Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 14

Handog sa Paglilinis ng Ketongin

14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Ito(A) ang magiging batas tungkol sa ketongin sa mga araw ng kanyang paglilinis. Siya'y dadalhin sa pari;

at ang pari ay lalabas sa kampo at susuriin siya. Kung ang sakit na ketong ay gumaling na sa ketongin,

iuutos ng pari sa kanila na ikuha siya ng dalawang buháy na malinis na ibon, kahoy na sedro, lanang pula at isopo;

at ipag-uutos ng pari sa kanila na patayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang luwad sa ibabaw ng tubig na umaagos.

Kukunin niya ang ibong buháy, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo, at itutubog ang mga ito at ang ibong buháy sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos.

Iwiwisik niya nang pitong ulit sa taong lilinisin mula sa ketong; pagkatapos ay ipahahayag siya na malinis, at pakakawalan ang ibong buháy sa kalawakan ng parang.

At siya na lilinisin ay maglalaba ng kanyang kasuotan at aahitin ang lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig, at siya'y magiging malinis. Pagkatapos ay papasok siya sa kampo, subalit maninirahan sa labas ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.

Sa ikapitong araw ay muli niyang aahitin ang lahat ng buhok: sa ulo, baba, at kilay at lahat ng buhok sa kanyang katawan. Pagkatapos ay lalabhan niya ang kanyang kasuotan, at maliligo siya sa tubig, at siya ay magiging malinis.

10 “Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang korderong lalaki na walang kapintasan, at ng isang korderong babae na isang taong gulang at walang kapintasan, at ng ikasampung bahagi ng harinang hinaluan ng langis, isang handog at ng isang log[a] na langis, bilang pagkaing handog.

11 Ang paring naglilinis sa taong lilinisin ay tatayo sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan kasama ng mga bagay na ito.

12 Kukunin ng pari ang isa sa mga korderong lalaki at ihahandog bilang handog para sa budhing maysala, at ang log ng langis, at iwawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

13 Kanyang papatayin ang korderong lalaki sa lugar na pinagpapatayan nila ng handog pangkasalanan at ng handog na sinusunog, sa banal na dako; sapagkat gaya ng handog pangkasalanan, ang handog para sa budhing maysala ay para sa pari; ito ay kabanal-banalan.

14 Ang pari ay kukuha ng dugo ng handog para sa budhing maysala at ilalagay niya sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin.

15 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng log ng langis at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay,

16 at itutubog ng pari ang kanyang kanang daliri sa langis na nasa kanyang kaliwang kamay, at iwiwisik ang langis ng pitong ulit sa pamamagitan ng kanyang daliri sa harapan ng Panginoon.

17 Mula sa nalabing langis na nasa kanyang kamay ay maglalagay ang pari ng dugo sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin, sa ibabaw ng dugo ng handog para sa budhing maysala.

18 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon.

19 Mag-aalay ang pari ng handog pangkasalanan, at itutubos sa kanya na lilinisin mula sa kanyang karumihan. Pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog,

20 at iaalay ng pari ang handog na sinusunog at ang butil na handog sa ibabaw ng dambana. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis.

21 “Kung siya'y dukha at ang kanyang kakayahan ay hindi makakasapat, kukuha siya ng isang korderong lalaki na handog para sa budhing maysala bilang handog na iwinawagayway upang ipantubos sa sarili, at ng ikasampung bahagi ng harina na hinaluan ng langis bilang butil na handog, ng isang log ng langis;

22 at ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ayon sa kanyang kaya; at ang isa ay magiging handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog.

23 Sa ikawalong araw ay kanyang dadalhin ang mga iyon sa pari sa pintuan ng toldang tipanan para sa kanyang paglilinis sa harapan ng Panginoon.

24 At kukunin ng pari ang korderong handog para sa budhing maysala at ang log ng langis at iwawagayway ang mga ito ng pari bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

25 Kanyang papatayin ang korderong handog para sa budhing maysala, at kukuha ang pari ng dugo mula sa handog para sa budhing maysala, at ilalagay sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanyang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin;

26 at ibubuhos ng pari ang langis sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay.

27 Pitong ulit na iwiwisik ng pari sa pamamagitan ng kanyang kanang daliri ang langis na nasa kanyang kaliwang kamay sa harapan ng Panginoon.

28 At ilalagay ng pari ang langis na nasa kanyang kamay sa dulo ng kanang tainga, at hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugo ng handog para sa budhing maysala.

29 Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, upang ipantubos sa kanya sa harapan ng Panginoon.

30 At kanyang ihahandog ang isa sa mga batu-bato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kanyang kaya.

31 Kung alin ang abot ng kanyang kaya, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog, bukod sa butil na handog. At ang pari ay gagawa ng pagtubos sa harapan ng Panginoon para sa kanya na lilinisin.

32 Ito ang batas tungkol sa may sakit na ketong na hindi kayang bumili ng mga handog para sa kanyang paglilinis.”

Ang Paglilinis ng mga Bahay na may Sakit

33 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:

34 “Pagdating ninyo sa lupain ng Canaan na aking ibinigay sa inyo bilang pag-aari, at ako'y naglagay ng sakit na ketong sa isang bahay sa lupaing inyong pag-aari,

35 ang may-ari ng bahay ay lalapit sa pari at sasabihin, ‘Mayroon yatang isang uri ng sakit sa aking bahay.’

36 Ipag-uutos ng pari na alisan ng laman ang bahay bago siya pumasok upang tingnan ang sakit, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag maging marumi; at pagkatapos ay papasok ang pari upang tingnan ang bahay.

37 Kanyang susuriin ang salot, at kung ang salot ay nasa mga dingding ng bahay na nagkukulay berde, o namumula ng batik at ang anyo nito ay mas malalim kaysa dingding,

38 kung gayon ay lalabas ang pari sa bahay tungo sa pintuan ng bahay at isasara ang bahay sa loob ng pitong araw.

39 Muling babalik ang pari sa ikapitong araw at gagawa ng pagsusuri, at kung kumalat na ang salot sa mga dingding ng bahay,

40 ay ipag-uutos nga ng pari na alisin ang mga batong kinaroroonan ng salot at itapon ang mga iyon sa isang dakong marumi sa labas ng bayan.

41 Kanyang ipakakayod ang palibot ng loob ng bahay, at kanilang ibubuhos ang duming kinayod sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi;

42 at sila'y kukuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong iyon, at kukuha ng ibang pampalitada para sa bahay.

43 “Kung muling bumalik ang salot, at lumitaw sa bahay pagkatapos na maalis ang mga bato at pagkatapos ipakayod ang bahay, at pagkatapos na mapalitadahan,

44 ay papasok ang pari at magsisiyasat. Kung ang salot ay kumalat na sa bahay, ito ay ketong na nakakasira sa bahay; ito'y marumi.

45 Gigibain niya ang bahay, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng palitada ng bahay, at kanyang dadalhin sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi.

46 Ang pumasok sa bahay sa lahat ng mga araw na ito'y ipinasara ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.

47 At ang mahiga sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit; at ang kumain sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit.

48 “Subalit kapag pumasok ang pari at maingat na tiningnan ito at ang salot ay hindi na kumalat sa bahay pagkatapos na mapalitadahan, ipahahayag ng pari na malinis ang bahay, sapagkat ang sakit ay napagaling na.

49 Kukuha siya ng dalawang ibon para sa paglilinis ng bahay, ng kahoy na sedro, ng pulang sinulid, at ng isopo,

50 at papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos,

51 at kukunin niya ang kahoy na sedro, at ang isopo, at ang pulang sinulid, at ang ibong buháy, at ilulubog ang mga ito sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at iwiwisik ng pitong ulit sa bahay.

52 Gayon niya lilinisin ang bahay sa pamamagitan ng dugo ng ibon, ng agos ng tubig, ng ibong buháy, ng kahoy na sedro, ng isopo, at ng pulang sinulid;

53 at kanyang pakakawalan ang ibong buháy sa labas ng bayan, sa kaparangan, at matutubos ang bahay; at ito ay magiging malinis.”

54 Ito ang batas para sa bawat sari-saring sakit na ketong, sa pangangati;

55 sa ketong ng kasuotan at ng bahay,

56 at sa pamamaga, sa singaw, at sa batik na makintab;

57 upang ipakita kung kailan marumi, at kung kailan malinis. Ito ang batas tungkol sa ketong.

Marcos 6:30-56

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)

30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.

31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.

32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.

34 Pagbaba(B) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.

35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.

36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”

37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”

38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”

39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.

40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.

41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.

42 Kumain silang lahat at nabusog.

43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.

44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)

45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.

46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.

48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[a] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,

49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;

50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”

51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,

52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(D)

53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.

54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.

55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.

56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[b] ay pawang gumaling.

Mga Awit 40:1-10

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

40 Matiyaga akong naghintay sa Panginoon;
    kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing.
Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak,
    mula sa putikang lusak,
at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato,
    at pinatatag ang aking mga hakbang.
Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig,
    isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos.
Marami ang makakakita at matatakot,
    at magtitiwala sa Panginoon.

Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang Panginoon,
na hindi bumabaling sa mga mapagmataas,
    pati sa mga naligaw sa kamalian.
Pinarami mo, O Panginoon kong Diyos,
    ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin;
    walang maaaring sa iyo'y ihambing!
Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay,
    ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang.

Hain(A) at handog ay hindi mo ibig,
    ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig.
Handog na sinusunog at handog pangkasalanan
    ay hindi mo kinailangan.
Nang magkagayo'y sinabi ko: “Narito, ako'y dumarating;
    sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin;
kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko;
    ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso.”

Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan
    sa dakilang kapulungan;
narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan,
    O Panginoon, iyong nalalaman.
10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso;
ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo;
hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan
    sa dakilang kapulungan.

Mga Kawikaan 10:11-12

11 Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay,
    ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan.
12 Ang(A) pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan,
    ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001