The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Ang Dalawang Gusali na Malapit sa Templo
42 Ako'y isinama ng lalaki sa patyo sa labas at nagtuloy kami sa gusali sa gawing hilaga ng templo at malapit sa dulo nito sa kanluran. 2 Ang haba ng gusaling ito ay limampung metro at dalawampu't limang metro naman ang luwang. 3 Ang kalahati nito ay nakaharap sa patyong sampung metro ang luwang at ang isa pang kalahati sa patyong nalalatagan ng bato. Ito ay tatlong palapag. 4 Sa hilaga ng gusali ay may isang daanang apat at limang metro ang luwang at limampung metro ang haba. 5 Ang mga silid sa pangatlong palapag ay maliit kaysa una at pangalawa dahil sa balkon nito. 6 Ang mga silid mula sa una hanggang ikatlong palapag ay walang haligi, di tulad ng ibang gusali sa patyo sa labas. 7-8 Ang pader sa ibaba ay may luwang na dalawampu't limang metro, kalahati ng kabuuang haba; sa natitirang dalawampu't limang metro ay may mga silid. Sa itaas na palapag ay nakahanay ang mga kuwarto mula puno hanggang dulo. 9-10 Sa silangang dulo ng gusali sa ilalim ng mga silid na ito ay may mga pinto palabas sa patyo.
Sa gawing timog ng templo ay may isa pang gusali, hindi kalayuan sa kanlurang dulo ng templo. 11 Sa harap ng mga silid ay may daang katulad at kasukat ng nasa gawing hilaga. 12 Sa dulo ng hanay ng mga silid sa gawing timog ay mayroon ding pinto.
13 Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang mga gusaling ito ay sagrado. Dito kakanin ng mga pari ang ganap na sagradong bahagi ng mga handog. Dito rin ilalagay ang mga pinakasagradong handog tulad ng handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan, pagkat itinalaga ang mga silid na iyon. 14 Pagkagaling nila sa templo at ibig nilang lumabas sa patyo, huhubarin muna nila roon ang kanilang kasuotan. Iba ang kasuotang gagamitin nila pagharap sa mga tao.”
Ang Sukat ng Paligid ng Templo
15 Matapos sukatin noong tao ang loob ng templo, lumabas kami sa tarangkahan sa gawing silangan at sinukat niya ang labas. 16-19 Ang gawing silangan ay 250 metro, gayon din ang gawing timog, kanluran, at hilaga. 20 Sinukat nga niya ang apat na panig. Napapaligiran ng pader upang mabukod sa karaniwan ang tanging lugar na ito.
Ang Templo'y Muling Napuno ng Kaluwalhatian ni Yahweh
43 Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. 2 Doon,(A) nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. 3 Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako'y dumapa sa lupa. 4 Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. 5 Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo'y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh.
6 Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. 7 Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko'y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari. 8 Ang pintuan nila at ang aking pintuan ay may pagitan lamang na isang pader. Nilapastangan nila ang aking pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam nilang gawain kaya nilipol ko sila. 9 At ngayo'y titigil na sila sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa yumao nilang mga hari. Kaya, maninirahan ako sa gitna nila habang panahon.”
10 Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipaliwanag mo sa sambahayan ni Israel ang kaayusan ng templong ito upang mahiya sila sa kanilang kasamaan. 11 Kung magkagayon, ilarawan mong mabuti sa kanila ang kabuuan ng templo: ang kaayusan, pasukan at labasan. Ipaliwanag mo sa kanila at isulat pagkatapos ang mga tuntunin at kautusan tungkol dito upang ito'y masunod nilang mabuti. 12 Ito ang tuntunin tungkol sa templo. Lahat ng lugar sa paligid nito sa tuktok ng bundok ay aariin ninyong kabanal-banalan.”
Ang Altar
13 Ito(B) ang sukat ng altar: Ang patungan sa lupa ay may kalahating metro ang lalim, gayon din ang lapad. Ang paligid nito'y lalagyan ng moldeng 0.3 metro ang lapad. Ang taas naman 14 mula sa patungan ay isang metro hanggang sa unang pasamano, at kalahating metro ang lapad. Mula sa maliit hanggang sa malaking pasamano ay dalawang metro pataas, at kalahating metro ang lapad. 15 Ang taas ng bahagi ng altar na sunugan ng mga handog ay dalawang metro. Ang pinakasungay nito sa apat na sulok ay mataas kaysa altar. 16 Ang altar ay parisukat: anim na metro ang luwang, gayon din ang haba. 17 Parisukat din ang panggitnang bahagi: pitong metro ang haba, gayon din ang luwang. Ito'y paliligiran ng molde na 0.3 metro ang lapad. Ang lapad ng pinakaalulod ay kalahating metro. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.
Ang Pagtatalaga sa Altar
18 Sinabi(C) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang tuntuning ipinapasabi ko tungkol sa altar. Kapag ito'y yari na, itatalaga mo ito sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga handog at pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na inihandog. 19 Ang mga paring Levita lamang na mula sa sambahayan ni Zadok ang makakapaglingkod sa akin. Akong si Yahweh ang nag-uutos. Bibigyan mo sila ng isang torong panghandog para sa kasalanan. 20 Kukuha ka ng dugo nito upang ipahid sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng panggitnang bahagi, at sa gilid. Sa ganito mo lilinisin at itatalaga ang altar. 21 Ang panghandog na ito para sa kasalanan ay susunugin sa isang tanging lugar sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, isang kambing na lalaki at walang kapintasan naman ang inyong ihahandog; lilinisin din ang templo sa paraang ginawa nang ihandog ang toro. 23 Pagkalinis ng altar, maghahandog kayo ng isang toro at isang lalaking tupa, parehong walang kapintasan. 24 Ang mga ito'y ihahandog ninyo sa akin; aasnan muna ito ng mga pari bago sunugin bilang handog. 25 Pitong araw kayong maghahandog; araw-araw, isang lalaking kambing, tupa at baka na parehong walang kapintasan. 26 Pitong araw ninyong lilinisin ang altar upang ganap itong maitalaga sa akin. 27 Sa ikawalong araw, ang inyong handog na susunugin at handog na pagkain ay maaari na ninyong ihain sa altar. Sa gayon, ako'y malulugod sa inyong lahat. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman
5 Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. 2 Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. 3 Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. 4 Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! 5 Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. 6 Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.
Pagtitiyaga at Pananalangin
7 Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. 8 Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
9 Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(D) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
12 Ngunit(E) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.
13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(F) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(G) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(H) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.
19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(I) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.
Ang Kautusan ni Yahweh
(Alef)
119 [a] Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
2 Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
3 ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
4 Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
5 Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
6 Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
7 Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
8 Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.
Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh
(Bet)
9 Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10 Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11 Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12 Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13 Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14 Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15 Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16 Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
6 Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran,
kaysa taong mayaman ngunit makasalanan.
7 Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral,
ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang.
by