Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 7:28-9:6

28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.

30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.

32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.

33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.

34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.

35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;

36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”

37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,

38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.

Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa Kanyang mga Anak(A)

Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

“Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa,

at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.”

At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan.

Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin.”

At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig.

At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya.

Ipinatong ni Moises[a] sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral.

At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga.

11 Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon.

12 Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya.

13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

14 Kanyang inilapit ang torong handog pangkasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog pangkasalanan,

15 at pinatay ito. Kinuha ni Moises ang kaunting dugo at ipinahid ito ng kanyang daliri sa ibabaw ng mga sungay sa palibot ng dambana, at nilinis ang dambana. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng dambana sa gayo'y itinalaga niya ito upang makagawa ng pagtubos.

16 Kinuha ni Moises ang lahat ng taba na nasa mga lamang-loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga iyon, at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng dambana.

17 Subalit ang toro, at ang balat nito, ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa labas ng kampo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

18 Pagkatapos ay inilapit niya ang tupang lalaki na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa,

19 at iyon ay pinatay. Iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

20 Kinatay ang tupa at ito ay sinunog ni Moises kasama ang ulo, ang mga bahagi, at ang taba.

21 Pagkatapos hugasan sa tubig ang lamang-loob at ang mga paa, ito ay sinunog ni Moises kasama ang buong tupa sa ibabaw ng dambana. Ito ay handog na sinusunog na mabangong samyo, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 At inilapit niya ang ikalawang tupa, ang tupa ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.

23 Iyon ay pinatay ni Moises at kumuha siya ng kaunting dugo at nilagyan ang dulo ng kanang tainga ni Aaron, ang hinlalaki ng kanyang kanang kamay at ng kanang paa.

24 Pinalapit naman ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugo ang dulo ng kanilang kanang tainga, ang hinlalaki ng kanilang kanang kamay at ng kanang paa; at iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.

25 Pagkatapos ay kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba ng mga iyon, at ang kanang hita.

26 Mula sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na inilagay sa harapan ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang tinapay na walang pampaalsa, at ng isang tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at inilagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita.

27 Lahat ng mga ito ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at sa kamay ng kanyang mga anak, at iwinawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

28 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang mga iyon sa kanilang mga kamay, at sinunog sa ibabaw ng dambana kasama ng handog na sinusunog bilang handog sa pagtatalaga na mabangong samyo. Ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

29 Kinuha ni Moises ang dibdib at iwinagayway ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ang bahagi ni Moises sa tupa ng pagtatalaga, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 At kumuha si Moises ng langis na pambuhos, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iwinisik kay Aaron at sa kanyang mga suot, gayundin sa kanyang mga anak at sa mga suot ng kanyang mga anak. Itinalaga niya si Aaron at ang kanyang mga suot, ang kanyang mga anak, gayundin ang mga suot ng kanyang mga anak.

31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng toldang tipanan at doon ninyo kainin kasama ng tinapay ng pagtatalaga na nasa bakol, gaya ng iniutos ko, ‘Si Aaron at ang kanyang mga anak ay kakain nito.’

32 Ang nalabi sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.

33 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan sa loob ng pitong araw, hanggang sa maganap ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Kailangan ang pitong araw upang maitalaga kayo;

34 gaya ng ginawa niya sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang ipantubos sa inyo.

35 Mananatili kayo sa pintuan ng toldang tipanan gabi't araw sa loob ng pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay; sapagkat gayon ang iniutos sa akin.”

36 Ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Si Aaron ay Nag-alay ng mga Handog

Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak, at ang matatanda sa Israel.

Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro bilang handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog na kapwa walang kapintasan at ihandog mo sa harapan ng Panginoon.

At sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang batang baka, at isang kordero na kapwa na may gulang na isang taon at walang kapintasan, bilang handog na sinusunog,

ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki na mga handog pangkapayapaan, upang ialay sa harapan ng Panginoon, at ng isang butil na handog na hinaluan ng langis, sapagkat magpapakita sa inyo ngayon ang Panginoon.’”

Kanilang dinala sa harapan ng toldang tipanan ang iniutos ni Moises, at ang buong kapulungan ay lumapit at tumayo sa harap ng Panginoon.

At sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang magpakita sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.”

Marcos 3:31-4:25

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(A)

31 Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag.

32 Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka.”

33 Sumagot siya sa kanila, “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?”

34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!

35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Talinghaga ng Manghahasik(B)

Siya'y(C) muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan.

Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila,

“Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik.

At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito.

Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa.

Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo.

Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga.

Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan.”

At sinabi niya, “Ang may taingang pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(D)

10 Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga.

11 At sinabi niya sa kanila, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga;

12 upang(E) kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad.”

13 At sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga?

14 Ang manghahasik ay naghahasik ng salita.

15 Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila.

16 Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak;

17 at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod.[a]

18 Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita,

19 ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga.

20 Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(F)

21 At(G) sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan?

22 Sapagkat(H) walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag.

23 Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.”

24 At(I) sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay.

25 Sapagkat(J) ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Mga Awit 37:12-29

12 Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid,
    at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit;
13 ngunit pinagtatawanan ng Panginoon ang masama,
    sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya.

14 Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma,
    upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin,
    upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin;
15 ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila,
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao,
    kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo.
17 Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali;
    ngunit inaalalayan ng Panginoon ang matuwid.

18 Nalalaman ng Panginoon ang mga araw ng mga walang kapintasan,
    at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman.
19 Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan;
    sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan.

20 Ngunit ang masama ay mamamatay,
    ang mga kaaway ng Panginoon ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan,
    sila'y nawawala—gaya ng usok sila'y napaparam.

21 Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad,
    ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay;
22 sapagkat ang mga pinagpala ng Panginoon ay magmamana ng lupain;
    ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin.

23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
    at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
    sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.

25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
    gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
    ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
    at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
    upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
    hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.

Sila'y iingatan magpakailanman,
    ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
    at maninirahan doon magpakailanman.

Mga Kawikaan 10:5

Isang pantas na anak siyang nagtitipon sa tag-araw,
    ngunit siyang natutulog sa tag-ani ay nagdadala ng kahihiyan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001