Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 37-38

Ang Libis na Puno ng Kalansay

37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”

Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”

Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(A) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(B) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(C) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”

Ang Pahayag Laban sa Gog

38 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel,(D) anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia[b] at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa.

“Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo.

10 “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. 11 Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. 12 Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ 13 Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’

14 “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas.[c] 15 Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. 16 Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal.

17 “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. 18 Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. 19 At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. 20 Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. 21 Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. 22 Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. 23 Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.”

Santiago 1:19-2:17

Pakikinig at Pagsasagawa

19 Mga(A) kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. 20 Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. 21 Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo.

22 Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. 23 Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, 24 at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. 25 Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot.

26 Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. 27 Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.

Babala Laban sa Pagtatangi

Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali.

Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos?

Mabuti(B) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. 10 Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, 11 sapagkat(C) ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol.

Pananampalataya at mga Gawa

14 Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? 15 Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. 16 Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? 17 Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa.

Mga Awit 117

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

117 Purihin(A) si Yahweh!

Dapat na purihin ng lahat ng bansa.
Siya ay purihin
ng lahat ng tao sa balat ng lupa!
Pagkat ang pag-ibig
na ukol sa ati'y dakila at wagas,
at ang katapatan niya'y walang wakas.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 28:1

Ang Matuwid at ang Masama

28 Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol,
    ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon.