Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 17:8-19:15

Pakikipaglaban kay Amalek

Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim.

Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.”

10 Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol.

11 Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek.

12 Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.

13 Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak.

14 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit.”

15 Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang Panginoon ay aking watawat.[a]

16 Kanyang sinabi, “May kamay sa watawat ng Panginoon. Ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.”

18 Si Jetro na pari sa Midian, biyenan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Diyos kay Moises at sa Israel na kanyang bayan, kung paanong inilabas ng Panginoon ang Israel sa Ehipto.

Noon(B) ay isinama ni Jetro, na biyenan ni Moises, si Zifora na asawa ni Moises, pagkatapos niyang paalisin siya,

at(C) ang dalawa niyang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa'y Gershom (sapagkat sinabi niya, “Ako'y naging manlalakbay sa ibang lupain”),

at ang pangalan ng isa'y Eliezer[b] (sapagkat kanyang sinabi, “Ang Diyos ng aking ama ang aking naging saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ng Faraon”).

Si Jetro, na biyenan ni Moises ay dumating na kasama ang kanyang mga anak at ang kanyang asawa kay Moises sa ilang kung saan siya humimpil sa bundok ng Diyos.

Kanyang ipinasabi kay Moises, “Akong iyong biyenang si Jetro ay naparito sa iyo, kasama ang iyong asawa at ang kanyang dalawang anak na lalaki.”

Si Moises ay lumabas upang salubungin ang kanyang biyenan, at kanyang niyukuran at hinalikan. Sila'y nagtanungan sa isa't isa ng kanilang kalagayan at sila'y pumasok sa tolda.

Isinalaysay ni Moises sa kanyang biyenan ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Ehipcio alang-alang sa Israel, ang lahat ng hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas sila ng Panginoon.

Ikinagalak ni Jetro ang lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Ehipcio.

10 At sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng Faraon.

11 Ngayo'y aking nalalaman na ang Panginoon ay lalong dakila kaysa lahat ng mga diyos sapagkat iniligtas niya ang bayan mula sa kamay ng mga Ehipcio, nang sila'y magpalalo laban sa kanila.”

12 Si Jetro, na biyenan ni Moises ay kumuha ng handog na sinusunog at mga alay para sa Diyos. Si Aaron ay dumating kasama ang lahat ng matatanda sa Israel upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyenan ni Moises sa harap ng Diyos.

Pinayuhan ni Jetro si Moises(D)

13 Kinabukasan, si Moises ay naupo bilang hukom ng bayan, at ang taong-bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa gabi.

14 Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng kanyang ginagawa para sa taong-bayan, ay sinabi niya, “Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula umaga hanggang sa gabi?”

15 Sinabi ni Moises sa kanyang biyenan, “Sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin upang sumangguni sa Diyos.

16 Kapag sila'y may usapin, lumalapit sila sa akin at aking hinahatulan ang isang tao at ang kanyang kapwa. Aking ipinaaalam sa kanila ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan.”

17 Sinabi ng biyenan ni Moises sa kanya, “Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti.

18 Ikaw at ang mga taong kasama mo ay manghihina sapagkat ang gawain ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa.

19 Ngayon, makinig ka sa akin. Bibigyan kita ng payo, at sumaiyo nawa ang Diyos! Ikaw ang magiging kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, at dalhin mo ang kanilang mga usapin sa Diyos.

20 Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin.

21 Bukod dito'y pipili ka sa buong bayan ng mga lalaking may kakayahan, gaya ng mga may takot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan at mga napopoot sa suhol. Ilagay mo ang mga lalaking iyon na mamuno sa kanila, mamuno sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu.

22 Hayaan mong humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, ngunit bawat munting usapin ay sila-sila ang magpapasiya, upang maging mas madali para sa iyo, at magpapasan silang kasama mo.

23 Kapag ginawa mo ang bagay na ito at iyon ang iniuutos sa iyo ng Diyos, ikaw ay makakatagal, at ang buong bayang ito ay uuwing payapa.”

24 Kaya't pinakinggan ni Moises ang kanyang biyenan at ginawa ang lahat ng kanyang sinabi.

25 Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan sa buong Israel at ginawa niyang pinuno sila sa bayan, mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.

26 Humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; ang mabibigat na usapin ay kanilang dinadala kay Moises, subalit bawat munting usapin ay sila-sila ang nagpapasiya.

27 Pinayagan ni Moises na umalis na ang kanyang biyenan at siya'y umuwi sa sariling lupain.

Ang Israel sa Bundok ng Sinai

19 Sa ikatlong bagong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Ehipto, dumating sila nang araw ding iyon sa ilang ng Sinai.

Nang sila'y umalis sa Refidim at dumating sa ilang ng Sinai, humimpil sila sa ilang; at doo'y nagkampo ang Israel sa harap ng bundok.

Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng Panginoon mula sa bundok, na sinasabi, “Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel:

Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin.

Kaya't(E) (F) ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin.

Sa(G) akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel.”

Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng Panginoon sa kanya.

Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, “Ang lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.” At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman.” At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa Panginoon.

10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan,

11 at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang Panginoon sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai.

12 Lalagyan(H) mo ng mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, ‘Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin.

13 Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!’ Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok.”

14 Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan.

15 Kanyang sinabi sa bayan, “Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae.”

Mateo 22:34-23:12

Ang Dakilang Utos(A)

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[a] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.

35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.

36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”

37 At(B) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’

38 Ito ang dakila at unang utos.’

39 At(C) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’

40 Sa(D) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(E)

41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,

42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”

43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi(F) ng Panginoon sa aking Panginoon,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”

46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.

Babala Laban sa mga Eskriba at mga Fariseo(G)

23 Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad,

na sinasabi, “Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises.

Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.

Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin,[b] at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.

Ginagawa(H) nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria,[c] at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit.

Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga,

at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, ‘Rabi.’

Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid.

At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, siya na nasa langit.

10 Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo.

11 Ang(I) pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo.

12 Sinumang(J) nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas.

Mga Awit 27:7-14

Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O Panginoon,
    kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon.
Sinabi mo, “Hanapin ninyo ang aking mukha;” sabi ng aking puso sa iyo,
    “Ang iyong mukha, Panginoon, ay aking hinahanap.”
    Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin.

Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin,
    ikaw na naging saklolo sa akin.
Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan,
    O Diyos ng aking kaligtasan!
10 Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina,
    gayunma'y ibabangon ako ng Panginoon.

11 Ituro mo sa akin, O Panginoon, ang iyong daan,
    akayin mo ako sa patag na landas
    dahil sa aking mga kaaway.
12 Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway;
    sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon,
    at sila'y nagbubuga ng karahasan.

13 Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng Panginoon
    sa lupain ng mga nabubuhay!
14 Maghintay ka sa Panginoon;
    magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso;
    oo, maghintay ka sa Panginoon!

Mga Kawikaan 6:27-35

27 Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan,
    at hindi masusunog ang kanyang kasuotan?
28 Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao,
    at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso?
29 Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa;
    sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa.
30 Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kapag siya'y nagnanakaw,
    upang kapag siya'y gutom siya'y masiyahan.
31 Gayunma'y kung siya'y mahuli, makapito niyang pagbabayaran;
    ibibigay niya lahat ang laman ng kanyang bahay.
32 Walang sariling bait siyang nangangalunya,
    ang gumagawa niyon ay sarili ang sinisira.
33 Mga sugat at kasiraang-puri ang kanyang tatamuhin,
    at ang kanyang kahihiyan ay hindi na papawiin.
34 Sapagkat ang panibugho ay nagpapabagsik sa lalaki,
    at hindi siya nagpapatawad sa araw ng paghihiganti.
35 Hindi niya tatanggapin ang anumang bayad,
    ni sa maraming suhol siya'y mapaglulubag.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001