The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
13 “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada, 14 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.) 15 Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh. 16 “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel. 17 Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.”
Mga Kapistahan(A)
18 Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo. 19 Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob. 20 Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo.
21 “Sa(B) ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan. 23 Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan. 24 Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis.
25 “Ganito(C) rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.”
Ang Pinuno at ang mga Pista
46 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. 2 Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. 3 Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. 4 Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. 5 Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. 6 Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. 7 Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. 8 Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas.
9 “Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. 10 Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo.
11 “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. 12 Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto.
Ang mga Handog Araw-araw
13 “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. 14 Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. 15 Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.”
Ang Pinuno at ang Lupain
16 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. 17 Ngunit(D) kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. 18 Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.”
Ang Lutuan ng mga Handog
19 Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.”
21 Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; 22 maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. 23 Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. 24 Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.”
Paanyaya sa Banal na Pamumuhay
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. 15 Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, 16 sapagkat(A) nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.”
17 Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.
22 Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. 24 Ayon(B) sa kasulatan,
“Ang lahat ng tao ay tulad ng damo,
gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan.
Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas,
25 ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”
Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.
Ang Batong Buháy at ang Bayang Pinili
2 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, 3 sapagkat(C) “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. 5 Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, 6 sapagkat(D) sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo,
inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga;
hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Kaya(E) nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong-pundasyon.”
8 At(F)
“Ito ang batong katitisuran ng mga tao,
batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit(G) kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. 10 Kayo'y(H) hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
11 Ang palagay ng mayaman ay marunong siya,
ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya.
by