Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 13

Mga Batas tungkol sa mga Sakit sa Balat

13 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:

“Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari.

Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya.

Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw.

Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa.

Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis.

Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari.

Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong[a] nga iyon.

“Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari.

10 Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buháy na laman sa pamamaga,

11 iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi.

12 At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari;

13 kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis.

14 Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buháy, siya ay magiging marumi.

15 Susuriin ng pari ang lamang buháy, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buháy ay marumi; ito ay ketong.

16 Ngunit kapag pumuti ang lamang buháy, ay lalapit siya sa pari;

17 siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis.

18 “Kung sa balat ay may isang bukol na gumaling,

19 at ang humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab na namumula, ito ay ipapakita sa pari.

20 Susuriin ito ng pari, at kung makitang ito'y tila mas malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay pumuti, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong na lumitaw mula sa bukol.

21 Subalit kung sa pagsusuri ng pari ay makitang walang balahibong puti iyon, o hindi malalim kaysa balat, kundi maitim-itim, siya ay ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw.

22 At kung ito ay kumalat sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; iyon nga ay sakit.

23 Ngunit kung ang pamamaga ay tumigil sa kanyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ito ay galos ng bukol; at ipahahayag ng pari na siya ay malinis.

24 “O kapag ang katawan ay may paso sa balat at ang laman sa paso ay naging tila mapulang-mapula, o maputi;

25 ito ay susuriin ng pari, at kung makitang ang buhok ay pumuti sa bahaging makintab, at tila mas malalim kaysa balat, ito ay ketong. Ito ay lumitaw sa paso, at ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay sakit na ketong.

26 Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay walang balahibong maputi sa bahaging makintab at ito ay hindi mas malalim kaysa ibang balat, kundi parang maitim-itim, ibubukod siya ng pari sa loob ng pitong araw.

27 Sa ikapitong araw ay titingnan siya ng pari, at kung ito ay kumalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong.

28 Kung ang bahaging makintab ay nanatili sa kanyang kinaroroonan at hindi kumakalat sa balat, kundi maitim-itim, ito ay pamamaga ng paso, at ipahahayag ng pari na siya ay malinis, sapagkat iyon ay isang pilat ng paso.

29 “At kung ang sinumang lalaki o babae ay mayroong karamdaman sa ulo o sa balbas,

30 ay susuriin nga ng pari ang karamdaman, at kung ang anyo ay mas malalim kaysa balat, at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay pangangati na isang uri ng ketong sa ulo o sa baba.

31 Kapag tiningnan ng pari ang makating karamdaman, at tila hindi mas malalim kaysa balat, at wala iyong buhok na maitim, ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw ang may makating karamdaman.

32 At sa ikapitong araw ay susuriin ng pari ang karamdaman; at kung makitang hindi kumalat ang pangangati, at walang buhok na naninilaw, at tila ang pangangati ay hindi mas malalim kaysa balat,

33 kung gayon ay mag-aahit siya, subalit hindi aahitan ang kinaroroonan ng pangangati, at muling ibubukod ng pari ang maysakit ng pangangati sa loob ng pitong araw.

34 Susuriin ng pari ang pangangati sa ikapitong araw, at kung makitang hindi kumalat ang pangangati sa balat, at tila hindi mas malalim kaysa balat, ipahahayag ng pari na siya ay malinis, at siya'y maglalaba ng kanyang damit at magiging malinis.

35 Ngunit kung ang pangangati ay kumalat na sa balat pagkatapos ng kanyang paglilinis,

36 ay susuriin siya ng pari, at kung kumalat na sa balat ang pangangati, hindi na hahanapin ng pari ang buhok na naninilaw; siya'y marumi.

37 Subalit kung sa kanyang mga mata ay napigil na ang pangangati at may tumubong buhok na itim at gumaling na ang pangangati, siya'y malinis; at siya'y ipahahayag na malinis ng pari.

38 “Kapag ang isang lalaki o babae ay nagkaroon sa balat ng nangingintab na pantal, ng mga makintab na pantal na puti,

39 ito ay susuriin ng pari, at kung may namumuti na nangingintab na pantal sa balat ng kanyang laman; ito ay isang singaw na sumibol sa balat; siya'y malinis.

40 “Kapag ang buhok ng sinuman ay nalalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, gayunma'y malinis.

41 At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa kanyang noo, siya ay kalbo mula sa noo, ngunit siya ay malinis.

42 Subalit kung sa kalbong ulo o noo ay magkaroon ng namumula o namumuting sugat, ito ay ketong na sumibol sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo.

43 Siya'y susuriin ng pari, at kung ang pamamaga ng karamdaman ay mapula-pula na maputi sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kanyang katawan,

44 siya ay ketongin, siya'y marumi. Ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ang kanyang sakit ay nasa kanyang ulo.

45 “Ang ketonging may sakit ay magsusuot ng punit na damit, at ang buhok ng kanyang ulo ay ilulugay, at tatakpan niya ang itaas na bahagi ng kanyang nguso, at siya'y sisigaw, ‘Marumi, marumi.’

46 Siya'y mananatiling marumi hangga't nasa kanya ang karamdaman; siya'y marumi. Siya ay maninirahang mag-isa sa labas ng kampo.

47 “Kung alinman sa mga kasuotan ay may sakit na ketong; sa kasuotang mula sa balahibo ng tupa o kasuotang lino,

48 maging ito ay paayon o pahalang; o ng lino o ng balahibo ng tupa, maging sa balat o sa alinmang yari sa balat,

49 at kung ang salot ay nagkukulay berde o namumula sa kasuotan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat; ito ay sakit na ketong at ito ay ipapakita sa pari.

50 Susuriin ng pari ang sakit, at ibubukod ang bagay na may sakit sa loob ng pitong araw.

51 Kanyang susuriin ang sakit sa ikapitong araw at kung kumalat na ang sakit sa kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alinmang yari sa balat upang gamitin, ang salot ay isang kumakalat na ketong; iyon ay marumi.

52 Kanyang susunugin ang kasuotan, maging paayon, at maging pahalang, ng balahibo ng tupa o lino o sa alinmang kasangkapang yari sa balat na kinaroroonan ng salot. Sapagkat iyon ay ketong na kumakalat; iyon ay susunugin sa apoy.

53 “Kapag sinuri ng pari, at ang sakit ay hindi kumalat sa kasuotan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat,

54 kung gayon ay mag-uutos ang pari, at kanilang lalabhan ang kinaroroonan ng sakit, at ito ay ibubukod na muli sa loob ng pitong araw.

55 Susuriin ng pari ang bagay na may sakit pagkatapos na malabhan; at kung makitang ang sakit ay hindi nagbago ng anyo nito, at kung hindi kumalat ang sakit, ito ay marumi. Susunugin mo ito sa apoy, maging ang bahaging may ketong ay nasa likuran o sa harapan.

56 “Subalit kapag tiningnan ng pari, at nakitang nangitim ang dakong may sakit pagkatapos na malabhan, ito ay hahapakin mula sa kasuotan, o mula sa paayon, o mula sa pahalang.

57 At kung ito ay nakikita pa sa kasuotang iyon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, ito ay sakit na kumakalat; susunugin mo sa apoy ang kinaroroonan ng sakit.

58 Ang kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, na pinanggalingan ng sakit matapos mo itong malabhan, ay muli mong lalabhan, at magiging malinis.”

59 Ito ang batas tungkol sa sakit na ketong sa kasuotang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, upang maipahayag kung ito ay malinis o marumi.

Marcos 6:1-29

Hindi Kinilala si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.

Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!

Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.

Kaya't(B) sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”

Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.

Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)

Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niya ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu.

At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis,

kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika.

10 Sinabi niya sa kanila, “Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon.

11 Kung(D) (E) mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”

12 Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi.

13 Nagpalayas(F) sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nabalitaan(H) ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”

15 Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”

16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”

17 Sapagkat(I) si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.

18 Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”

19 Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,

20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan[a] ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.

21 Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.

22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo.”

23 At sumumpa siya sa kanya, “Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”

24 Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” At sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”

25 At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan.”

26 At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya.

27 Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[b] Umalis nga ang kawal[c] at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.

28 At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan.

Mga Awit 39

Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.

39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
    upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
    hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
Ako'y tumahimik at napipi,
    ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
    ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
    pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:

Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
    at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
    ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
    at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
    Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
    ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!

“At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
    Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
    Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
    sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
    ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
    tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)

12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    at iyong dinggin ang aking daing;
    huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
    isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
    bago ako umalis at mapawi!”

Mga Kawikaan 10:10

10 Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan,
    ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001