The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
10 “Ang bawat taong may kakayahan sa inyo ay pumarito, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon:
11 ang tabernakulo, ang tolda at ang takip niyon, ang mga kawit at ang mga tabla niyon, ang mga biga, ang mga haligi at ang mga patungan niyon;
12 ang kaban kasama ang mga pasanan niyon, ang luklukan ng awa, at ang tabing;
13 ang hapag kasama ang mga pasanan niyon, at ang lahat ng kasangkapan niyon at ang tinapay na handog;
14 ang ilawan din para sa ilaw, kasama ang mga kasangkapan at ang mga ilawan niyon, at ang langis para sa ilaw;
15 at ang dambana ng insenso, kasama ang mga pasanan niyon, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan na nasa pasukan ng tabernakulo;
16 ang dambana ng handog na sinusunog, at ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan niyon, lahat ng mga kasangkapan niyon, ang hugasan at ang patungan niyon.
17 Ang mga tabing sa bulwagan, ang mga haligi at ang mga patungan ng mga iyon, at ang tabing sa pasukan ng bulwagan;
18 ang mga tulos ng tabernakulo, ang mga tulos ng bulwagan, at ang mga lubid ng mga iyon;
19 ang mga kasuotang ginawang mainam para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari.”
20 Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.
21 At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa Panginoon upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan.
22 Kaya't sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa Panginoon.
23 At bawat taong may telang asul, o kulay-ube, o pula, o pinong lino, o balahibo ng mga kambing, o balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, o mga balat ng kambing ay nagdala ng mga iyon.
24 Ang lahat na nakapaghandog ng handog na pilak at tanso ay nagdala ng handog sa Panginoon at lahat ng taong may kahoy na akasya na magagamit sa anumang gawain ay nagdala nito.
25 Lahat ng mga babaing may kakayahan ay naghabi sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi na telang asul, kulay-ube at pula, at hinabing pinong lino.
26 Lahat ng mga babae na ang mga puso ay pinakilos na may kakayahan ay naghabi ng balahibo ng kambing.
27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, mga batong pang-enggaste para sa efod at sa pektoral,
28 ng mga pabango at langis para sa ilawan at para sa langis na pambuhos, at para sa mabangong insenso.
29 Lahat ng lalaki at babae ng mga anak ni Israel na ang puso'y nagpakilos sa kanila na magdala ng anuman para sa gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin ay nagdala ng mga iyon bilang kusang-loob na handog sa Panginoon.
Ang Manggagawa ay Tinawag(A)
30 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, “Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
31 Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain;
32 upang gumawa ng magagandang dibuho, gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
33 sa pagputol ng mga batong pang-enggaste, at sa pag-ukit sa kahoy, upang gumawa sa lahat ng mahuhusay na gawa.
34 At kanyang kinasihan siya upang makapagturo, siya at gayundin si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.
35 Sila'y kanyang pinuspos ng kakayahan upang gumawa ng lahat ng sari-saring gawa ng tagaukit o ng tagakatha o mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at sa hinabing pinong lino, o ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anumang gawain, at ng mga kumakatha ng magagandang disenyo.
36 Sina Bezaleel at Aholiab at lahat ng mahuhusay na lalaki na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan at katalinuhan na malaman kung paanong gumawa ng lahat ng gawain sa pagtatayo ng santuwaryo ay gagawa ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon.”
Ang mga Handog ay Tinanggap
2 Tinawag ni Moises sina Bezaleel at Aholiab, at lahat ng marurunong na pinagkalooban ng Panginoon ng kakayahan, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon upang gawin ang gawain;
3 at kanilang tinanggap mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuwaryo upang gawin. Kanilang patuloy silang dinalhan ng kusang handog tuwing umaga,
4 kaya't dumating ang lahat ng mga taong may kakayahan na gumagawa ng lahat na gawain sa santuwaryo, na bawat isa'y mula sa kanyang gawain na kanyang ginagawa,
5 at kanilang sinabi kay Moises, “Ang bayan ay nagdadala nang higit kaysa kailangan sa gawaing iniutos ng Panginoon na ating gawin.”
6 Kaya't si Moises ay nagbigay ng utos at ipinahayag nila sa buong kampo na sinasabi, “Huwag nang gumawa ang lalaki o babae man ng anumang higit pa para sa handog sa santuwaryo.” Kaya't pinigilan ang taong-bayan sa pagdadala;
7 sapagkat ang nadala nila ay sapat na sa paggawa ng lahat ng gagawin, at higit pa.
Ang Paggawa ng Tabing(B)
8 Lahat ng mga bihasang lalaki sa mga manggagawa ay gumawa ng tabernakulo na may sampung tabing; gawa ang mga ito sa hinabing pinong lino, asul, kulay-ube, at pulang tela na may mga kerubin na ginawa ng bihasang manggagawa.
9 Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat.
10 Pinagkabit-kabit niya ang limang tabing at ang iba pang limang tabing ay pinagkabit-kabit niya.
11 Siya'y gumawa ng mga silong asul sa gilid ng tabing, sa gilid ng pinakadulong tabing ng unang pangkat, gayundin ang ginawa niya sa mga gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pangkat.
12 Limampung silo ang ginawa niya sa isang tabing, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat: ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa.
13 Siya'y gumawa ng limampung kawit na ginto, at pinagdugtong ang mga tabing sa isa't isa sa pamamagitan ng mga kawit; sa gayo'y naging isa ang tabernakulo.
14 Gumawa rin siya ng mga tabing na balahibo ng mga kambing para sa tolda na nasa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang ginawa niya.
15 Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at apat na siko ang luwang ng bawat tabing; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ng sukat.
16 Kanyang pinagdugtong ang limang tabing at ang anim na tabing ay bukod.
17 Siya'y gumawa ng limampung silo sa gilid ng unang tabing, na nasa dulo ng pagkakadugtong, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakadugtong.
18 Siya'y gumawa ng limampung kawit na tanso upang pagdugtung-dugtungin ang tolda, upang ang mga iyon ay maging isa.
19 Siya'y gumawa ng isang pantakip sa tolda na balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ng isang takip na balat ng kambing sa ibabaw.
Ang Paggawa ng Tabla at Biga; ng Lambong; at ng Kaban
20 Siya'y gumawa ng mga patayong haliging yari sa kahoy na akasya para sa tabernakulo.
21 Sampung siko ang haba ng isang haligi, at isang siko't kalahati ang luwang ng bawat haligi.
22 Bawat haligi ay mayroong dalawang mitsa na nagdudugtong sa isa't isa; gayon ang ginawa niya sa lahat ng haligi ng tabernakulo.
23 At kanyang iginawa ng mga haligi ang tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog;
24 at siya'y gumawa ng apatnapung patungang pilak sa ilalim ng dalawampung haligi: dalawang patungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa; at dalawang tuntungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa.
25 Sa ikalawang panig ng tabernakulo sa dakong hilaga ay gumawa siya ng dalawampung haligi.
26 At ng kanilang apatnapung patungang pilak; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi.
27 At sa dakong hulihan, sa gawing kanluran ng tabernakulo ay gumawa siya ng anim na haligi.
28 Dalawang haligi ang ginawa niya para sa mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan.
29 At ang mga iyon ay magkahiwalay sa ilalim ngunit magkakabit at nauugnay na mainam sa itaas, sa unang argolya. Gayon ang ginawa niya sa dalawa para sa dalawang sulok.
30 Mayroong walong tabla at ang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; sa ilalim ng bawat tabla ay may dalawang patungan.
31 At siya'y gumawa ng mga bigang kahoy na akasya; lima sa mga tabla ng isang panig ng tabernakulo,
32 at limang biga sa mga tabla ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga tabla ng tabernakulo sa dakong hulihan pakanluran.
33 Kanyang pinaraan ang gitnang biga sa gitna ng mga tabla, mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
34 Kanyang binalot ang mga tabla ng ginto, at gumawa ng mga gintong argolya na mga daraanan ng mga biga, at binalot ang mga biga ng ginto.
35 Kanyang ginawa ang lambong na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na may mga kerubin na gawa ng bihasang manggagawa.
36 At kanyang iginawa iyon ng apat na haliging akasya, at binalot ang mga ito ng ginto, ang kanilang mga kawit ay ginto rin at naghulma siya para sa mga ito ng apat na patungang pilak.
37 Kanya ring iginawa ng tabing ang pintuan ng tolda ng telang asul, kulay-ube at pula, hinabing pinong lino, na ginawa ng mambuburda;
38 at iginawa niya ng limang haligi kasama ang kanilang mga kawit. Kanyang binalot ang mga kapitel at ang kanilang mga pilete ng ginto; at ang kanilang limang patungan ay tanso.
Ipinako si Jesus sa Krus(A)
32 Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus.[a]
33 At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota, (na ang kahulugan ay, “Ang Dako ng Bungo”),
34 kanilang binigyan(B) siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin.
35 At(C) nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan.
36 Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon.
37 At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, “ITO SI JESUS ANG HARI NG MGA JUDIO.”
38 At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 Siya'y(D) inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling,
40 na(E) nagsasabi, “Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!”
41 Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi,
42 “Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya.
43 Nagtiwala(F) siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako'y Anak ng Diyos.’”
44 Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya.
Namatay si Jesus(G)
45 Mula nang oras na ikaanim[b] ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam.[c]
46 At(H) nang malapit na ang oras na ikasiyam[d] ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang kahulugan ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
47 At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.”
48 Tumakbo(I) kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka,[e] inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin.
49 Ngunit sinabi ng iba, “Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya.”
50 At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga.
51 At(J) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.
52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[f] ay bumangon,
53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.
54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[g]
55 At(K) marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya.
56 Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.
Inilibing si Jesus(L)
57 Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus.
58 Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon.
59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino,
60 at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis.
61 Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan.
Binantayan ang Libingan
62 Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato,
63 na(M) nagsasabi, “Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, ‘Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.’
64 Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, ‘Siya'y bumangon mula sa mga patay,’ at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.”
65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay,[h] humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo.”
66 Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
7 Siyang sumasaway sa manlilibak ay nakakakuha ng kahihiyan,
at siyang sumasaway sa masama ay siya ring nasasaktan.
8 Huwag mong sawayin ang manlilibak, baka kamuhian ka niya;
sawayin mo ang marunong, at kanyang iibigin ka.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001