The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Mga Hayop na Malinis at Marumi(A)
11 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi,
2 “Sabihin ninyo sa mga anak ni Israel: Ito ang mga bagay na may buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa lupa.
3 Anumang hayop na may hati ang paa, biyak, at ngumunguya—ang mga gayon ay maaari ninyong kainin.
4 Gayunman, huwag ninyong kakainin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, bagaman ngumunguya, ngunit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
5 at ang kuneho, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
6 at ang liebre, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo,
7 at ang baboy, bagaman may hati ang paa at biyak subalit hindi ngumunguya, ito ay marumi para sa inyo.
8 Huwag ninyong kakainin ang kanilang laman at huwag ninyong hihipuin ang kanilang mga bangkay; ang mga iyon ay marumi para sa inyo.
9 “Sa lahat ng mga nasa tubig ay maaari ninyong kainin ang mga ito: alinmang may mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig, nasa dagat, at sa mga nasa ilog, ay makakain ninyo.
10 Subalit alinmang walang mga palikpik at mga kaliskis sa mga nasa dagat, nasa ilog, at sa alinmang mga gumagalaw sa mga nasa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay marumi para sa inyo.
11 Ang mga iyon ay marumi para sa inyo; huwag ninyong kakainin ang laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay inyong pandidirihan.
12 Anumang walang mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig ay magiging maruming bagay sa inyo.
13 “At sa mga ibon ay ituturing ninyong marumi ang mga ito. Ang mga ito ay hindi ninyo dapat kakainin; ang mga ito'y marumi: ang agila, buwitre, at buwitreng itim;
14 ang lawin, limbas, ayon sa kanyang uri;
15 bawat uwak ayon sa kanyang uri;
16 ang avestruz, panggabing lawin, at ang lawing dagat, ayon sa kanyang uri;
17 ang maliit na kuwago, somormuho, at ang malaking kuwago;
18 ang puting kuwago, pelikano, at ang buwitre;
19 ang lahat ng uri ng tagak, ang kabág, at ang paniki.
20 “Lahat ng kulisap na may pakpak na lumalakad sa apat na paa ay marumi para sa inyo.
21 Gayunman, ang mga ito'y maaari ninyong kainin sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, na may mga hita sa itaas ng mga paa, na ginagamit upang makalundag sa lupa.
22 Mula sa kanila ay makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kanyang uri; ang lukton ayon sa kanyang uri, ang kuliglig ayon sa kanyang uri, at ang tipaklong ayon sa kanyang uri.
23 Subalit ang iba pang kulisap na may pakpak na may apat na paa ay marumi para sa inyo.
24 “At sa pamamagitan ng mga ito ay magiging marumi kayo: sinumang humipo ng kanilang mga bangkay ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
25 Sinumang bumuhat ng kanilang mga bangkay ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
26 Bawat hayop na may hati ang kuko, subalit hindi biyak ang paa, o hindi ngumunguya ay marumi para sa inyo: bawat humipo sa mga iyan ay magiging marumi.
27 At anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang mga kuko sa lahat ng hayop na lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, ay marumi para sa inyo; sinumang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28 At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; ang mga ito ay marumi para sa inyo.
29 “At ang mga ito'y marumi para sa inyo sa mga umuusad sa ibabaw ng lupa: ang bubuwit, ang daga, at ang bayawak ayon sa kanyang uri,
30 ang tuko, buwaya, butiki, bubuli, at ang hunyango.
31 Ang mga ito'y marumi sa inyo mula sa lahat ng umuusad; sinumang humipo sa mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
32 At anumang malapatan ng mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi, maging alinmang kasangkapang yari sa kahoy, o kasuotan, o balat, o sako, alinmang sisidlang ginagamit sa anumang layunin. Dapat itong ilubog sa tubig at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos, ito ay magiging malinis.
33 Anumang sisidlang yari sa lupa na malapatan ng mga iyan, lahat ng laman niyon ay magiging marumi, at iyon ay inyong babasagin.
34 Sa lahat ng pagkain na maaaring kainin na mabuhusan ng tubig ay magiging marumi; at lahat ng inuming maaaring inumin sa alinman sa mga gayong sisidlan ay magiging marumi.
35 Anumang malapatan ng anumang bahagi ng kanilang bangkay ay magiging marumi; maging hurno o kalan ay babasagin; ang mga ito ay marumi sa inyo.
36 Subalit ang isang bukal o ang isang balon na imbakan ng tubig ay magiging malinis; ngunit ang masagi ng bangkay ng mga iyon ay magiging marumi.
37 At kapag malapatan ng kanilang bangkay ang alinmang binhing panghasik na ihahasik, ito ay malinis;
38 Ngunit kung nabasa ang binhi at malapatan ng bangkay ng mga iyon, ito ay magiging marumi para sa inyo.
39 “Kapag ang alinmang hayop na inyong makakain ay namatay, ang humipo ng bangkay nito ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw,
40 at ang kumain ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang bumuhat ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41 “Bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ay marumi; hindi ito maaaring kainin.
42 Anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang tiyan, at lahat ng lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, at anumang mayroong maraming paa, maging sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakainin; sapagkat ang mga ito ay marumi.
43 Huwag ninyong gawing karumaldumal ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad ni gawin ninyong marumi ang inyong sarili sa pamamagitan ng mga iyan, upang huwag kayong marumihan nila.
44 Sapagkat(B) ako ang Panginoon ninyong Diyos, kaya't pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo'y maging banal, sapagkat ako ay banal. Huwag ninyong durungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad sa ibabaw ng lupa.
45 Sapagkat ako ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos; kayo nga'y magpakabanal, sapagkat ako'y banal.”
46 Ito ang batas tungkol sa hayop, sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw na nasa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa,
47 upang bigyan ng pagkakaiba ang marumi at ang malinis, at ang may buhay na maaaring kainin at ang may buhay na hindi maaaring kainin.
Ang Paglilinis ng mga Babae Pagkatapos Manganak
12 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kung ang isang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; kagaya nang sa mga araw ng kanyang pagkakaroon ng regla, siya ay magiging marumi.
3 At(C) sa ikawalong araw ang bata ay tutuliin.[a]
4 Siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng tatlumpu't tatlong araw; huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, at huwag siyang papasok sa santuwaryo, hanggang sa matapos ang mga araw ng kanyang paglilinis.
5 Ngunit kung manganak siya ng babae, siya ay magiging marumi sa loob ng dalawang linggo, gaya ng sa kanyang panahon ng pagkakaroon ng regla; siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng animnapu't anim na araw.
6 “Kapag ang mga araw ng kanyang paglilinis ay matapos na, maging sa anak na lalaki o sa anak na babae, siya ay magdadala sa paring nasa pintuan ng toldang tipanan ng isang taong gulang na kordero bilang handog na sinusunog, at isang batang kalapati o isang batu-bato bilang handog pangkasalanan.
7 Ihahandog ito ng pari[b] sa harapan ng Panginoon, at itutubos para sa kanya; at siya'y malilinis sa agos ng kanyang dugo. Ito ang batas tungkol sa kanya na nanganak, maging ng lalaki o ng babae.
8 Kung(D) hindi niya kayang bumili ng kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ang isa'y bilang handog na sinusunog at ang isa'y handog pangkasalanan. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.”
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(A)
21 Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22 Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,
23 at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”
24 Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.
25 May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,
26 at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.
27 Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.
28 Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
29 Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.
30 Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31 Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”
32 Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.
33 Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.
34 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”
35 Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”
36 Ngunit hindi pinansin[a] ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37 At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.
38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.
39 Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”
40 Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.
41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[b] na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
42 Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.
43 Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata[c] ay bigyan ng makakain.
Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
2 Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
at pumisil sa akin ang kamay mo.
3 Walang kaginhawahan sa aking laman
dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
dahil sa aking kahangalan.
6 Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
at walang kaginhawahan sa aking laman.
8 Nanghihina at bugbog ako;
ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.
9 Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.
13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
at walang pangangatuwiran sa aking bibig.
15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”
17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.
21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
O Panginoon, aking kaligtasan!
8 Ang pantas sa puso ay susunod sa mga kautusan,
ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal.
9 Siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad nang tiwasay,
ngunit ang sumisira ng kanyang mga lakad ay matutuklasan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001