The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Tabak ni Yahweh
21 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, sa Jerusalem ka naman humarap at magpahayag laban sa mga dambana at bigyang babala ang Israel. 3 Sabihin mo, ganito ang sabi ni Yahweh: Ako ay laban sa iyo. Bubunutin ko ang aking tabak at papatayin ang masama't mabuti. 4 Ang pagbunot ko nito ay laban sa lahat ng tao, mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 Sa pamamagitan nito'y makikilala ng lahat na akong si Yahweh ang nagbunot ng tabak at hindi ko ito isusuksok muli. 6 Kaya, Ezekiel, manangis kang walang tigil at iparinig mo ito sa kanila. 7 Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.”
8 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 9 “Sabihin mo sa kanila:
Ang tabak ay inihasa na at pinakintab.
10 Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat.
Pinakintab upang kumislap na parang kidlat.
Walang makakahadlang dito,
sapagkat di ninyo dininig ang payo.
11 Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin.
Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo.
12 Managhoy ka, anak ng tao.
Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayan
at sa kanyang mga pinuno.
Sila ay papataying kasama ng buong bayan.
Kaya, tumangis ka.
13 Susubukin ko ang aking bayan,
at kapag di sila nagsisi,
ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila.
14 “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa. 15 Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa. 16 Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila. 17 Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Ang Tabak ng Hari ng Babilonia
18 Sinabi pa sa akin ni Yahweh, 19 “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan; 20 ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem. 21 Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog. 22 Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan. 23 Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.”
24 Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway. 25 At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo. 26 Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin. 27 Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito.
Ang Hatol Laban sa mga Ammonita
28 “Ezekiel,(A) anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo:
Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa;
pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat.
29 Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila.
30 “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. 31 Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. 32 Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.”
Ang Kasamaan ng Jerusalem
22 Sinabi sa akin ni Yahweh, 2 “Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 3 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 4 Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. 5 Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan.
6 “Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. 7 Nawala(B) na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. 8 Winalang-halaga(C) ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. 9 Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. 10 Sa(D) kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. 11 Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. 12 May(E) nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan.
13 “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. 14 Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. 15 Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. 16 Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Pugon ni Yahweh
17 Sinabi sa akin ni Yahweh, 18 “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. 19 Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. 20 Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. 21 Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.”
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
23 Muling nagsalita sa akin si Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. 25 Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. 26 Ang(F) mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. 28 Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. 29 Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. 30 Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. 31 Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.”
10 Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. 2 Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. 3 Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, 4 sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan.
5-6 Dahil(A) diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:
“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
upang sundin ang iyong kalooban,’
ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”
8 Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. 9 Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.
11 Bawat(B) pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. 12 Ngunit(C) si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. 13 Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. 14 Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis
ng Diyos.
15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya,
16 “Ganito(D) ang gagawin kong tipan sa kanila
pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos,
at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.”
17 Pagkatapos(E) ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.”
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
12 Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
by