Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 21:22-23:13

22 “Kung mag-away ang dalawang lalaki at makasakit ng isang babaing nagdadalang-tao, na anupa't makunan, at gayunma'y walang pinsalang sumunod, pagbabayarin ang nakasakit, ayon sa iaatang sa kanya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.

23 Subalit kung may anumang pinsalang sumunod, magbibigay ka nga ng buhay para sa buhay,

24 mata(A) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa,

25 pasò sa pasò, sugat sa sugat, hagupit sa hagupit.

26 “At kung saktan ng sinuman ang mata ng kanyang aliping lalaki, o ang mata ng kanyang aliping babae at mabulag, kanyang papalayain ang alipin upang matumbasan ang mata.

27 Kung kanyang bungian ng ngipin ang kanyang aliping lalaki o babae ay kanyang palalayain ang alipin dahil sa kanyang ngipin.

28 “Kung suwagin ng isang baka ang isang lalaki o ang isang babae, anupa't namatay, babatuhin ang baka at ang kanyang laman ay hindi kakainin; subalit ang may-ari ng baka ay pawawalang-sala.

29 Ngunit kung ang baka ay dati nang nanunuwag at naisumbong na sa may-ari ngunit hindi niya ikinulong, anupa't nakamatay ng isang lalaki, o isang babae, babatuhin ang baka at ang may-ari niyon ay papatayin din.

30 Kung siya'y atangan ng pantubos, magbibigay siya ng pantubos sa kanyang buhay anuman ang iniatang sa kanya.

31 Kung suwagin nito ang anak na lalaki o babae ng isang tao ay gagawin sa kanya ayon sa kahatulang ito.

32 Kung suwagin ng baka ang isang aliping lalaki o babae ay magbabayad ang may-ari ng tatlumpung siklong pilak sa kanilang amo, at ang baka ay babatuhin.

33 “Kung iwanang bukas ng sinuman ang isang balon, o kung huhukay ng isang balon at hindi ito tatakpan, at ang isang baka o ang isang asno ay mahulog dito,

34 magbabayad ang may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari niyon, at ang patay na hayop ay magiging kanya.

35 “Kung ang baka ng sinuman ay nanakit sa baka ng iba, na anupa't namatay, kanila ngang ipagbibili ang bakang buháy, at kanilang paghahatian ang halaga niyon; at ang patay ay paghahatian din nila.

36 O kung kilala na ang baka ay dati nang manunuwag, at hindi ikinulong ng may-ari, magbabayad siya ng baka sa baka, at ang patay na hayop ay magiging kanya.

Mga Pagsasauli tungkol sa Naging Kasiraan

22 “Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw.

“Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay,

ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo.

“Kung ang ninakaw ay matagpuang buháy sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble.

“Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan.

“Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo.

“Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble.

Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa.

“Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa.

10 “Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman,

11 ang pagsumpa nilang dalawa sa Panginoon ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli.

12 Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari.

13 Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa.

14 “Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo.

15 Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upa nito.

Sari-saring Kautusan

16 “At(B) kung akitin ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipagkakasundong mag-asawa at kanyang sipingan, kanyang ibibigay ang kanyang dote at gagawing kanyang asawa.

17 Kung mahigpit na tumutol ang kanyang ama na ibigay siya sa kanya, ay magbabayad siya ng salapi katumbas ng dote para sa mga dalaga.

18 “Huwag(C) mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam.

19 “Sinumang(D) sumiping sa isang hayop ay papatayin.

20 “Ang(E) maghandog sa alinmang diyos, maliban sa Panginoon lamang, ay lubos na pupuksain.

21 “At(F) huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.

22 Huwag ninyong pahihirapan ang sinumang babaing balo, o batang ulila.

23 Kung iyong pahihirapan sila sa anumang paraan, at dumaing sa akin, tiyak na aking diringgin ang kanilang daing;

24 ang aking poot ay mag-aalab, at papatayin ko kayo ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay magiging mga ulila.

25 “Kung(G) magpautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan sa dukhang kasama mo, huwag mo silang papakitunguhan bilang tagapagpautang; huwag mo siyang papatungan ng tubo.

26 Kung(H) iyong kunin ang damit ng iyong kapwa bilang sangla, isasauli mo iyon sa kanya bago lumubog ang araw;

27 sapagkat iyon lamang ang kanyang saplot, iyon ang kanyang pantakip sa kanyang katawan, ano pa ang kanyang ipapantulog? At kapag siya'y dumaing sa akin ay aking diringgin sapagkat ako'y mahabagin.

28 “Huwag(I) mong lalapastanganin ang Diyos, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan.

29 “Huwag mong ipagpapaliban ang paghahandog ng mula sa iyong mga ani, at ng mula sa umagos sa iyong mga pisaan.

“Ang panganay sa iyong mga anak na lalaki ay ibibigay mo sa akin.

30 Gayundin ang gagawin mo sa iyong mga baka at sa iyong mga tupa: pitong araw itong makakasama ng kanyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo ito sa akin.

31 “Kayo'y(J) magiging mga taong itinalaga para sa akin; kaya't huwag kayong kakain ng anumang laman na nilapa ng mababangis na hayop sa parang; inyong itatapon ito sa mga aso.

23 “Huwag(K) kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipagkapit-kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin.

Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan;

ni(L) huwag mo ring papanigan ang dukha sa kanyang usapin.

“Kung(M) iyong makita ang baka ng iyong kaaway o ang kanyang asno na nakawala, ito ay ibabalik mo sa kanya.

Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kanyang pasan, huwag mo siyang iiwan sa gayong kalagayan, tulungan mo siyang buhatin ito.

“Huwag(N) mong babaluktutin ang katarungang nararapat sa iyong dukha sa kanyang usapin.

Layuan mo ang maling paratang at huwag mong papatayin ang walang sala at ang matuwid, sapagkat hindi ko pawawalang-sala ang masama.

Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga pinuno at sinisira ang mga salita ng mga banal.

“Ang(O) dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.

Ang Ikapitong Taong Sabbath

10 “Anim(P) na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon;

11 subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo.

12 “Anim(Q) na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga.

13 Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig.

Mateo 24:1-28

Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

24 Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo.

Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak.”

Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(B)

Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?

Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman.

Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, ‘Ako ang Cristo’ at ililigaw nila ang marami.

At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas.

Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako.

Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap.[a]

“Pagkatapos(C) ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.

10 Maraming tatalikod,[b] magtataksil at mapopoot sa isa't isa.

11 Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami.

12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig.

13 Subalit(D) ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

14 At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas.

Ang Karumaldumal na Paglapastangan(E)

15 “Kaya,(F) kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),

16 ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok.

17 Ang(G) nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay.

18 At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal.

19 Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon!

20 Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath.

21 Sapagkat(H) sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman.

22 At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon.

23 At kung may sinumang magsabi sa inyo, ‘Masdan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Nariyan siya!’ huwag ninyong paniwalaan.

24 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang.

25 Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo.

26 Kaya,(I) kung sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,’ huwag kayong lumabas. ‘Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,’ huwag ninyong paniwalaan.

27 Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.

28 Kung(J) saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre.[c]

Mga Awit 29

Awit ni David.

29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Mga Kawikaan 7:6-23

Sapagkat sa bintana ng aking bahay
    ay tumingin ako sa aking dungawan,
at ako'y tumingin sa mga walang muwang,
    ako'y nagmasid sa mga kabataan,
    may isang kabataang walang katinuan,
na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan,
    at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay,
sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan,
    sa oras ng gabi at kadiliman.

10 At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae,
    na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso.
11 Siya'y matigas ang ulo at maingay,
    ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay;
12 ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan,
    at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan.
13 Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki[a] at hinahagkan siya,
    at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya,
14 “Kailangan kong mag-alay ng mga handog-pangkapayapaan,
    sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan.
15 Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
    masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita.
16 Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko,
    na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto.
17 At aking pinabanguhan ang aking kama,
    ng mira, aloe, at kanela.
18 Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan;
    magpakasaya tayo sa paglalambingan.
19 Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay,
    sa malayong lugar siya'y naglakbay;
20 siya'y nagdala ng isang supot ng salapi;
    sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi.”

21 Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya,
    sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila.
22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya,[b]
    gaya ng toro na sa katayan pupunta,
o gaya ng isang nasisilong usa,[c]
23 hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos,
gaya ng ibong sa bitag ay humahangos;
    na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001