Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Daniel 5

Ang mga Sulat sa Pader

Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.

Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala.

10 Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. 11 Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo 12 dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.”

Ipinaliwanag ni Daniel ang Nakasulat sa Pader

13 Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. 14 Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. 15 Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. 16 Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.”

17 Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat.

18 “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. 19 Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. 21 Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya.

22 “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbaba. 23 Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. 24 Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo.

25 “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin.[a] 26 Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. 27 ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. 28 ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.”[b]

29 Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. 30 Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. 31 Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na.

2 Pedro 2

Mga Huwad na Guro

Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog.

Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno[a] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil(A) sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa(B) [at tinupok][b] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit(C) iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, 10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.

Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis(D) sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor[c] na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. 16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.

17 Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. 18 Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. 19 Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. 20 Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. 21 Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. 22 Ang(E) nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang:

“Ang aso pagkatapos sumuka
    ay muling kinakain ang nailuwa na,”

at,

“Ang baboy na pinaliguan
    ay bumabalik sa putikan.”

Mga Awit 119:113-128

Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh

(Samek)

113 Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
    ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114 Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
    ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115 Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
    pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116 Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
    ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117 Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
    ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118 Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
    ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119 Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
    kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120 Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
    sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.

Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh

(Ayin)

121 Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
    sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122 Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
    at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123 Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
    sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124 Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
    ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125 Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
    abang lingkod,
    upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126 Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
    nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127 Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
    kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128 Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
    pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.

Mga Kawikaan 28:19-20

19 Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag,
    ngunit naghihirap ang taong tamad.
20 Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala,
    ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya.