Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 20

Ang Kalooban ng Diyos ay Sinuway ng Tao

20 Noon ay ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon ng aming pagkabihag. Lumapit sa akin ang ilan sa pinuno ng Israel upang sumangguni kay Yahweh. Nang isangguni ko sila, sinabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa kanilang ipinapatanong ko kung naparito sila upang sumangguni sa akin. Ako ang Diyos na buháy. Sabihin mong huwag silang sasangguni sa akin. Ikaw ang humatol sa kanila. Ikaw na ang magsabi sa kanila ng mga kasuklam-suklam na gawain ng kanilang mga ninuno. Sabihin(A) mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila. Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto.

“Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto. 10 Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang. 11 Doon,(B) ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay. 12 Ibinigay(C) ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila. 13 Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga.

“At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila. 14 Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel. 15 At(D) doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, 16 sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. 17 Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol.

18 “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan. 19 Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan, 20 at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 21 Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga.

“At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot. 22 Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila. 23 At(E) sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa, 24 sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. 25 Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay. 26 Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.

27 “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno. 28 Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin. 29 Itinanong ko sa kanila, ‘Ano bang klaseng altar ang pinaghahandugan ninyo sa mga burol? Hanggang ngayon ang matataas na lugar na yaon ay tinatawag na Bama.’ 30 Sabihin mo rin sa kanila, ‘Ipinapasabi ni Yahweh: Gagawin din ba ninyo ang kasuklam-suklam na gawain ng inyong mga ninuno? 31 Hanggang ngayo'y naghahain kayo ng mga handog tulad ng inihain nila at sinunog ang inyong mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosan. Bakit ngayon ay sasangguni kayo sa akin? Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy; huwag kayong makasanggu-sangguni sa akin.’

32 “Hindi mangyayari ang iniisip ninyong pagtulad sa ibang bansa, at pagsamba sa diyus-diyosang kahoy at bato.”

Ang Parusa at ang Pagpapatawad ng Diyos

33 “Isinusumpa ko,” sabi ni Yahweh, “na gagamitan ko kayo ng kamay na bakal; paparusahan ko kayo at ibubuhos ko sa inyo ang aking matinding poot. 34 Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, 35 at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan. 36 Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo. 37 Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan. 38 Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

39 Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan.

40 “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog. 41 Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal. 42 At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh. 43 Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili. 44 At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Ang Pahayag Laban sa Timog

45 At sinabi sa akin ni Yahweh, 46 “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito. 47 Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga. 48 Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.”

49 Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.”

Mga Hebreo 9:11-28

11 Ngunit dumating[a] na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. 12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. 13 Kung(A) ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, 14 higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating[b] mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy.

15 Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.

16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, 17 sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. 18 Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. 19 Matapos(B) ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing][c] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. 20 Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” 21 Winisikan(C) din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. 22 Ayon(D) sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.

Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo

23 Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.

25 Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. 26 Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. 27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. 28 Gayundin(E) naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.

Mga Awit 107

IKALIMANG AKLAT

Awit ng Pagpapasalamat sa Kabutihan ng Diyos

107 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Lahat ng niligtas,
tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri,
mga tinulungan,
upang sa problema, sila ay magwagi.
Sa sariling bayan,
sila ay tinipo't pinagsama-sama,
silanga't kanluran
timog at hilaga, ay doon kinuha.

Mayro'ng naglumagak
sa ilang na dako, at doon nanahan,
sapagkat sa lunsod
ay wala nang lugar silang matirahan.
Wala nang makain
kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha,
ang katawan nila
ay naging lupaypay, labis na nanghina.
Nang sila'y magipit,
kay Yahweh, sila ay tumawag,
at dininig naman
sa gipit na lagay, sila'y iniligtas.
Inialis sila
sa lugar na iyon at pinatnubayan,
tuwirang dinala
sa payapang lunsod at doon tumahan.
Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
Mga nauuhaw
ay pinapainom upang masiyahan,
mga nagugutom
ay pawang binubusog sa mabuting bagay.

10 Sa dakong madilim,
may mga nakaupo na puspos ng lungkot,
bilanggo sa dusa,
at sa kahirapan sila'y nagagapos.
11 Ang dahilan nito—
sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos;
mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod.
12 Nahirapan sila,
pagkat sa gawain sila'y hinagupit;
sa natamong hirap,
nang sila'y bumagsak ay walang lumapit.
13 Sa gitna ng hirap,
kay Yahweh sila ay tumawag;
at dininig naman
yaong kahilingan na sila'y iligtas.
14 Sa dakong madilim,
sila ay hinango sa gitna ng lungkot,
at ang tanikala
sa kamay at paa ay kanyang nilagot.
15 Kaya dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
16 Winawasak niya,
maging mga pinto na yari sa tanso,
ang rehas na bakal
ay nababaluktot kung kanyang mahipo.

17 May nangagkasakit,
dahil sa kanilang likong pamumuhay;
dahil sa pagsuway,
ang dinanas nila'y mga kahirapan.
18 Anumang pagkain
na makita nila'y di na magustuhan,
anupa't sa anyo,
di na magluluwat ang kanilang buhay.
19 Sa ganoong lagay,
sila ay tumawag kay Yahweh,
tinulungan sila
at sa kahirapan, sila ay tinubos.
20 Sa salita lamang
na kanyang pahatid sila ay gumaling,
at naligtas sila
sa kapahamakang sana ay darating.
21 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
22 Dapat ding dumulog,
na dala ang handog ng pasasalamat,
lahat ng ginawa
niya'y ibalita, umawit sa galak!

23 Mayroong naglayag
na lulan ng barko sa hangad maglakbay,
ang tanging layunin
kaya naglalayag, upang mangalakal.
24 Nasaksihan nila
ang kapangyarihan ni Yahweh,
ang kahanga-hangang
ginawa ni Yahweh na hindi maarok.
25 Nang siya'y mag-utos,
nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas,
lumaki ang alon
na kung pagmamasdan, ay pagkatataas.
26 Ang sasakyan nila
halos ay ipukol mula sa ibaba,
kapag naitaas
ang sasakyang ito'y babagsak na bigla;
dahil sa panganib,
ang pag-asa nila ay halos mawala.
27 Ang kanilang anyo'y
parang mga lasing na pahapay-hapay,
dati nilang sigla't
mga katangia'y di pakinabangan.
28 Nang nababagabag,
kay Yahweh sila ay tumawag,
dininig nga sila
at sa kahirapan, sila'y iniligtas.
29 Ang bagyong malakas,
pinayapa niya't kanyang pinatigil,
pati mga alon,
na naglalakihan ay tumahimik din.
30 Nang tumahimik na,
sila ay natuwa, naghari ang galak,
at natamo nila
ang kanilang pakay sa ibayong dagat.
31 Kaya't dapat namang
kay Yahweh ay magpasalamat,
dahil sa pag-ibig
at kahanga-hanga niyang pagliligtas.
32 Itong Panginoon
ay dapat itanghal sa gitna ng madla,
dapat na purihin
sa kalipunan man ng mga matanda.

33 Nagagawa niyang
tuyuin ang ilog na tulad ng ilang,
maging mga batis
ay nagagawa ring parang lupang tigang.
34 Ang(B) lupang mataba,
kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay,
dahilan sa sama
ng mga nilikhang doo'y nananahan.
35 Kahit naman ilang,
nagagawa niyang matabang lupain,
nagiging batisang
sagana sa tubig ang tuyong lupain.
36 Sa lupaing iyon,
ang mga nagugutom doon dinadala,
ipinagtatayo
ng kanilang lunsod at doon titira.
37 Sila'y nagbubukid,
nagtatanim sila ng mga ubasan,
umaani sila
ng saganang bunga, sa lupang tinamnan.
38 Sila'y pinagpala't
lalong pinarami ang kanilang angkan,
at dumarami rin
pati mga baka sa kanilang kawan.

39 Kapag pinahiya
ang bayan ng Diyos at nalupig sila,
ang bansang sumakop
na nagpapahirap at nagpaparusa,
40 sila'y susumbatan
nitong Panginoo't ang kanyang gagawin,
ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain.
41 Ngunit itataas
ang nangagdurusa't laging inaapi,
parang mga kawan,
yaong sambahayan nila ay darami.
42 Nakikita ito
ng mga matuwid kaya nagagalak,
titikom ang bibig
ng mga masama at taong pahamak.

43 Kayong matalino,
ang bagay na ito'y inyong unawain,
pag-ibig ni Yahweh
na di kumukupas ay inyong tanggapin.

Mga Kawikaan 27:11

11 Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa nangungutya man.