Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 30:11-31:18

11 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

12 “Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa Panginoon, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila.

13 Bawat(A) mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa Panginoon.

14 Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa Panginoon.

15 Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga sarili.

16 At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng Panginoon, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa.”[a]

Ang Palangganang Tanso

17 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

18 “Gagawa(B) ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig.

19 Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa.

20 Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

21 Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”

Ang Langis na Pambuhos

22 Bukod(C) dito'y sinabi ng Panginoon kay Moises,

23 “Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu,

24 at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin;

25 at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos.

26 Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo,

27 at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso,

28 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito.

29 Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal.

30 Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari.

31 Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

32 Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo.

33 Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.’”

34 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi),

35 at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal.

36 Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan,[b] sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo.

37 Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa Panginoon.

38 Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

Ang Pagtawag kina Bezaleel at Aholiab(D)

31 Sinabi ng Panginoon kay Moises,

“Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.

Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain,

upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,

upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain.

Aking itinalagang kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:

ang toldang tipanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda,

ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso,

ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;

10 at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari;

11 at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito.”

Ang Pangingilin sa Sabbath

12 At sinabi ng Panginoon kay Moises,

13 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo.

14 Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.

15 Anim(E) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.

16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.

17 Ito'y(F) isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.’”

Tinanggap ni Moises ang Dalawang Tapyas ng Bato

18 Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos[c] sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.

Mateo 26:47-68

Dinakip si Jesus(A)

47 At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan.

48 At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang palatandaan, na sinasabi, ‘Ang hahalikan ko ay iyon na nga; dakpin ninyo siya.’

49 Kaagad siyang lumapit kay Jesus, at sinabi, “Magandang gabi,[a] Rabi!” at kanyang hinagkan siya.

50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo.” Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip.

51 Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito.

52 Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay.

53 O sa akala mo ba'y hindi ako maaaring tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang pangkat[b] ng mga anghel?

54 Ngunit kung gayo'y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?”

55 Sa(B) oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip.

56 Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(C)

57 Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda.

58 Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari.

59 At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya.

60 Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating,

61 at(D) nagsabi, “Sinabi ng taong ito, ‘Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.’”

62 Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?”

63 Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, “Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.”

64 Sinabi(E) ni Jesus sa kanya, “Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit.”

65 Nang(F) magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, “Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan.

66 Ano sa palagay ninyo?” Sumagot sila at sinabi, “Karapat-dapat siya sa kamatayan.”

67 Pagkatapos(G) ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba,

68 na nagsasabi, “Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Kawikaan 8:27-32

27 Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan,
    nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman,
28 nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan,
    nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman,
29 nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan,
    upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan,
nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan,
30 nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa;[a]
at ako ang kanyang pang-araw-araw na ligaya,
    na laging nagagalak sa harapan niya,
31 nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan,
    at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan.
32 At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan,
    mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001