Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 23:14-25:40

14 “Tatlong beses sa bawat taon na magdiriwang ka ng pista para sa akin.

15 Ang(A) pista ng tinapay na walang pampaalsa ay iyong ipagdiriwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib, sapagkat noon ka umalis sa Ehipto. Walang lalapit sa harap ko na walang dala.

16 Iyong(B) ipagdiriwang ang pista ng pag-aani ng mga unang bunga ng iyong pagpapagal, na iyong inihasik sa bukid. Ipagdiriwang mo rin ang pista ng pag-aani, sa katapusan ng taon, kapag inaani mo mula sa bukid ang bunga ng iyong pagpapagal.

17 Tatlong ulit sa bawat taon na ang lahat ng iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoong Diyos.

18 “Huwag mong iaalay ang dugo ng aking handog na kasabay ng tinapay na may pampaalsa; o iiwan mo man ang taba ng aking pista hanggang sa kinaumagahan.

19 “Ang(C) mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Diyos.

“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.

Pangakong Pagpasok sa Canaan

20 “Aking isinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda.

21 Mag-ingat kayo sa harap niya at dinggin ninyo ang kanyang tinig; huwag kayong maghimagsik sa kanya, sapagkat hindi niya patatawarin ang inyong pagsuway, sapagkat ang aking pangalan ay nasa kanya.

22 “Subalit kung diringgin mong mabuti ang kanyang tinig at gagawin mo ang lahat ng aking sinasabi ay magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban.

23 “Sapagkat ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo at dadalhin ka sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Cananeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, at aking lilipulin sila.

24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga diyos, o maglilingkod man sa mga iyon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong wawasakin at iyong dudurugin ang kanilang mga haligi.

25 Inyong sasambahin ang Panginoon ninyong Diyos, at aking[a] pagpapalain ang inyong tinapay at ang inyong tubig, at aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo.

26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man sa iyong lupain; aking lulubusin ang bilang ng iyong mga araw.

27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at lilituhin ko ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.

28 Aking susuguin sa unahan mo ang mga putakti na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo, at Heteo sa harapan mo.

29 Hindi ko sila papalayasin sa harapan mo sa loob ng isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mababangis na hayop ay magsidami laban sa iyo.

30 Unti-unti ko silang papalayasin sa harapan mo, hanggang sa ikaw ay dumami at manahin mo ang lupain.

31 Aking ilalagay ang iyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng Filistia, at mula sa ilang hanggang sa Eufrates sapagkat aking ibibigay sa iyong kamay ang mga nananahan sa lupain at iyong papalayasin sila sa harapan mo.

32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga diyus-diyosan.

33 Sila'y hindi dapat manirahan sa iyong lupain, baka gawin pa nilang magkasala ka laban sa akin; sapagkat kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan, tiyak na magiging bitag iyon sa iyo.”

Ang Dugo ng Tipan

24 Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng Panginoon, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo.

Si Moises lamang ang lalapit sa Panginoon; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya.”

Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng Panginoon at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, “Lahat ng mga salita na sinabi ng Panginoon ay aming gagawin.”

Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng Panginoon, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel.

Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.

Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana.

Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin.”

At(D) kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, “Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito.”

Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel,

10 at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan.

11 Hindi ipinatong ng Diyos[b] ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom.

Muling Umakyat si Moises sa Bundok

12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila.”

13 Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos.

14 Kanyang sinabi sa matatanda, “Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila.”

15 Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok.

16 Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap.

17 Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng Panginoon ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel.

18 Pumasok(E) si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.

25 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa akin ng isang handog; tanggapin ninyo ang handog para sa akin mula sa bawat tao na ang puso ay nagkukusang-loob.

At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila: ginto, pilak, tanso,

lanang asul, kulay-ube, pula, at lino at pinong hinabing balahibo ng kambing,

mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at mga balat ng kambing, at kahoy na akasya,

langis sa ilawan, mga pampabango sa langis na pampahid, at sa mabangong insenso;

mga batong onix, at mga bato sa efod, at sa pektoral.

Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila.

Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin.

Ang Kaban ng Tipan(F)

10 “Sila'y gagawa ng isang kabang yari sa kahoy na akasya na may dalawang siko at kalahati ang haba, isang siko't kalahati ang luwang, isang siko't kalahati ang taas.

11 Iyong babalutin ng lantay na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.

12 Bubuo ka ng apat na argolyang ginto para ilagay mo sa apat na paa niyon, dalawang argolya sa isang tagiliran niyon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyon.

13 Gagawa ka ng mga pasanang yari sa kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto.

14 Iyong isusuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban sa pamamagitan ng mga ito.

15 Ang mga pasanan ay mananatili sa loob ng mga argolya ng kaban; hindi aalisin doon ang mga ito.

16 Iyong ilalagay sa loob ng kaban ang mga patotoo na aking ibibigay sa iyo.

17 Pagkatapos,(G) gagawa ka ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na may dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko at kalahati ang luwang niyon.

18 At gagawa ka ng dalawang kerubin na ginto; gagawin mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagpitpit, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa.

19 Gumawa ka ng isang kerubin sa isang dulo, at ng isang kerubin sa kabilang dulo; sa kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyon.

20 Ibubuka ng mga kerubin nang paitaas ang kanilang pakpak, na nilililiman ang luklukan ng awa ng kanilang mga pakpak. Sila'y nakaharap sa isa't isa; ang mukha ng kerubin ay nakaharap sa luklukan ng awa.

21 Iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang tipan[c] na aking ibibigay sa iyo.

22 Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga utos ko para sa mga anak ni Israel.

Ang Hapag para sa Tinapay na Handog(H)

23 ‘Gagawa ka ng isang hapag na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko ang haba, isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas.

24 Iyong babalutin ito ng lantay na ginto, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot.

25 Igagawa mo ito ng isang gilid sa palibot na may isang dangkal ang luwang, at igagawa mo ng isang moldeng ginto ang palibot ng gilid niyon.

26 At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na nasa apat na paa niyon.

27 Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pasanan, upang madala ang hapag.

28 At gagawin mo ang mga pasanan mula sa kahoy na akasya, at iyong babalutin ng ginto, at ang hapag ay dadalhin sa pamamagitan ng mga iyon.

29 Gagawa ka ng mga pinggan niyon para sa insenso, at ng mga banga at mga mangkok na pagbubuhusan; na iyong gagawing lantay na ginto.

30 At(I) ilalagay mo sa hapag ang tinapay na handog sa harap ko palagi.

Ang Ilawan(J)

31 “Gagawa ka ng isang ilawan na lantay na ginto. Ang paa at tangkay ng ilawan ay yari sa pinitpit na ginto; ang mga sanga, ang mga kopa niyon, at ang mga bulaklak niyon ay isang piraso.

32 At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon na kasama nito, tatlong sanga ng ilawan sa isang tagiliran niyon, at tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran niyon,

33 tatlong kopa na ginawang tulad ng almendro, bawat isa ay may usbong at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas mula sa ilawan.

34 Sa ilawan mismo ay magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ng mga usbong at ng mga bulaklak niyon,

35 at magkakaroon ng isang usbong sa ilalim ng bawat pares ng anim na lumalabas sa ilawan.

36 Ang magiging mga usbong at mga sanga niyon ay iisa, ang kabuuan niyon ay isa lamang putol na yari sa pinitpit na lantay na ginto.

37 Igagawa mo ito ng pitong ilaw, at ang mga ilaw ay sisindihan upang magbigay liwanag sa dakong katapat nito.

38 Ang mga pangsipit at ang patungan ay magiging lantay na ginto.

39 Ito ay gagawin sa isang talentong lantay na ginto pati ng lahat ng kasangkapang ito.

40 At(K) tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok.

Mateo 24:29-51

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)

29 “At(B) pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.

30 Pagkatapos(C) ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

31 Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(D)

32 “Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.

33 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y[a] malapit na, nasa mga pintuan na.

34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.

35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(E)

36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak[b] kundi ang Ama lamang.

37 Kung(F) paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.

38 Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,[c]

39 at(G) hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.

40 Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

41 May dalawang babaing magtatrabaho[d] sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

42 Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw[e] darating ang inyong Panginoon.

43 Ngunit(H) unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.

44 Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.

Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(I)

45 “Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?

46 Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa.

47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian.

48 Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, ‘Magtatagal ang aking panginoon,’

49 at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing,

50 darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman,

51 at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.

Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Kawikaan 7:24-27

24 Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako,
    sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25 Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad,
    huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26 Sapagkat napakarami na niyang itinumba,
    oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27 Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay,
    pababa sa mga silid ng kamatayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001