Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 26-27

Ang Tabing ng Tabernakulo(A)

26 “Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda.

Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.

Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa.

Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat.

Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.

Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo.

“Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin.

Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat.

Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda.

10 Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat.

11 “Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa.

12 Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabernakulo.

13 Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito.

14 Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing.

Ang Tabla at Biga ng Tabernakulo

15 “Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya.

16 Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi.

17 Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabernakulo.

18 Gagawin mo ang mga haligi para sa tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;

19 at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa;

20 at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi,

21 at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.

22 Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi.

23 Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod,

24 magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok.

25 At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi.

26 “Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabernakulo;

27 at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabernakulo sa likod, sa gawing kanluran.

28 Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila.

29 Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga.

30 At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok.

31 “Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa.

32 Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak.

33 Isasabit(B) mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan.

34 Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan,[a] sa dakong kabanal-banalan.

35 Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga.

36 “Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda.

37 Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito.

Ang Dambana ng mga Handog na Susunugin(C)

27 “Gagawin mo ang dambana na yari sa kahoy na akasya na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat at ang taas nito ay tatlong siko.

Gagawa ka ng mga sungay para dito sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay ay kakabit nito at iyong babalutin ito ng tanso.

Igagawa mo ito ng mga lalagyan ng mga abo, ng mga pala, ng mga palanggana, ng mga pantusok at ng mga lalagyan ng apoy; lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong yari sa tanso.

Igagawa mo iyon ng isang parilyang tanso na tila lambat ang yari; at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyon.

At ilalagay mo ito sa ibaba ng gilid ng dambana upang ang lambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana.

Igagawa mo ng mga pasanan ang dambana, mga pasanang kahoy na akasya at babalutin mo ng tanso.

Ang mga pasanan ay isusuot sa mga argolya, upang ang mga pasanan ay malagay sa dalawang tagiliran ng dambana kapag ito'y binubuhat.

Gagawin mo ang dambana na may guwang sa gitna sa pamamagitan ng mga tabla. Tulad ng ipinakita sa iyo sa bundok ay gayon ang gagawin nila.

Ang Looban at ang Ilawan(D)

“Gagawin mo ang bulwagan ng tabernakulo. Sa gawing timog, ang bulwagan ay magkakaroon ng mga tabing ng hinabing pinong lino na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran;

10 ang dalawampung haligi at ang kanilang mga patungan ay dapat yari sa tanso, ngunit ang kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.

11 Gayundin para sa haba nito sa gawing hilaga ay magkakaroon ng mga tabing na isandaang siko ang haba, at ang dalawampung haligi ng mga iyon pati ang mga patungang tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak.

12 Ang luwang ng bulwagan sa kanluran ay magkakaroon ng mga tabing na may limampung siko, ang haligi ng mga iyon ay sampu at ang mga patungan ng mga iyon ay sampu.

13 Ang luwang ng bulwagan sa gawing silangan ay limampung siko.

14 Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko na may tatlong haligi, at tatlong patungan.

15 Sa kabilang panig ang mga tabing ay may labinlimang siko, may tatlong haligi at tatlong patungan.

16 Sa pintuan ng bulwagan ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawampung siko, na ang tela ay asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda; ang mga haligi ng mga iyon ay apat at ang mga patungan ng mga iyon ay apat.

17 Lahat ng haligi sa palibot ng bulwagan ay pagkakabitin ng mga baras na pilak; ang mga kawit ng mga iyon ay pilak, at ang mga patungan ay tanso.

18 Ang haba ng bulwagan ay isang daang siko, at ang luwang ay limampu, at ang taas ay limang siko, na may hinabing pinong lino, at ang mga patungan ay tanso.

19 Lahat ng mga kasangkapan ng tabernakulo, sa bawat paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyon, at lahat ng mga tulos ng bulwagan ay tanso.

Ang Ilawan sa Tolda(E)

20 “Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng dalisay na langis ng binayong olibo para sa ilawan, upang ang ilawan ay palaging may sindi.

21 Sa toldang tipanan, sa labas ng tabing na nasa harap ng kaban ng patotoo ay aayusin iyon ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito ay magiging batas sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi sa mga anak ni Israel.

Mateo 25:1-30

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen

25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.

Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.

Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.

Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.

Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.

Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’

Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.

At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’

Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’

10 At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.

11 Pagkatapos(B) ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’

12 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’

13 Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.

Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(C)

14 “Sapagkat(D) tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian.

15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay.

16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento.

17 Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa.

18 Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

19 Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.

20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.’

21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

22 At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.’

23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

24 At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi.

25 Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’

26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi.

27 Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang.

28 Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento.

29 Sapagkat(E) ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

30 At(F) ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

Mga Awit 31:1-8

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

31 Sa iyo, O Panginoon, ako'y humahanap ng kanlungan;
    huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman;
    iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran!
Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin;
    iligtas mo ako agad!
Maging batong kanlungan ka nawa sa akin,
    isang matibay na muog upang ako'y iligtas.

Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan;
    alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan.
Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin;
    sapagkat ikaw ang aking kalakasan.
Sa(A) iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu,
    O Panginoon, tapat na Diyos, tinubos mo ako.

Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan,
    ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon.
Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig,
    sapagkat nakita mo ang aking kapighatian,
    iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan,
at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway;
    inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak.

Mga Kawikaan 8:1-11

Ang Panawagan ng Karunungan

Hindi(A) ba nananawagan ang karunungan,
    at nagtataas ng tinig ang kaunawaan?
Sa matataas na dako sa tabi ng daan,
    siya'y tumatayo sa mga sangandaan.
Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan,
    siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan:
“Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako,
    at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao.
O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan;
    at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal.
Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal,
    at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay;
sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan;
    at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan.
Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
    sa kanila'y walang liko o baluktot man.
Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
    at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
10 Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
    at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
11 Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
    at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001