Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 27-28

Ang Panaghoy para sa Tiro

27 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh:

‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’
Ang tahanan mo ay ang karagatan.
Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat.
Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit,
at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon.
Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan.
Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus
ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing.
Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag
at siya mo ring bandila;
telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo.
Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan,
ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan.
Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos.
Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko.

10 “Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. 11 Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan.

12 “Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. 13 Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. 14 Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. 15 Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. 16 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. 17 Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. 18 Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, 19 inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. 20 Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. 22 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. 23 Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. 24 Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kurdon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. 25 Mga(A) malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto.

“Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal
sa gitna ng karagatan.
26 Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar,
ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat.
27 Ang iyong kayamanan, kalakal,
mga marinero, kapitan,
tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal
ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak.
28 Mga lugar sa baybayin ay nayanig
sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig.

29 “Wala nang tao isa man sa mga barko;
nag-alisan na ang mga tripulante.
30 Tinangisan ka nila nang buong kapaitan.
Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo.
31 Nag-ahit sila ng ulo.
Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa
at nanangis nang kapait-paitan.
32 Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy:
‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila.
33 Ang mga kalakal mo
ay pantugon sa pangangailangan ng marami.
Dahil sa yaman mo at paninda
ay bumuti ang buhay ng mga hari.
34 Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan.
Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan.
35 Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan,
ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit.
36 Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan.
Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Hari ng Tiro

28 Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. 10 Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Pagbagsak ng Hari ng Tiro

11 Sinabi sa akin ni Yahweh: 12 “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. 13 Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. 14 Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. 15 Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. 16 Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. 17 Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. 18 Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. 19 Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.”

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 Sinabi(B) sa akin ni Yahweh, 21 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. 22 Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. 23 Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

24 Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

25 Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. 26 Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Mga Hebreo 11:17-31

17 Nang(A) subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos 18 na(B) kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. 19 Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.

20 Dahil(C) sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.

21 Dahil(D) sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.

22 Dahil(E) sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis.

23 Dahil(F) sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.

24 Dahil(G) sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. 25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. 26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.

27 Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. 28 Dahil(H) din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay.

29 Dahil(I) sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid.

30 Dahil(J) sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. 31 Dahil(K) sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita.

Mga Awit 111

Awit ng Pagpupuri sa Kadakilaan ni Yahweh

111 Purihin si Yahweh!

Buong puso siyang pasasalamatan,
    aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang.
Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila,
    mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala;
lahat niyang gawa'y dakila at wagas,
    katuwiran niya'y hindi magwawakas.

Hindi maaalis sa ating gunita,
    si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha.
Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana;
    pangako ni Yahweh ay di nasisira.
Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay,
    nang ibigay niya lupa ng dayuhan.

Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat,
    at maaasahan lahat niyang batas.
Ito ay lalagi at di magwawakas,
    pagkat ang saliga'y totoo't matapat.
Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang,
    may ipinangakong walang hanggang tipan;
    Banal at dakila ang kanyang pangalan!
10 Ang(A) pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan.
    Taong masunurin, pupurihing lubos.
Purihin ang Diyos magpakailanman!

Mga Kawikaan 27:15-16

15 Nakakayamot ang asawang masalita tulad ng ulan na ayaw tumila. 16 Mahirap siyang patigilin, para kang dumadakot ng langis o pumipigil sa hangin.