tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. 8 Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. 9 Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. 10 Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay.
32 At(A) itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba,
nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila.
33 Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin,
dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil.
34 Di(B) nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan,
bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan.
35 Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
36 Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.
37 Pati(C) anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos,
sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog.
38 Ang(D) pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay
para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan,
kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan.
39 Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa,
sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumamâ.
40 Kaya(E) naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.
41 Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya,
sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala.
42 Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway,
pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan.
43 Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila,
naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala.
44 Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan,
dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan.
45 Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan,
nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal.
46 Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din,
sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin.
47 Iligtas(F) mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin,
saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin,
upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain.
48 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!”
Purihin si Yahweh!
10 Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang kaibigan ng iyong magulang. Kung ikaw ay nagigipit, huwag sa kapatid lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong kapatid.
by