The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Pahayag Laban sa Egipto
29 Noong(A) ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. 3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. 4 Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. 5 Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid.
6 “Sa(B) gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. 7 Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. 8 Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. 9 Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh.
“Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. 10 Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia.[a] 11 Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. 12 Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.”
13 Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. 14 Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. 15 Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. 16 Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Masasakop ang Egipto
17 Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: 18 “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. 19 Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. 20 Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. 21 Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
Ang Magiging Wakas ng Egipto
30 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko:
Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating,
3 sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh.
Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa.
4 Sisiklab ang digmaan sa Egipto.
Maghahari sa Etiopia[b] ang matinding dalamhati
kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao,
sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa
at iiwanan itong wasak.
5 “Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” 6 Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. 7 Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. 8 Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh.
9 “Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” 10 Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. 11 Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. 12 Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” 13 Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. 14 Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. 15 Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. 16 Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. 17 Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. 18 Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. 19 Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.”
20 Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. 22 Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. 23 Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. 24 Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. 25 Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. 26 Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”
32 Magpapatuloy(A) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(B) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(C) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(D) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.
May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(E) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(F) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.
39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.
Ama Natin ang Diyos
12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. 2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. 4 Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. 5 Nalimutan(G) na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?
“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
6 Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”
7 Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? 8 Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. 9 Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.
Mga Babala at mga Tagubilin
12 Dahil(H) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(I) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.
Mapalad ang Mabuting Tao
112 Purihin si Yahweh!
Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang,
at taos-pusong sumusunod sa kanyang kautusan.
2 Ang kanyang lipi'y magiging dakila,
pati mga angkan ay may pagpapala.
3 Magiging sagana sa kanyang tahanan,
pagpapala niya'y walang katapusan.
4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.
5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.
6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.
7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.
8 Wala siyang takot, hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.
9 Nagbibigay(A) sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.
10 Kung makita ito ng mga masama,
lumalayas silang mabagsik ang mukha;
pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala.
17 Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan.
by