Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 35-36

Ang Parusa ng Diyos sa Edom

35 Sinabi(A) sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Edom. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Bundok ng Edom. Gagawin kitang ilang. Wawasakin ko ang iyong mga lunsod at gagawin kong lugar na mapanglaw. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. Lagi mong nilulusob ang Israel at pinuksa mo ang kanyang mamamayan sa panahon ng pagpaparusa sa kanya. Dahil dito, akong si Yahweh, ang Diyos na buháy ay nagsasabi sa iyo na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ikaw ay pumatay kaya papatayin ka rin. Gagawin kong ilang ang iyong lupain at sinumang maglakbay roon ay papatayin. Tatambakan ng bangkay ang iyong mga bundok, libis at mga bangin. Gagawin kitang lugar na mapanglaw at ang iyong mga lunsod ay aalisan ko ng mga tao. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.

10 “Sinabi mong iyo ang Israel at Juda bagama't alam mong ako ang Diyos nila. 11 Dahil diyan, akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ang nagsasabi sa iyong tiyak na pagdurusahan mo ang iyong pagkagalit, pagkainggit at pagkapoot sa aking bayan. Gagawin ko sa iyo ang ginawa mo sa kanila. Makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na kayo. 12 Sa gayon, malalaman din ninyo na alam ko ang inyong kalapastanganan nang sabihin ninyong ang kaburulan ng Israel ay winasak upang inyong sakupin. 13 Kinalaban ninyo ako at pinagsalitaan nang kung anu-ano. Ito'y hindi lingid sa akin. 14 Wawasakin kita nang lubusan at ito'y ikatutuwa ng buong mundo. 15 Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh.”

Pagpapalain ang Israel

36 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’ Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat. Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid. Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya. Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa. Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid.

“Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito. Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain. 10 Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon. 11 Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. 12 Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom. 13 Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa. 14 Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 15 Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Bagong Kalagayan ng Israel

16 Sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin. 18 At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. 19 Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. 20 Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ 21 Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila.

22 “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. 23 Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. 24 Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. 25 Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan(B) ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. 27 Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. 28 Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. 29 Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. 30 Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas. 31 Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili. 32 Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.”

33 Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak. 34 Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao 35 ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’ 36 Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.”

37 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan. 38 Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.”

Santiago 1:1-18

Mula(A) kay Santiago, lingkod[a] ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo:

Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos[b] na nakikipamayan sa iba't ibang bansa.

Pananampalataya at Karunungan

Mga(B) kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang.

Ngunit(C) kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.

Ang Mahirap at ang Mayaman

Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, 10 at(D) gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. 11 Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan.

Ang Pagsubok at ang Pagtukso

12 Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[c] sa mga umiibig sa kanya. 13 Huwag(E) sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. 14 Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. 15 At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. 17 Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. 18 Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang.

Mga Awit 116

Pagpupuri ng Taong Naligtas sa Kamatayan

116 Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig,
    dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik;
ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag,
    kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag.
Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan,
    nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan;
    lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan.
Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko,
    at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako.

Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran,
    Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman.
Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo;
    noong ako ay manganib, iniligtas niya ako.
Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala,
    pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya.

Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan,
    tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran.
Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan,
    doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy.
10 Laging(A) buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig,
    bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.”
11 Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan,
    “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.”

12 Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog,
    sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob?
13 Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap,
    bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas.
14 Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang,
    ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay.
15 Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki,
    kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat.
16 O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod,
    katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos;
yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos.
17 Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat,
    ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak.
18-19 Kapag nagsasama-sama ang lahat ng iyong hirang,
    sa templo sa Jerusalem, ay doon ko ibibigay
    ang anumang pangako kong sa iyo ay binitiwan.

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 27:23-27

23 Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. 24 Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan. 25 Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang susunod na anihan. 26 Sa mga tupa kinukuha ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay maaaring ipambili ng bukid. 27 Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay.