Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Ezekiel 39:1-40:27

Ang Pagbagsak ng Gog

39 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal. Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel. Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay. Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop. Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan. Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.”

Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito. Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.”

Ang Libingan ng Gog

11 Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay. 12 Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay. 13 Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain. 15 Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama. 16 (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.”

17 Sinabi(A) ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo. 18 Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka. 19 Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo. 20 Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. 23 At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. 24 Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.”

25 Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. 26 Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. 27 At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. 28 Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. 29 Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Ang Pangitain tungkol sa Templo

40 Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh. Sa(B) isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod. Inilapit(C) niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.”

Ang Tarangkahan sa Gawing Silangan

Ang(D) nakita ko ay templo na napapaligiran ng pader. Kinuha noong tao ang kanyang panukat na tatlong metro ang haba at sinukat ang pader sa paligid ng templo: Tatlong metro ang kapal nito, gayon din ang taas. Pagkatapos, pumunta siya sa tarangkahan sa gawing silangan. Pumanhik siya sa mga baytang nito at sinukat ang pintuan; ang taas nito ay tatlong metro rin. Sa kabila nito ay may daanan at may tigatlong silid sa magkabila. Ang mga silid na ito ay parisukat; tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang at ang pader sa pagitan ay dalawa't kalahating metro. Sa kabila ng mga silid na ito ay may daanan patungo sa malaking bulwagan sa harap ng templo. Ang haba nito ay tatlong metro. 8-9 Sinukat niya ang bulwagan. Ang lalim nito ay apat na metro. Ito ang pinakadulo ng daanan sa pintuang malapit sa templo. Ang kapal ng dulo ng pader nito ay isang metro. 10 Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan. 11 Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan. 12 Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang. 13 Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro. 14 Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro. 15 Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro. 16 Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera.

Ang Patyo sa Labas

17 Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato 18 na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob. 19 May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro.

Ang Tarangkahan sa Gawing Hilaga

20 Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas. 21 Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang. 22 Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. 23 Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro.

Ang Tarangkahan sa Gawing Timog

24 Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan. 25 May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. 26 Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo. 27 Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro.

Santiago 2:18-3

18 Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. 20 Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? 21 Hindi (A) ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? 22 Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. 23 Natupad(B) ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” 24 Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang.

25 Gayundin(C) si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid.

26 Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa.

Ang Dila

Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. Tayong(D) lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili.

Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.

Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang(E) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito(F) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

Ang Karunungang Mula sa Diyos

13 Sino(G) sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. 14 Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. 16 Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa.

17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.

Mga Awit 118:1-18

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

Mga Kawikaan 28:2

Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala,
    ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa.