Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 19:16-21:21

16 Sa(A) (B) umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig.

17 Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok.

18 Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok.

19 Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog.

20 Ang Panginoon ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng Panginoon si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat.

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang Panginoon, at mamatay ang marami sa kanila.

22 Gayundin ang mga pari na lumalapit sa Panginoon ay pabanalin mo, baka ang Panginoon ay hindi makapagpigil sa kanila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, ‘Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.’”

24 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumaba ka, at ikaw ay umakyat kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa Panginoon, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila.”

25 Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila.

Ibinigay ang Sampung Utos(C)

20 Binigkas ng Diyos ang lahat ng salitang ito, na sinasabi,

“Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

“Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap[a] ko.

“Huwag(D) kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.

Huwag(E) mo silang yuyukuran, o paglingkuran man sila; sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking pinarurusahan ang mga anak dahil sa kasamaan ng mga magulang hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin;

ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.

“Huwag(F) mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng Panginoon ang sinumang gumagamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.

“Alalahanin(G) mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal.

Anim(H) na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain;

10 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan;

11 sapagkat(I) sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya't binasbasan ng Panginoon ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal.

12 “Igalang(J) mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

13 “Huwag(K) kang papatay.

14 “Huwag(L) kang mangangalunya.

15 “Huwag(M) kang magnanakaw.

16 “Huwag(N) kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa.

17 “Huwag(O) mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa.”

18 Nang(P) masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo.

19 Sinabi nila kay Moises, “Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay.”

20 Sinabi ni Moises sa bayan, “Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala.”

21 Ang taong-bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonan ng Diyos.

Ang Utos tungkol sa mga Idolo at mga Altar

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: ‘Kayo ang nakakita na ako'y nakipag-usap sa inyo mula sa langit.

23 Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto.

24 Isang dambanang lupa ang iyong gagawin para sa akin, at iyong iaalay doon ang iyong mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, mga tupa, at mga baka. Sa lahat ng dakong aking ipapaalala ang aking pangalan ay pupunta ako sa iyo at pagpapalain kita.

25 Kung(Q) igagawa mo ako ng isang dambanang bato ay huwag mong itatayo ito na may mga tapyas na bato, sapagkat kung iyong gamitin ang iyong patalim doon ay iyong nilapastangan iyon.

26 Huwag kang aakyat sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang iyong kahubaran ay huwag mahayag sa ibabaw niyon.’

Tuntunin tungkol sa mga Alipin(R)

21 “Ito naman ang mga tuntunin na igagawad mo sa harap nila.

Kapag(S) ikaw ay bumili ng isang lalaking alipin na Hebreo, siya ay maglilingkod ng anim na taon, ngunit sa ikapito ay aalis siyang malaya, walang pananagutan.

Kung siya'y pumasok na mag-isa, siya ay aalis na mag-isa, kung siya ay pumasok na may asawa, ang kanyang asawa nga ay aalis na kasama niya.

Kung siya'y bibigyan ng kanyang amo ng asawa at nagkaanak sa kanya ng mga lalaki o mga babae; ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay magiging sa kanyang amo, at siya'y aalis na mag-isa.

Subalit kung maliwanag na sasabihin ng alipin, ‘Mahal ko ang aking amo, ang aking asawa, at ang aking mga anak, ako'y hindi aalis na malaya;’

ay dadalhin siya ng kanyang amo sa Diyos,[b] dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto, at bubutasan ng kanyang amo ang kanyang tainga ng isang pambutas; at siya'y maglilingkod sa kanya habambuhay.

“Kung ipagbili ng isang lalaki ang kanyang anak na babae bilang isang alipin, hindi siya aalis na gaya ng pag-alis ng mga aliping lalaki.

Kung hindi siya kinalugdan ng kanyang amo na umangkin sa kanya bilang asawa, ay kanyang ipapatubos siya; wala siyang karapatang ipagbili siya sa isang dayuhan, yamang siya'y hindi niya pinakitunguhan nang tapat.

Kung siya ay itinalaga niya para sa kanyang anak na lalaki, kanyang papakitunguhan siya tulad sa isang malayang anak na babae.

10 Kung siya'y[c] mag-asawa ng iba, ang kanyang[d] pagkain, damit, at karapatan bilang asawa ay hindi niya babawasan.

11 Kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito para sa kanya, siya ay aalis na walang bayad, na walang itinubos na salapi.

Mga Utos tungkol sa Pananakit

12 “Sinumang(T) manakit ng isang tao at mamatay ito, ay walang pagsalang papatayin.

13 Ngunit(U) kung hindi ito sinasadya ng isang tao, kundi Diyos ang naghulog sa kanyang kamay; ay ipaglalaan kita ng isang lugar na maaaring takbuhan ng nakamatay.

14 Kung magbalak ang sinuman sa kanyang kapwa na patayin siya nang pataksil, aalisin mo siya sa aking dambana upang siya'y mamatay.

15 “Ang manakit sa kanyang ama o sa kanyang ina ay papatayin.

16 “Ang(V) magnakaw ng isang tao, ipagbili man siya o matagpuan sa kanyang kamay, siya ay papatayin.

17 “Ang(W) magmura sa kanyang ama, o sa kanyang ina ay papatayin.

18 “Kapag may nag-away at sinaktan ng isang tao ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bato o ng kanyang kamay, at hindi namatay ang tao, kundi naratay sa higaan;

19 kung makabangon siya uli at makalakad sa tulong ng kanyang tungkod, ligtas sa parusa ang nanakit sa kanya; babayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kanyang ipapagamot siyang lubos.

20 “Kung saktan ng sinuman ang kanyang aliping lalaki o aliping babae ng tungkod at mamatay sa kanyang kamay, siya ay parurusahan.

21 Gayunma'y, kung tumagal ang alipin ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan; sapagkat siya'y kanyang salapi.

Mateo 23:13-39

Tinuligsa ni Jesus ang mga Eskriba at mga Fariseo(A)

13 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok.

[14 Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.]

15 Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili.

16 “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.’

17 Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto?

18 At sinasabi ninyo, ‘Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.’

19 Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog?

20 Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito.

21 At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito.

22 Ang(B) gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon.

23 “Kahabag-habag(C) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.

24 Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!

25 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan.

26 Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[a] upang luminis din naman ang labas nito.

27 “Kahabag-habag(D) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan.

28 Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.

Paunang Sinabi ni Jesus ang Kanilang Magiging Kaparusahan(E)

29 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid,

30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’

31 Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong(F) mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno?[b]

34 Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan,

35 upang(G) mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(H)

37 “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!

38 Masdan(I) ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.[c]

39 Sapagkat(J) sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”

Mga Awit 28

Awit ni David.

28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
    aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
    ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
    habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
    sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.

Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
    na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
    gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
    at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
    ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
    ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.

Ang Panginoon ay purihin!
    Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
    sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
    at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.

Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
    siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
    maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.

Mga Kawikaan 7:1-5

Mga Pang-akit ng Pangangalunya

Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan,
    at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan.
Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
    ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata.
Sa iyong mga daliri ay iyong itali,
    sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo.
Sabihin mo sa karunungan, “Ikaw ay aking kapatid na babae,”
    at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan;
upang maingatan ka mula sa babaing masama,
    sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001