Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 24-26

Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok

24 Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel,(A) anak ng tao, isulat mo ang araw na ito, sapagkat ngayon ay pasisimulan ng hari ng Babilonia ang pagkubkob sa Jerusalem. Ilahad mo ang isang talinghaga tungkol sa mapaghimagsik na bayan ng Israel. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh:

Magsalang ka ng palayok at punuin ng tubig.
Ilagay rito ang mga piling bahagi,
    ang hita at pitso,
    at punuin din ng maiinam na butong lagain.
Kunin ang karneng ito sa piling tupa;
    isalang at gatungan.
Pakuluan nang pakuluan ang mga laman at butong ito.”

Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mamamatay-tao, kalderong puno ng kalawang na hindi na matatanggal. Pira-piraso mo itong hanguing lahat. Sariwa pa ang dugong kanyang pinadanak sa lunsod. Ito'y sa bato pinatulo at di sa tuyong lupa upang matabunan sana ng alikabok. Iniwan ko ang dugo sa ibabaw ng malaking bato upang hindi maitago. Sa gayon, madali akong makapaghihiganti.”

Kaya nga, ipinapasabi pa ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mga mamamatay-tao! Ako ma'y magbubunton ng kahoy na panggatong. 10 Dagdagan ninyo ito ng kahoy at sindihan upang pakuluang mabuti ang lahat ng laman hanggang matuyo ang sabaw at masunog pati mga buto. 11 Pagkatapos, ang kaldero ay ipapatong ko sa maraming baga hanggang sa magbaga rin ito. Sa gayon, malulusaw ang dumi nito, kung masusunog ang kalawang. 12 Gayunman, ang lahat ng kalawang ay di rin maaalis ng apoy. 13 Ang kalawang mo ay ang iyong kahalayan, Jerusalem. Nililinis kita ngunit ayaw mo. Kaya, hindi ka na lilinis hanggang hindi ko naibubuhos sa iyo ang aking matinding galit. 14 Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y tiyak na gagawin ko. Hindi ko ito iuurong, wala akong paliligtasin. Hindi ko kayo panghihinayangan. Paparusahan ko kayo ayon sa inyong masamang gawa.”

Ang Kamatayan ng Asawa ng Propeta

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. 17 Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.”

18 Umaga nang ako'y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh.

19 Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” 20 Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ni Yahweh na 21 sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. 22 Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. 23 Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. 24 Sinabi ni Yahweh na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’

25 “Ezekiel, anak ng tao, aalisin ko sa kanila ang matibay nilang Templo na siya nilang ipinagmamalaki at kasiyahan, gayon din ang kanilang mga anak. 26 Sa araw na iyon, isang takas ang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. 27 Sa araw na yaon, makapagsasalita ka na muli; makakausap mo na ang takas na iyon. Ikaw nga ang magiging pinakababala sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Sinabi(B) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Moab

Ito(C) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. 10 Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. 11 Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Edom

12 Ito(D) ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. 13 Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. 14 Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.”

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

15 Ito(E) naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. 16 Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. 17 Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Tiro

26 Noong(F) unang araw ng buwan,[a] ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.”

Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. 10 Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. 11 Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. 12 Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. 13 Dahil(G) diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. 14 Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”

15 Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. 16 Dahil(H) dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. 17 Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito:

‘Ang bantog na lunsod ay nawasak,
pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat.
Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan.
Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat.
18 Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit.
Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’”

19 Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. 20 Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. 21 Daranasin(I) mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.”

Mga Hebreo 11:1-16

Ang Pananampalataya sa Diyos

11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.

Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.

Dahil(C) sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.

Dahil(D) sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.

Dahil(E) sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos.

Dahil(F) sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil(G) din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. 10 Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.

11 Dahil(H) din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.[a] 12 Kaya't(I) sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di mabilang na buhangin sa dalampasigan.

13 Silang(J) lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.

Mga Awit 110

Si Yahweh at ang Piniling Hari

Isang Awit na katha ni David.

110 Sinabi(A) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”

Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.

Si(B) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.

Mga Kawikaan 27:14

14 Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang binibitiwan.