The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
42 Ganyan ko ipararanas sa iyo ang aking matinding galit bunga ng panibugho. Sa gayon, mapapawi ang aking galit at papayapa na ang aking kalooban. 43 Hindi mo na naalala ang kalagayan mo noong ikaw ay bata, bagkus ay ginalit mo ako nang lubusan dahil sa iyong kasuklam-suklam na gawain. Kaya naman, pagbabayarin kita nang husto.
Kung Ano ang Puno ay Siyang Bunga
“Dahil sa iyong kahalayang ito at sa kasuklam-suklam mong gawain, 44 ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ 45 Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. 46 Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. 47 Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila.
48 “Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. 49 Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, 50 naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. 51 Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. 52 Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo.
Ibabalik sa Dati ang Sodoma at ang Samaria
53 “Ibabalik ko sa dati ang Sodoma at ang mga sakop nito, ganoon din ang Samaria at ang kanyang nasasakupan; saka pa lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 54 Dadanasin mo ang bigat ng parusa at ang kahihiyang bunga ng iyong ginawa. Ito'y magiging pampalubag-loob sa Sodoma at Samaria. 55 Kung maibalik na sa dati ang Sodoma at Samaria, saka lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. 56 Hindi ba't sinisiraan mo ang Sodoma noong panahon ng iyong kapalaluan, 57 noong hindi pa nalalantad ang iyong kasamaan? Ngayon, ikaw naman ang nalagay sa gayong katayuan. Ikaw ngayon ang usap-usapan ng mga nasasakupan ng Edom. Ikaw ngayon ang kinasusuklaman ng Filisteo. 58 Ngayon ay dadanasin mo ang bigat ng parusang bunga ng iyong mahalay at kasuklam-suklam na pamumuhay.”
Ang Walang Hanggang Kasunduan
59 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ilalapat ko sa iyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. 60 Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng kasunduan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. 61 Kung magkagayon, maaalala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila'y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. 62 Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo'y makikilala mong ako si Yahweh. 63 Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.”
Ang Talinghaga ng Dalawang Agila at ng Baging
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, 3 para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinghaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. 4 Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain 5 at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. 6 Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling.
7 “Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. 8 Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. 9 Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. 10 Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?”
Ang Kahulugan ng Talinghaga
11 Sinabi sa akin ni Yahweh, 12 “Itanong(A) mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. 13 Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain 14 para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. 15 Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. 16 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. 17 Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. 18 Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.”
19 Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbaliwala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. 20 Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. 21 Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.”
22 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, 23 sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. 24 Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.”
Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari
8 Ito(A) ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. 2 Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.
3 Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. 4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang(B) paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” 6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.
7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. 8 Ngunit(C) nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya,
“Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong tipan sa bayang Israel at sa bayang Juda.
9 Hindi ito magiging katulad ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
nang ilabas ko sila sa Egipto.
Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya't sila'y aking pinabayaan.
10 Ganito ang gagawin kong tipan sa bayan ng Israel
pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos;
isusulat ko ito sa kanilang puso.
Ako ang kanilang magiging Diyos,
at sila ang aking magiging bayan.
11 Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing,
‘Kilalanin mo ang Panginoon.’
Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan,
at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.”
13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.
13 Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot,
sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos.
14 Habang(A) nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod,
sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos.
15 Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit,
ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit.
16 Sila(B) ay nagselos kay Moises habang nasa ilang,
at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang.
17 Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa,
si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla.
18 Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog,
at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok.
19 Sa(C) may Bundok ng Sinai,[a] doon ay naghugis niyong gintong guya,
matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba.
20 Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha,
sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa.
21 Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas,
ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas.
22 Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala.
Sa Dagat na Pula[b] yaong nasaksihan ay kahanga-hanga.
23 Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka,
agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya,
at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila.
24 Ang(D) lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan,
dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan.
25 Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal,
at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal.
26 Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang
sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang.
27 Sila'y(E) ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil,
sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin.
28 Sila'y(F) nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba,
ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila.
29 Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito:
Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao.
30 Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay,
kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay.
31 Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan
ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan.
7 Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis kahit ang ampalaya.
8 Ang taong lumayas sa kanyang tahanan, tulad ng ibong sa pugad ay lumisan.
9 Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban.
by