The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedar
31 Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan:
Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan?
3 Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon.
Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon.
Ang taas mo'y walang katulad.
Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap.
4 Sagana ka sa dilig;
may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo.
Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat.
5 Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat.
Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon
sapagkat sagana nga sa tubig.
6 At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad.
Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop.
At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya.
7 Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan.
Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay.
Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig.
8 Hindi(A) ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos,
ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos.
9 Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga.
Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden.
10 Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. 11 Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. 12 Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya. 13 Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang. 14 Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.”
15 Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. 16 Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. 17 Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa.
18 “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.”
Itinulad sa Buwaya ang Faraon
32 Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. 3 Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. 4 Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. 5 Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. 6 Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. 7 Sa(B) pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. 8 Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman.
9 “Maraming bansa ang magugulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. 10 Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.” 11 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia. 12 Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo. 13 Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito. 14 Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa. 15 Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh. 16 Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”
Ang Daigdig ng mga Patay
17 Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na. 19 Sabihin mo sa kanila,
“Hindi kayo nakahihigit sa iba.
Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman,
kasama ng mga makasalanan.
20 “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila. 21 Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’
22 “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan. 23 Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa.
24 “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon. 25 Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan.
26 “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig. 27 Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay. 28 Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
29 “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
30 “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan.
31 “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak. 32 Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.”
14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan(A) ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. 16 Pag-ingatan(B) ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam(C) ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.
18 Hindi(D) kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. 19 Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, 20 sapagkat(E) hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” 21 Talagang(F) nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!”
22 Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. 23 Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon[a] ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. 24 Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
25 Kaya't(G) huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! 26 Dahil(H) sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” 27 Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig.
28 Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, 29 sapagkat(I) tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok.
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
113 Purihin si Yahweh!
Dapat na magpuri ang mga alipin,
ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin.
2 Ang kanyang pangalan ay papupurihan,
magmula ngayo't magpakailanman,
3 buhat sa silangan, hanggang sa kanluran,
ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan.
4 Siya'y naghahari sa lahat ng bansa,
lampas pa sa langit ang pagkadakila.
5 Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh,
na sa kalangitan doon nakaluklok?
6 Buhat sa itaas siya'y tumutunghay,
ang lupa at langit kanyang minamasdan.
7 Mula kapanglawa'y itong mahihirap,
kanyang itinataas, kanyang nililingap.
8 Sa mga prinsipe ay isinasama,
sa mga prinsipe nitong bayan niya.
9 Ang babaing baog pinagpapala niya,
binibigyang anak para lumigaya.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Paggunita sa Exodo
114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
2 Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.
3 Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
4 Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.
5 Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
6 Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?
7 Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
8 sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.
18 Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang panginoon.
19 Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang iniisip.
20 Ang nasa ng tao'y walang katapusan, tulad ng libingan, laging naghihintay.
by