The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
14 “Ang(A) araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman.
Ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa
15 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel.
16 Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo.
17 Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman.
18 Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw.
19 Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain.
20 Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa.”
21 Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, “Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyong sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa.
22 Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan.
23 Sapagkat(B) ang Panginoon ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng Panginoon ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo.
24 Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman.
25 Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito.
26 Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, ‘Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?’
27 Inyong sasabihin, ‘Ito ang paghahandog ng paskuwa ng Panginoon, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.’” At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba.
28 Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila.
Nilipol ang Lahat ng mga Panganay sa Ehipto
29 Pagsapit(C) ng hatinggabi, pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop.
30 Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay.
31 Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, “Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang Panginoon, gaya ng inyong sinabi.
32 Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!”
33 Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, “Kaming lahat ay mamamatay.”
34 Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pang-masa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat.
35 Ginawa(D) ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit.
36 Binigyan ng Panginoon ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio.
Ang Pag-alis sa Ehipto
37 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata.
38 Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila.
39 Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili.
40 Ang(E) panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon.
41 Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng Panginoon ay umalis sa lupain ng Ehipto.
42 Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng Panginoon upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng Panginoon na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.
43 Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon.
44 Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya.
45 Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon.
46 Sa(F) loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon.
47 Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel.
48 Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng Panginoon, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon.
49 May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila.
51 Nang araw ding iyon, kinuha ng Panginoon ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo.
13 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
2 “Italaga(G) mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin.”
Ang Tuntunin ng Paskuwa ng Tinapay na Walang Pampaalsa
3 Sinabi ni Moises sa bayan, “Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng Panginoon mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa.
4 Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo.
5 Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito.
6 Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa Panginoon.
7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan.
8 Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil sa ginawa ng Panginoon sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.’
9 Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng Panginoon ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng Panginoon sa Ehipto.
10 Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon.
Ang Pagtatalaga ng Panganay
11 “Kapag dinala ka na ng Panginoon sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo,
12 ibubukod(H) mo para sa Panginoon ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa Panginoon.
13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;[a] at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin.
14 At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, ‘Ano ito?’ iyong sasabihin sa kanya, ‘Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
15 Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng Panginoon ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa Panginoon ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.’
16 Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng Panginoon sa Ehipto.”
Pinagaling ang Dalawang Bulag(A)
29 Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao.
30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, “Mahabag[a] ka sa amin, Anak ni David!”
31 Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, “Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!”
32 Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, “Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?”
33 Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin.”
34 Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(B)
21 Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,
2 na sinasabi sa kanila, “Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.
3 Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala sila.”
4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 “Sabihin(C) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa isang batang asno na anak ng babaing asno.”
6 Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.
7 Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.
8 Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.
9 At(D) ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”
10 Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, “Sino ba ito?”
11 At sinabi ng maraming tao, “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.
Nilinis ni Jesus ang Templo(E)
12 Pumasok si Jesus sa templo,[b] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13 Sinabi(F) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
14 Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.
15 Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.
16 Kaya't(G) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”
Sinumpa ang Puno ng Igos(H)
17 Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
18 Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.
19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!” At natuyo kaagad ang puno ng igos.
20 Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, “Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?”
21 Sumagot(I) si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Maalis ka at mapatapon sa dagat,’ ito ay mangyayari.
22 At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin.”
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
12 Ang taong walang kabuluhan, ang taong masama,
ay gumagala na may masamang bunganga.
13 Kumikindat ang kanyang mga mata, pinagsasalita ang kanyang mga paa,
na itinuturo ang daliri niya,
14 kumakatha ng masama sa kanyang likong puso,
patuloy na naghahasik ng pagtatalo.
15 Kaya't biglang darating sa kanya ang kapahamakan,
sa isang iglap ay madudurog siya, at walang kagamutan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001