Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 14:12-16:41

Ang Hatol ng Diyos Laban sa Jerusalem

12 Sinabi sa akin ni Yahweh, 13 “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. 14 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay.

15 “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. 16 Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak.

17 “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. 18 Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh.

19 “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. 20 Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.”

21 Ipinapasabi(A) nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? 22 Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. 23 Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.”

Itinulad sa Baging na Ligaw ang Jerusalem

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ano ba ang kahigtan ng puno ng ubas kaysa punongkahoy sa gubat? Mayroon ba itong ibang mapaggagamitan? Maaari ba itong gawing tulos o sabitan ng kagamitan? Hindi! Ito ay panggatong lamang. At kung masunog na ito'y wala nang silbi. Kung noong buo pa ito ay wala nang mapaggamitan, gaano pa kung uling na. Lalong wala nang gamit!”

Kaya naman ipinapasabi ni Yahweh: “Kung paanong ang baging ay kinukuha sa gubat upang igatong, gayon ang gagawin ko sa mga taga-Jerusalem. Tatalikuran ko sila. Makatakas man sila sa apoy, ito rin ang papatay sa kanila. At makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na sila. Ang lupaing iyon ay gagawin kong pook ng lagim pagkat hindi sila naging tapat sa akin.”

Ang Kawalang Katapatan ng Jerusalem

16 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amoreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang.

“Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging ganap na dalaga. Malusog ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubo't hubad.

“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. 10 Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. 11 Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. 12 Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. 13 Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo'y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo'y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. 14 Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo.

15 “Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. 16 Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. 17 Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. 18 Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. 19 Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. 20 Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. 21 Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. 22 Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa, 24 nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa. 25 Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa. 26 Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo. 27 Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain.

28 “Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria. 29 Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito.

30 “Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan. 31 Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan. 32 O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa. 33 Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan. 34 Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga.

Ang Hatol ng Diyos sa Jerusalem

35 “Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh. 36 Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak. 37 Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan. 38 Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan. 39 Ibibigay kita sa kanila. Gigibain nila ang mga altar mong nakaarko at ang mataas na entablado. Huhubaran ka nila ng iyong kasuotan at alahas. Kaya't iiwan ka nilang hubo't hubad. 40 Ipadudumog ka nila sa makapal na tao. Babatuhin ka nila at ipatatadtad sa tabak. 41 Susunugin nila ang iyong mga bahay at paparusahan sa harapan ng kababaihan. Mapuputol na ang iyong kahalayan at ang pag-upa para lang angkinin ka.

Mga Hebreo 7:18-28

18 Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. 19 Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos.

20 Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, 21 ngunit(A) nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya,

“Ang Panginoon ay sumumpa,
    at hindi siya magbabago ng isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman!’”

22 Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan.

23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. 24 Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. 25 Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.

26 Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. 27 Hindi(B) siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. 28 Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman.

Mga Awit 106:1-12

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

106 Purihin(A) si Yahweh!

Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan!
    Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila?
    Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa?
At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan,
    na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay.

Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita,
    sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana;
upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang,
    kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang.

Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang,
    ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan.
Ang(B) magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita;
    ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya,
    bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y[a] nilabanan ka pa.
Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas,
    upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas.
Nang(C) siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula[b] ay natuyong bigla,
    sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa.
10 Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway,
    iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban.
11 Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat,
    lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas.
12 Nang(D) ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang,
    sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay.

Mga Kawikaan 27:4-6

Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang pagseselos ay may ibayong lupit.

Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala.

May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway.