Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 13:17-15:18

17 Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang patungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, “Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto.”

18 Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula.[a] Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban.

19 Dinala(A) ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo.”

20 Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang.

21 Ang Panginoon ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi.

22 Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan.

Hinabol Sila ni Faraon

14 Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat.

Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.’

Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon.” At gayon ang kanilang ginawa.

Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, “Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?”

Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo.

Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon.

Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan.[b]

Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon.

10 Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa Panginoon.

11 Kanilang sinabi kay Moises, “Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto?

12 Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, ‘Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio’? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang.”

13 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng Panginoon na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman.

14 Ipaglalaban kayo ng Panginoon at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik.”

15 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy.

16 Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.

17 Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.

18 Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang Panginoon, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo.”

19 Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila.

20 Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag.

21 Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng Panginoon ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi.

22 Ang(B) mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

23 Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo.

24 Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng Panginoon ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio.

25 Kanyang nilagyan ng bara ang gulong[c] ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, “Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng Panginoon laban sa mga Ehipcio.”

Ang Hukbo ng mga Ehipcio ay Nalunod

26 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo.”

27 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng Panginoon ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat.

28 Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila.

29 Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa.

30 Gayon iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan.

31 Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng Panginoon sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa Panginoon at sila'y sumampalataya sa Panginoon at sa kanyang lingkod na si Moises.

Ang Awit ni Moises at ni Miriam

15 Nang(C) magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon, na sinasabi,

“Ako'y aawit sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
    kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.
Ang(D) Panginoon ang aking awit at kalakasan,
    at siya'y naging aking kaligtasan;
Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya,
    siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama.
Ang Panginoon ay isang mandirigma.
     Panginoon ang pangalan niya.

“Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya,
    at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula.
Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila;
    sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
Ang iyong kanang kamay, O Panginoon ay maluwalhati sa kapangyarihan,
    ang iyong kanang kamay, O Panginoon ang dumudurog sa kaaway.
Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo;
    Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami.
Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon,
    ang mga agos ay tumayong parang isang bunton;
    Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
Sinabi ng kaaway, ‘Aking hahabulin, aking aabutan,
Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan,
aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.’
10 Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan,
    Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan.

11 “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos?
    Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan,
    nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay,
    nilamon sila ng lupa.
13 “Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan,
    sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.
14 Narinig ng mga bansa, at nanginig sila,
    mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia.
15 Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal;
    sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal,
    at naupos ang lahat ng taga-Canaan.
16 Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot,
    dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos;
hanggang sa makaraan, O Panginoon, ang iyong bayan,
    hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan.
17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian,
    sa dako, O Panginoon, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan,
    sa santuwaryo, O Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailanpaman.”

Mateo 21:23-46

Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(A)

23 Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”

24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

25 Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’

26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”

27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’

29 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.

30 Lumapit ang ama[a] sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.

31 Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.

32 Sapagkat(B) dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.

Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(C)

33 “Pakinggan(D) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.

34 Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.

35 Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.

36 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.

37 Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’

38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’

39 Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.

40 Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”

41 Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”

42 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,

‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
    at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’

43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’

[ 44 Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[b]

45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.

46 Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus,[c] ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.

Mga Awit 26

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Mga Kawikaan 6:16-19

16 Ang Panginoon ay namumuhi sa anim na bagay,
    oo, pito ang sa kanya'y kasuklamsuklam:
17 Mga palalong mata, sinungaling na dila,
    at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala,
18 pusong kumakatha ng masasamang plano,
    mga paang sa kasamaan ay nagmamadali sa pagtakbo;
19 bulaang saksi na nagsasalita ng kasinungalingan,
    at ang naghahasik sa magkakapatid ng kaguluhan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001