Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 15:1-16:28

Iba't Ibang Karumihan mula sa Katawan

15 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

“Magsalita kayo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila: Kapag ang isang lalaki ay mayroong tulo mula sa kanyang katawan,[a] siya ay marumi dahil sa kanyang tulo.

At ito ang batas tungkol sa kanyang pagiging marumi dahil sa kanyang tulo. Maging ang kanyang katawan ay may tulo, o huminto na ang tulo sa kanyang katawan, ito ay karumihan sa kanya.

Bawat higaang mahigaan ng may tulo ay magiging marumi; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi.

At sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang umupo sa anumang bagay na inupuan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Ang humipo ng katawan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

Kung ang may tulo ay lumura sa taong malinis, maglalaba siya ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, magiging marumi siya hanggang sa paglubog ng araw.

Ang bawat upuang sapin na sakyan ng may tulo ay magiging marumi.

10 Sinumang taong humipo ng alinmang bagay na nasa ilalim niya, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang magdala ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11 Sinumang mahipo ng may tulo na hindi nakapaghugas ng kanyang mga kamay sa tubig, maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

12 Ang sisidlang-lupa na mahipo ng may tulo ay babasagin, at ang lahat ng sisidlang-kahoy ay babanlawan ng tubig.

13 “At kapag ang may tulo ay luminis na sa kanyang tulo ay bibilang siya ng pitong araw sa kanyang paglilinis, at maglalaba ng kanyang mga damit. Paliliguan din niya ang kanyang katawan sa tubig na umaagos, at magiging malinis.

14 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, at haharap siya sa Panginoon sa pasukan ng toldang tipanan, at ibibigay niya ang mga ito sa pari.

15 Ihahandog ng pari ang mga ito, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon, dahil sa kanyang tulo.

16 “Kung ang isang lalaki ay nilalabasan ng binhi, paliliguan niya ng tubig ang kanyang buong katawan, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

17 At lahat ng damit at balat na kinaroroonan ng binhi ay lalabhan sa tubig, at magiging marumi hanggang paglubog ng araw.

18 Kung ang lalaking nilalabasan ng binhi ay sumiping sa isang babae, silang dalawa ay maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19 “Kapag ang isang babae ay nilalabasan ng dugo na kanyang buwanang pagdurugo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi sa loob ng pitong araw; at sinumang humipo sa kanya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

20 Anumang kanyang mahigaan sa panahon ng kanyang karumihan ay magiging marumi; at anumang maupuan niya ay magiging marumi.

21 Sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

22 At ang sinumang humipo ng alinmang bagay na kanyang maupuan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

23 Maging ito ay nasa ibabaw ng higaan o nasa anumang bagay na inupuan niya, kapag kanyang hinipo, siya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24 Kung ang sinumang lalaki ay sumiping sa kanya, at mapasa lalaki ang karumihan niya, ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; at bawat higaan na kanyang higaan ay magiging marumi.

25 “Kung ang isang babae ay labasan ng dugo sa loob ng maraming araw sa hindi kapanahunan ng kanyang karumihan, o kung labasan ng dugo na lampas sa panahon ng kanyang karumihan; siya ay marumi sa buong panahon ng kanyang karumihan.

26 Bawat higaan na kanyang hinihigan sa buong panahon ng kanyang pagdurugo, ay magiging sa kanya'y gaya ng higaan ng kanyang karumihan; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi, na gaya ng pagiging marumi ng kanyang karumihan.

27 Sinumang humipo ng mga bagay na iyon ay magiging marumi, at maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28 Subalit kapag siya'y gumaling sa kanyang pagdurugo, bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyon ay magiging malinis siya.

29 Sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, at dadalhin niya sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.

30 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog; at itutubos sa kanya ng pari sa harap ng Panginoon, dahil sa kanyang maruming pagdurugo.

31 “Ganito ninyo ihihiwalay ang mga anak ni Israel sa kanilang pagiging marumi, upang huwag silang mamatay sa kanilang karumihan, kapag dinungisan ang aking tabernakulo na nasa kanilang kalagitnaan.

32 Ito ang batas tungkol sa may tulo at sa nilalabasan ng binhi, kaya't naging marumi;

33 gayundin sa babaing may sakit ng kanyang karumihan, sa sinuman, babae o lalaki, na dinudugo o may tulo, at lalaki na sumisiping sa babaing marumi.

Ang Araw ng Pagtubos

16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, nang sila'y lumapit sa harapan ng Panginoon at namatay.

Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag papasok nang wala sa panahon[b] sa santuwaryo sa loob ng tabing, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban upang siya'y huwag mamatay, sapagkat ako'y magpapakita sa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.

Ganito(B) papasok si Aaron sa loob ng dakong banal: may dalang isang guyang toro na handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki na handog na sinusunog.

Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon.

Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog.

“At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan.

Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan.

Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa Panginoon at kung alin ang kay Azazel.[c]

At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa Panginoon, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan.

10 Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buháy sa harapan ng Panginoon upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel.

11 “Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili.

12 Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng Panginoon ng isang suuban na punô ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing.

13 Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng Panginoon upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa[d] na nasa ibabaw ng patotoo,[e] upang huwag siyang mamatay.

14 At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri.

15 “Pagkatapos(C) ay papatayin niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at dadalhin ang dugo niyon sa loob ng tabing. Ang gagawin sa dugo ay ang gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik iyon sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harapan ng luklukan ng awa.

16 Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.

17 Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya'y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya at matubos ang sarili, at ang kanyang kasambahay, at ang buong kapulungan ng Israel.

18 Pagkatapos ay lalabas siya patungo sa dambana na nasa harapan ng Panginoon, at gagawa ng pagtubos para dito, at kukuha ng dugo ng toro at ng kambing, at ilalagay sa mga sungay sa palibot ng dambana.

19 Pitong ulit niyang iwiwisik ang dugo sa dambana sa pamamagitan ng kanyang daliri, at lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.

Ang Kambing na Pakakawalan

20 “Pagkatapos niyang matubos ang dakong banal, ang toldang tipanan, at ang dambana, ay ihahandog niya ang kambing na buháy.

21 At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buháy, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili.

22 Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang.

23 “At(D) papasok si Aaron sa toldang tipanan at huhubarin ang mga suot na lino na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal at iiwan niya ang mga iyon doon.

24 Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig sa isang dakong banal, at isusuot ang kanyang mga damit at lalabas, at iaalay ang kanyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan. Gayon niya gagawin ang pagtubos para sa kanyang sarili at sa bayan.

25 Kanyang susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog para sa kasalanan.

26 At ang nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel ay maglalaba ng kanyang mga damit at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.

27 Ang(E) toro na handog pangkasalanan at ang kambing na handog pangkasalanan, na ang dugo ay ipinasok upang ipantubos sa dakong banal ay ilalabas sa kampo; at susunugin nila sa apoy ang mga balat, ang laman, at ang dumi ng mga iyon.

28 Ang magsusunog ng mga iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit, at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.

Marcos 7:1-23

Ang mga Tradisyon(A)

Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,

kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.

(Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.

Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]

Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”

At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,

    ‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’

Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”

Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.

10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’

11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’

12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,

13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.

Ang Nagpaparumi sa Tao(D)

14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.

15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”

16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]

17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.

18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,

19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”

20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.

21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,

22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.

23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”

Mga Awit 40:11-17

11 Huwag mong ipagkait sa akin, O Panginoon,
    ang iyong kahabagan,
    lagi nawa akong ingatan
    ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan!
12 Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang,
inabutan ako ng aking mga kasamaan,
    hanggang sa ako'y hindi makakita;
sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo,
    nanghihina ang aking puso.

13 Kalugdan[a] mo nawa, O Panginoon, na ako'y iligtas mo!
    O Panginoon, ikaw ay magmadaling tulungan ako!
14 Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama
    silang nagsisikap na agawin ang aking buhay;
sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan,
    silang nagnanais ng aking kapahamakan.
15 Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan
    na nagsasabi sa akin, “Aha! Aha!”

16 Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo
    ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap;
yaong umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy nawang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
17 Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan,
    alalahanin nawa ako ng Panginoon.
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    huwag kang magtagal, O aking Diyos.

Mga Kawikaan 10:13-14

13 Nasusumpungan sa mga labi ng may unawa ang karunungan,
    ngunit ang pamalo ay para sa likod ng walang kaunawaan.
14 Ang mga pantas ay nag-iimbak ng kaalaman,
    ngunit ang kadaldalan ng hangal ay naglalapit sa kapahamakan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001