The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Pagdaraos ng Araw ng Pagtubos
29 “Ito'y(A) magiging alituntunin magpakailanman para sa inyo: sa ikapitong buwan ng ikasampung araw ng buwan ay magpakasakit kayo sa inyong mga sarili,[a] at huwag gagawa ng anumang gawain, ang mamamayan, ni ang taga-ibang bayan na nakatira sa inyong kalagitnaan.
30 Sapagkat sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.
31 Ito ay Sabbath na taimtim na kapahingahan sa inyo, at magpakasakit kayo;[b] ito'y isang alituntuning magpakailanman.
32 Ang pari na kanyang hihirangin at itatalaga upang maging pari na kapalit ng kanyang ama, ay siyang gagawa ng pagtubos na suot ang mga banal na kasuotang lino.
33 Kanyang tutubusin ang santuwaryo, at tutubusin niya ang toldang tipanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga pari at ang buong bayan ng kapulungan.
34 Ito'y magiging alituntuning walang hanggan sa inyo, na tubusin ang mga anak ni Israel minsan sa isang taon dahil sa lahat nilang mga kasalanan.” At ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon.
Ang Pagiging Banal ng Dugo
17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng Panginoon:
3 Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo,
4 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa Panginoon, sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
5 Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa Panginoon, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa Panginoon,
7 upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil.[c] Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi.
8 “At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay,
9 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
Ang Dugo ay Hindi Dapat Kainin
10 “Sinumang(B) tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan.
11 Sapagkat(C) ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.
12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, ‘Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.’
13 At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa.
14 “Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag.
15 At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya.
16 Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan.”
18 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ng ganito sa mga anak ni Israel: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
3 Huwag ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto na inyong tinirahan; at huwag din ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa nila sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga alituntunin nila.
4 Gagawin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga batas at lakaran ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
5 Tutuparin(D) nga ninyo ang aking mga alituntunin at mga batas; na kapag tinupad ng isang tao, siya ay mabubuhay. Ako ang Panginoon.
Mga Bawal na Pagtatalik
6 “Huwag lalapit ang sinuman sa inyo sa kaninumang kanyang malapit na kamag-anak upang ilitaw ang kahubaran. Ako ang Panginoon.
7 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong ama, na siyang kahubaran ng iyong ina. Siya'y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kanyang kahubaran.
8 Ang(E) kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw; iyon ay kahubaran ng iyong ama.
9 Huwag(F) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sariling tahanan o sa ibang bayan;
10 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalaki, o ng anak na babae ng iyong anak na babae; sapagkat ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.
11 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, siya'y kapatid mo.
12 Huwag(G) mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama; siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ama.
13 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, sapagkat siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ina.
14 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na lalaki ng iyong ama; samakatuwid ay huwag kang sisiping sa asawa niya; siya'y iyong tiya.
15 Huwag(H) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong manugang na babae, siya'y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw.
16 Huwag(I) mong ililitaw ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalaki; siya ay kahubaran ng iyong kapatid na lalaki.
17 Huwag(J) mong ililitaw ang kahubaran ng isang babae at ng kanyang anak na babae; huwag mong papakisamahan ang anak na babae ng kanyang anak na lalaki o ang anak na babae ng kanyang anak na babae, upang lumitaw ang kanyang kahubaran; sila'y malapit na kamag-anak; ito ay masama.
18 Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag, upang maging kaagaw ng kanyang kapatid na babae na iyong ililitaw ang kahubaran niya, habang nabubuhay pa ang kanyang kapatid.
19 “At(K) huwag kang sisiping sa isang babae upang ilitaw ang kahubaran niya habang siya ay nasa karumihan ng pagreregla.
20 Huwag(L) kang sisiping sa asawa ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili kasama niya.
21 Huwag(M) kang magbibigay ng iyong anak[d] upang italaga iyon sa apoy kay Molec; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos; Ako ang Panginoon.
22 Huwag(N) kang sisiping sa lalaki na gaya ng pagsiping mo sa babae: ito ay karumaldumal.
23 At(O) huwag kang sisiping sa anumang hayop upang dungisan mo ang iyong sarili kasama nito, ni ang babae ay huwag ibibigay ang sarili upang makasiping ng hayop, ito ay mahalay na pagtatalik.
24 “Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa lahat ng mga ito ay dinungisan ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo ang kanilang mga sarili,
25 at nadungisan ang lupain, kaya't aking dadalawin ang kanyang kasamaan at isinusuka ng lupain ang mga naninirahan doon.
26 Subalit inyong tutuparin ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, at huwag ninyong gagawin ang alinman sa mga karumaldumal na ito, maging ang mga katutubo o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
27 Ang mga tao sa lupain na nauna sa inyo ay gumawa ng lahat ng mga karumaldumal na mga ito, at ang lupain ay nadungisan;
28 baka isuka rin kayo ng lupain kapag dinungisan ninyo ito, gaya ng pagsuka nito sa bansang nauna sa inyo.
29 Sapagkat sinumang gumawa ng alinman sa mga karumaldumal na ito, ang mga taong gumagawa ng mga iyon ay ititiwalag sa kanilang bayan.
30 Kaya ingatan ninyo ang aking bilin na huwag gawin ang alinman sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na ginawa ng mga nauna sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga ito: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(A)
24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.
25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.
26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[a] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.
27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”
28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”
29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”
30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.
32 Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.
33 At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.
34 Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”
35 Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.
36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.
37 Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(B)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
15 Ang kayamanan ng mayaman ang kanyang lunsod na matibay;
ang kahirapan ng dukha ang kanilang kapahamakan.
16 Ang kabayaran ng matuwid ay patungo sa buhay;
ang pakinabang ng masama ay tungo sa kasalanan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001