Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 28

Ang Damit ni Aaron(A)

28 “Ilapit mo sa iyo si Aaron na iyong kapatid at ang kanyang mga anak na kasama niya, mula sa mga anak ni Israel, upang makapaglingkod sa akin bilang mga pari—si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.

Igagawa mo ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid para sa kaluwalhatian at kagandahan.

At sabihin mo sa lahat ng may kakayahan na aking pinagkalooban ng kasanayan na kanilang gawin ang kasuotan ni Aaron, upang siya'y italaga sa pagkapari para sa akin.

Ito ang mga kasuotang kanilang gagawin: isang pektoral, isang efod, isang balabal, isang tunika na tinahing guhit-guhit na anyong parisukat, isang turbante at isang pamigkis; at kanilang igagawa ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid, at ang kanyang mga anak, upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

“Gagamit sila ng ginto, at ng telang asul, kulay-ube, at pula, at ng hinabing pinong lino.

Ang Efod at ang Pektoral(B)

Kanilang gagawin ang efod na ginto, at may telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino, na ginawa ng isang bihasang manggagawa.

Magkakaroon ito ng dalawang pambalikat na nakakabit sa dalawang dulo niyon; upang magkadugtong.

Ang mahusay na hinabing pamigkis na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis ay gagawing gaya ng pagkagawa at kagamitan sa efod, na ginto, telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino.

Kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit sa ibabaw ng mga iyon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel—

10 anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isa pang bato, ayon sa kanilang kapanganakan.

11 Tulad ng pag-ukit ng pantatak ng mang-uukit sa bato, iyong iuukit sa dalawang bato ang mga pangalan ng mga anak ni Israel; iyong kukulungin sa enggasteng ginto.

12 Iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pambalikat ng efod, upang maging mga batong alaala para sa mga anak ni Israel; at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harapan ng Panginoon, sa ibabaw ng kanyang dalawang balikat, upang maging alaala.

13 Gagawa ka ng mga enggasteng ginto,

14 at ng dalawang tanikalang lantay na ginto, pinilipit tulad ng lubid; at iyong ikakabit ang nilubid na tanikala sa enggaste.

15 “Gagawa ka ng pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa. Gagawin mo iyon na gaya ng pagkagawa sa efod; gagawin mo iyon na yari sa ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

16 Iyon ay magiging parisukat at nakatiklop; isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon.

17 Maglalagay ka roon ng apat na hanay ng mga bato. Sa unang hanay ay sardio, topacio, at karbungko;

18 sa ikalawang hanay ay esmeralda, zafiro, at diamante;

19 sa ikatlong hanay ay jacinto, agata, at ametista;

20 sa ikaapat na hanay ay berilo, onix, at jaspe; ang mga ito ay pawang nakalagay sa gintong enggaste.

21 Magkakaroon ng labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng anak ni Israel; magiging tulad ng mga pantatak, bawat isa'y may ukit na pangalan, na ukol sa labindalawang lipi.

22 Gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang pinilipit na parang lubid na yari sa lantay na ginto;

23 at igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng pektoral.

24 Iyong ilalagay ang dalawang nilubid na tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

25 Ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ay iyong ilalapat sa dalawang enggaste, at iyong ilalagay sa mga pambalikat ng efod, sa harapan.

26 Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyon na nasa dakong kabaligtaran ng efod.

27 Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong ikakabit sa dalawang pambalikat ng efod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa dugtungan sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod.

28 Kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyon sa mga singsing ng efod na may taling asul, upang mamalagi sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod, at upang ang pektoral ay hindi makalag sa efod.

29 Kaya't dadalhin ni Aaron ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan sa tapat ng kanyang puso, kapag siya'y pumapasok sa dakong banal, upang dalhin sila sa patuloy na pag-alaala sa harapan ng Panginoon.

30 At(C) ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tumim; at ang mga iyon ay ilalagay sa tapat ng puso ni Aaron, kapag siya'y pumapasok sa harapan ng Panginoon, at dadalhing palagi ni Aaron sa harapan ng Panginoon ang kahatulan ng mga anak ni Israel sa kanyang puso.

Balabal ng Efod(D)

31 “Gagawin mo ang balabal ng efod na purong asul.

32 Magkakaroon ng isang suotan ng ulo na may tupi sa palibot ng suotan, gaya ng butas ng isang kasuotan upang hindi mapunit.

33 Ang laylayan niyon ay igagawa mo ng mga bunga ng granadang asul, kulay-ube, at pula, sa palibot ng laylayan niyon, at mga kampanilyang ginto sa pagitan ng mga iyon,

34 isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, sa palibot ng laylayan ng kasuotan.

35 Isusuot ito ni Aaron kapag siya'y nangangasiwa at ang tunog niyon ay maririnig kapag siya'y pumapasok sa dakong banal sa harapan ng Panginoon, at kapag siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay.

Ang Kasuotan ni Aaron

36 “Gagawa ka ng isang pinggan na lantay na ginto, at doo'y iuukit mo na ayon sa ukit ng isang pantatak, ‘Banal sa Panginoon.’

37 Iyong ikakabit ito sa ibabaw ng turbante sa pamamagitan ng taling asul, ito'y dapat nasa harapan ng turbante.

38 Ilalagay ito sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron sa kanyang sarili ang anumang pagkakasalang napasalin sa banal na handog na itinalaga ng mga anak ni Israel bilang kanilang banal na kaloob; at ito'y ilalagay palagi sa kanyang noo, upang sila'y tanggapin sa harapan ng Panginoon.

39 “Iyong hahabihin ang kasuotan na anyong parisukat mula sa pinong lino, at iyong gagawin ang turbante mula sa pinong lino, at iyong palalagyan ng burda ang pamigkis.

Ang Damit ng mga Pari

40 “Iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga balabal, mga pamigkis, at mga turbante para sa kaluwalhatian at kagandahan.

41 Iyong ipapasuot ang mga ito kay Aaron na iyong kapatid at sa kanyang mga anak na kasama niya, bubuhusan mo sila ng langis, itatalaga, ibubukod upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

42 Iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang kanilang hubad na katawan;[a] mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot ang mga ito.

43 Isusuot ang mga ito ni Aaron at ng kanyang mga anak kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod sa dakong banal; upang sila'y hindi magdala ng kasalanan at mamatay. Ito ay magiging isang walang hanggang batas para sa kanya at sa kanyang mga anak na susunod sa kanya.

Mateo 25:31-26:13

Ang Paghuhukom sa mga Bansa

31 “Kapag(A) dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.

32 At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao[a] na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,

33 at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.

34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.

35 Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.

36 Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’

37 Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?

38 Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?

39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’

40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’

41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.

42 Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.

43 Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’

44 Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’

45 At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’

46 At(B) ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”

Ang Balak Laban kay Jesus(C)

26 Nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

“Nalalaman(D) ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang Paskuwa, at ibibigay ang Anak ng Tao upang ipako sa krus.”

Pagkatapos nito ang mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay nagkatipon sa palasyo ng pinakapunong pari, na tinatawag na Caifas.

At sila'y nagsabwatan upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at patayin siya.

Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(E)

Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin,

lumapit(F) sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag.

Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, “Anong layunin ng pag-aaksayang ito?

Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha.”

10 Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay.

11 Sapagkat(G) lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama.

12 Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing.

13 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya.”

Mga Awit 31:9-18

Maawa ka sa akin, O Panginoon, sapagkat ako'y nasa kahirapan;
    ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan,
    gayundin ang aking kaluluwa at katawan.
10 Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot,
    at ang aking mga taon sa paghihimutok;
dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos,
    at ang aking mga buto ay nanghihina.

11 Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya,
    lalung-lalo na sa aking mga kapwa,
sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan,
    yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan.
12 Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay;
    ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan.
13 Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami—
    kakilabutan sa bawat panig!—
habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin,
    habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin.

14 Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O Panginoon,
    sinasabi ko, “Ikaw ang aking Diyos.”
15 Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay;
    iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway!
16 Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag,
    iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat!
17 Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O Panginoon,
    sapagkat sa iyo ako'y nananawagan,
hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan,
    na magsitahimik nawa sila sa Sheol.
18 Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi,
    na walang pakundangang nagsasalita
    laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait.

Mga Kawikaan 8:12-13

12 Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
    at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
13 Ang takot sa Panginoon ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
    at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001