Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 29:1-30:10

Ang Pagtatalaga(A)

29 “Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan,

at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo.

Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa.

Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig.

Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod:

at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante.

Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis.

Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika,

at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak.

Ang Handog ng Pagtatalaga para sa mga Pari

10 “Pagkatapos, iyong dadalhin ang toro sa harap ng toldang tipanan at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro.

11 Papatayin mo ang toro sa harapan ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan.

12 Kukuha ka ng bahagi ng dugo ng toro, at ilalagay mo iyon sa pamamagitan ng iyong daliri sa ibabaw ng mga sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paanan ng dambana.

13 Kukunin mo lahat ng taba na nakabalot sa bituka, at ang mga taba ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga iyon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana.

14 Subalit ang laman ng toro, ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampo; ito ay handog pangkasalanan.

15 “Kukunin mo rin ang isa sa mga lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa.

16 Papatayin mo ang lalaking tupa, kukunin mo ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana.

17 Pagpuputul-putulin mo ang tupa at huhugasan mo ang mga lamang-loob at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga piraso at sa ulo nito.

18 Susunugin(B) mo ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; ito ay handog na sinusunog para sa Panginoon. Ito ay mabangong samyo, isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

19 “Kukunin mo ang isa pang lalaking tupa at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

20 Papatayin mo ang tupa, kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, at sa dulo ng kanang tainga ng kanyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang natirang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot.

21 Kukuha ka ng bahagi ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pambuhos, at iwiwisik mo kay Aaron at sa kanyang mga kasuotan, at sa kanyang mga anak na kasama niya; pati ang mga kasuotan nila at magiging banal siya at ang kanyang mga kasuotan, at ang kanyang mga anak, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak na kasama niya.

22 “Kukunin mo rin ang taba ng lalaking tupa, at ang matabang buntot, at ang tabang nakabalot sa mga bituka, ang mga taba ng atay, ang dalawang bato, ang taba na nasa ibabaw ng mga iyon, at ang kanang hita (sapagkat iyon ay isang lalaking tupa na itinatalaga),

23 isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na may langis, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harapan ng Panginoon.

24 Ilalagay mo ang lahat ng ito sa mga kamay ni Aaron at sa mga kamay ng kanyang mga anak; at iyong iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

25 Kukunin mo sa kanilang mga kamay ang mga ito, at iyong susunugin sa dambana bilang karagdagan sa handog na sinusunog, bilang isang mabangong samyo sa harapan ng Panginoon; ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

26 “At kukunin mo ang dibdib ng lalaking tupa na itinalaga ni Aaron, at iwawagayway mo ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; at iyon ang magiging iyong bahagi.

27 Iyong itatalaga ang dibdib ng handog na iwinawagayway, at ang hitang iwinawagayway na bahagi ng pari, mula sa lalaking tupa na itinalaga para kay Aaron at sa kanyang mga anak.

28 Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, na bahaging ukol sa kanila sa habang panahon na mula sa mga anak ni Israel, sapagkat ito ang bahagi ng mga pari na ihahandog ng mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga handog pangkapayapaan. Ito ay kanilang handog sa Panginoon.

29 “Ang mga banal na kasuotan ni Aaron ay magiging sa kanyang mga anak pagkamatay niya, upang buhusan ng langis ang mga iyon, at upang italaga sa mga iyon.

30 Pitong araw na isusuot ang mga ito ng anak na magiging pari kapalit niya, kapag siya'y pumapasok sa toldang tipanan upang maglingkod sa dakong banal.

31 “At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at ilaga mo ang laman nito sa isang dakong banal.

32 Kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng toldang tipanan.

33 Kanilang kakainin ang mga bagay na iyon, na ipinantubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila, subalit hindi kakain niyon ang sinumang dayuhan, sapagkat banal ang mga ito.

34 At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang nalabi, hindi ito kakainin, sapagkat ito'y banal.

Ang mga Pang-araw-araw na Handog(C)

35 “Ito ang gagawin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo; pitong araw mo silang itatalaga.

36 Araw-araw ay maghahandog ka ng toro na handog pangkasalanan bilang pantubos. Maghahandog ka rin ng handog pangkasalanan para sa dambana, kapag iyong iginagawa ng katubusan iyon; at iyong bubuhusan ito ng langis upang ito'y maitalaga.

37 Pitong araw na iyong gagawan ng katubusan ang dambana, at iyong pakakabanalin ito, at ang dambana ay magiging kabanal-banalan; anumang humipo sa dambana ay magiging banal.

38 “Ito naman ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero na tig-iisang taong gulang, araw-araw sa habang panahon.

39 Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon;

40 at kasama ng unang kordero ang ikasampung bahagi ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ang handog na inumin.

41 Ang isa pang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong ihahandog na kasama nito ang handog na butil at handog na inumin tulad ng sa umaga, na mabangong samyo, na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

42 Ito ay magiging isang patuloy na handog na sinusunog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa pintuan ng toldang tipanan, sa harapan ng Panginoon; kung saan ko kayo tatagpuin, upang makipag-usap ako roon sa iyo.

43 At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel, at ito ay pakakabanalin ng aking kaluwalhatian.

44 Aking pakakabanalin ang toldang tipanan, at ang dambana; gayundin si Aaron at ang kanyang mga anak ay aking pakakabanalin upang maglingkod sa akin bilang mga pari.

45 Ako'y mananahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilang Diyos.

46 Kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, upang ako'y manirahang kasama nila. Ako ang Panginoon nilang Diyos.

Ang Dambana ng Insenso(D)

30 “Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya.

Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon.

Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot.

Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito.

Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto.

Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin.

Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon,

at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng Panginoon sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.

Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon.

10 Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa Panginoon.”

Mateo 26:14-46

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(A)

14 Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari,

15 at(B) nagsabi, “Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?” At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak.

16 At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus.[a]

Ang Hapunang Pampaskuwa ni Jesus at ng Kanyang mga Alagad(C)

17 Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?”

18 At sinabi niya, “Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, ‘Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.’”

19 At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang paskuwa.

20 Pagsapit ng gabi, umupo siyang kasalo ng labindalawang alagad.[b]

21 At samantalang sila'y kumakain ay sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay magkakanulo sa akin.”

22 At sila'y labis na nalungkot, at isa-isang nagpasimulang magsabi sa kanya, “Ako ba, Panginoon?”

23 Sumagot(D) siya at sinabi, “Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin.

24 Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.”

25 At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, “Hindi ako iyon, Rabi?” Sinabi niya sa kanya, “Ikaw ang nagsabi.”

Ang Banal na Hapunan(E)

26 Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, “Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan.”

27 At kumuha siya ng isang saro[c] at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, “Uminom kayong lahat nito,

28 sapagkat(F) ito ang aking dugo ng tipan,[d] na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

29 At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama.”

30 At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo.

Paunang Sinabi ang Pagtatatwa ni Pedro(G)

31 Pagkatapos(H) ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong lahat ay tatalikod[e] dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.’

32 Subalit(I) matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod.”

34 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.”

35 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila.” Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(J)

36 Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin.”

37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag.

38 At sinabi niya sa kanila, “Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin.”

39 Paglakad pa niya ng malayu-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.”

40 At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, “Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras?

41 Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina.”

42 Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, “Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari.”

43 At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila.[f]

44 Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita.

45 Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

46 Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin.”

Mga Awit 31:19-24

19 O napakasagana ng kabutihan mo,
    na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo,
at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo,
    sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli!
20 Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli
    sa mga banta ng mga tao;
ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan
    mula sa palaaway na mga dila.

21 Purihin ang Panginoon,
    sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob
    sa isang lunsod na nakubkob.
22 Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi,
    “Ako ay inilayo mula sa iyong paningin.”
Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing,
    nang ako'y dumaing sa iyo.

23 Ibigin ninyo ang Panginoon, kayong lahat niyang mga banal!
    Iniingatan ng Panginoon ang tapat,
    ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan.
24 Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso,
    kayong lahat na umaasa sa Panginoon!

Mga Kawikaan 8:14-26

14 Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
    ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
15 Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
    at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
    at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
17 Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
    at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
18 Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
    ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
19 Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
    at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
20 Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
    sa mga landas ng katarungan,
21 upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
    at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.

Ang Bahagi ng Karunungan sa Paglikha

22 Inari(A) ako ng Panginoon sa pasimula ng lakad niya,
    bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una.
23 Ako'y inilagay mula ng walang pasimula,
    noong una, bago pa man nilikha ang lupa.
24 Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman;
    nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal.
25 Bago pa ang mga bundok ay hinugisan,
    bago ang mga burol, ako'y isinilang,
26 nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man,
    ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001