Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 19:1-20:21

Mga Batas tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita(A) ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.

Ang(B) bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Huwag(C) kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang Panginoon ninyong Diyos.

“At kapag kayo'y naghahandog sa Panginoon ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin.

Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin,

at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng Panginoon; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan.

“Kapag(D) inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan.

10 Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang Panginoon ninyong Diyos.

11 “Huwag(E) kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa.

12 At(F) huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang Panginoon.

13 “Huwag(G) mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.

14 Huwag(H) mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.

15 “Huwag(I) kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.

16 Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang Panginoon.

17 “Huwag(J) mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.

18 Huwag(K) kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang Panginoon.

19 “Tutuparin(L) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uri ng hibla.

20 “Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya.

21 Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala.

22 At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng Panginoon, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa.

23 “Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal;[a] tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin.

24 Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa Panginoon.

25 At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

26 “Huwag(M) kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.

27 Huwag(N) ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.

28 Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang Panginoon.

29 “Huwag(O) mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.

30 Ipapangilin(P) ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon.

31 “Huwag(Q) kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

32 “Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.

33 “Kapag(R) ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.

34 Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

35 “Huwag(S) kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.

36 Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa[b] at wastong hin.[c] Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.

37 Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon.”

Mga Parusa sa Pagsuway

20 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga dayuhan na naninirahan sa Israel, na nagbibigay ng kanyang anak kay Molec ay tiyak na papatayin; siya'y babatuhin ng mga tao ng lupain hanggang sa mamatay.

Ako mismo ay haharap laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, sapagkat ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, kaya't nadungisan ang aking santuwaryo, at nilapastangan ang aking banal na pangalan.

At kapag ipinikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa taong iyon, habang ibinibigay niya ang kanyang anak kay Molec, at hindi siya pinatay,

ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon at sa kanyang sambahayan. Ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, siya at lahat ng sumusunod sa kanya sa pagpapakasama kay Molec.

“Ang taong nakikipag-ugnay sa masasamang espiritu at sa mga mangkukulam, na nagpapakasamang kasama nila, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan.

Italaga ninyo ang inyong mga sarili at kayo'y maging banal; sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin, at isasagawa ang mga iyon, ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.

Sinumang(T) lumalait sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin; kanyang nilait ang kanyang ama o ang kanyang ina, ang kanyang dugo ay nasa kanya.

Batas Laban sa Kasagwaan

10 “Kapag(U) ang isang lalaki ay mangalunya sa asawa ng kanyang kapwa, ang lalaking nangalunya at ang babaing nangalunya ay parehong papatayin.

11 Ang(V) lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay naglitaw ng kahubaran ng kanyang ama, sila'y tiyak na kapwa papatayin; ang kanilang dugo ay nasa kanila.

12 At(W) kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang manugang na babae, sila ay kapwa papatayin; sila'y gumawa ng kahalayan, ang kanilang dugo ay nasa kanila.

13 Kapag(X) ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, na gaya ng pagsiping sa babae, sila ay kapwa nakagawa ng bagay na karumaldumal, tiyak na sila'y papatayin, ang kanilang dugo ay nasa kanila.

14 Kung(Y) ang isang lalaki ay mag-asawa sa isang babae at sa kanyang ina, ito ay kasamaan. Kanilang susunugin siya at sila upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyong kalagitnaan.

15 Kapag(Z) ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, siya ay tiyak na papatayin, at papatayin din ninyo ang hayop.

16 Kung ang isang babae ay lumapit sa alinmang hayop at nakipagtalik dito, papatayin mo ang babae at ang hayop; sila'y tiyak na papatayin at ang kanilang dugo ay nasa kanila.

17 “Kung(AA) kunin ng isang lalaki ang kanyang kapatid na babae, na anak ng kanyang ama o anak ng kanyang ina, at kanyang makita ang kanyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya, ito ay isang bagay na kahiyahiya. Sila'y ititiwalag sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan, sapagkat inilitaw niya ang kahubaran ng kanyang kapatid na babae; kanyang pananagutan ang kasamaan niya.

18 Kung(AB) ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaing may regla, at ilitaw ang kahubaran niya; kanyang hinubaran ang kanyang daloy at kanyang pinalitaw ang daloy ng kanyang dugo; at sila'y kapwa ititiwalag sa kalagitnaan ng kanilang bayan.

19 At(AC) huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama, sapagkat hinubaran niya ang kanyang malapit na kamag-anak; sila ay kapwa mananagot ng kanilang kasamaan.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang amain, kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang amain. Pananagutan nila ang kanilang kasalanan at mamamatay silang walang anak.

21 Kung(AD) ang isang lalaki ay makisama sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay karumihan; kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang kapatid na lalaki kaya't mabubuhay silang walang anak.

Marcos 8:11-38

11 Dumating(A) ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya.

12 At(B) nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, “Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito.”

13 Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo.

Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(C)

14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.

15 Kanyang(D) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”

16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”

17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?

18 Mayroon(E) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?

19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”

20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”

21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”

Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking Bulag

22 Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya.

23 Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, “May nakikita ka bang anuman?”

24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad.”

25 Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag.

26 At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, “Huwag kang pumasok kahit sa nayon.”

Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(F)

27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?”

28 At(G) sinabi nila sa kanya, “Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta.”

29 At(H) tinanong niya sila, “Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?” Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Ikaw ang Cristo.”[b]

30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(I)

31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.

32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.

33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[c] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”

34 Tinawag(J) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

35 Sapagkat(K) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.

36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?

37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?

38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”

Mga Awit 42

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Mga Kawikaan 10:17

17 Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng pangaral,
    ngunit siyang tumatanggi sa saway ay naliligaw.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001