Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Genesis 23:1-24:51

Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Paglilibingan

23 Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.

At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya.

Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het,

“Ako'y(A) taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin.”

Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham,

“Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay.”

At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het.

Ang Pagbili ng Parang sa Macpela

At sinabi niya sa kanila, “Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar,

upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan.”

10 Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan,

11 “Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay.”

12 Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain.

13 At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, “Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.”

14 Sumagot si Efron kay Abraham,

15 “Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay.”

16 At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal.

17 Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito,

18 ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng kanyang bayan.

19 Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.

20 Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het.

Asawa para kay Isaac

24 Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng Panginoon si Abraham sa lahat ng mga bagay.

At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, “Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita,[a]

at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng Panginoon, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan,

kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac.”

Sinabi sa kanya ng alipin, “Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?”

Sinabi naman sa kanya ni Abraham, “Huwag mong ibabalik doon ang aking anak.

Ang Panginoon, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, ‘Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;’ magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak.

Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon.”

Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito.

10 Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor.

11 Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig.

12 At kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham.

13 Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig.

14 At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, ‘Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;’ at kanyang sasabihin, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;’ ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon.”

15 Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat.

16 Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon.

17 Tumakbo ang alipin upang salubungin siya at sinabi, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga.”

18 At sinabi niya, “Uminom ka, panginoon ko.” Nagmadali niyang ibinaba ang banga sa kanyang kamay, at pinainom siya.

19 Pagkatapos na siya'y kanyang mapainom, siya ay nagsabi, “Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang silang lahat ay makainom na.”

20 Kaagad na ibinuhos ang kanyang banga sa inuman at tumakbong muli sa balon upang umigib at siya'y umigib para sa lahat niyang kamelyo.

21 Ang lalaki ay nanatiling tahimik na tinitingnan siya upang malaman kung pinagpala ng Panginoon ang kanyang paglalakbay o hindi.

22 Nang makainom ang mga kamelyo, kumuha ang lalaki ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo ang timbang, at dalawang pulseras para sa kanyang mga kamay, na may timbang na sampung siklong ginto.

23 Kanyang itinanong, “Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, may lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?”

24 At sinabi niya sa kanya, “Anak ako ni Betuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor.”

25 Sinabi rin niya sa kanya, “Sagana kami sa dayami at pagkain sa hayop, at mayroon ding lugar na matutuluyan.”

26 At lumuhod ang lalaki at sumamba sa Panginoon.

27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kanyang habag at ang kanyang katapatan sa aking panginoon. Nang ako ay nasa daan, pinatnubayan ako ng Panginoon hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon.”

28 Tumakbo ang dalaga at isinalaysay ang mga bagay na ito sa sambahayan ng kanyang ina.

29 Si Rebecca ay may isang kapatid na ang pangalan ay Laban. Tumakbong papalabas si Laban patungo sa lalaki na nasa bukal.

30 Nang makita niya ang singsing at mga pulseras sa mga kamay ng kanyang kapatid, at pagkarinig sa mga salita ni Rebecca na kanyang kapatid, na sinasabi, “Gayon ang sinabi sa akin ng lalaki;” ay lumapit siya sa lalaki at nakitang ito'y nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa bukal.

31 At sinabi niya, “Pumasok ka, pinagpala ng Panginoon. Bakit ka nakatayo sa labas? Naihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo.”

32 Pumasok ang lalaki sa bahay at kinalagan ang mga kamelyo. Binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kanyang mga paa at mga paa ng mga taong kasama niya.

33 At siya'y hinainan nila ng pagkain, ngunit sinabi niya, “Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya.” At sinabi ni Laban, “Magsalita ka.”

34 At kanyang sinabi, “Ako ay alipin ni Abraham.

35 Pinagpalang mabuti ng Panginoon ang aking panginoon at siya'y naging dakila. Siya'y binigyan ng kawan at bakahan, pilak at ginto, mga aliping lalaki at babae, mga kamelyo at mga asno.

36 At si Sara na asawa ng aking panginoon ay nagkaanak ng lalaki sa aking panginoon nang siya'y matanda na, at kanyang ibinigay sa kanya ang lahat niyang pag-aari.

37 Pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, ‘Huwag mong ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinitirhan;

38 kundi pumunta ka sa bahay ng aking ama at sa aking mga kamag-anak at ikuha mo roon ng asawa ang aking anak.’

39 Kaya't sinabi ko sa aking panginoon, ‘Baka hindi sumama sa akin ang babae!’

40 At sinabi niya sa akin, ‘Ang Panginoon, na lagi kong sinusunod[b] ay magsusugo ng kanyang anghel upang makasama mo, at kanyang pagpapalain ang iyong lakad, at ikukuha mo ng asawa ang aking anak mula sa aking mga kamag-anak at sa angkan ng aking ama.

41 Makakalaya ka sa aking sumpa, kapag ikaw ay dumating sa aking mga kamag-anak; kahit hindi nila ibigay sa iyo ang babae ay makakalaya ka sa aking sumpa.’

42 “Dumating ako nang araw na ito sa bukal at aking sinabi, ‘O Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, kung kalooban mo, idinadalangin ko na iyong pagpalain ang daan na malapit ko nang tahakin.

43 Nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig at kapag ang dalaga ay dumating upang umigib at sinabi ko sa kanya, “Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga;”

44 at sinabi niya sa akin, “Uminom ka, at iiigib ko rin ang iyong mga kamelyo,” ay siyang maging babaing pinili ng Panginoon sa anak ng aking panginoon.’

45 “Bago ako nakatapos sa pagsasalita sa aking puso, nakita ko si Rebecca na lumalabas na pasan ang kanyang banga sa kanyang balikat. Siya ay lumusong sa bukal at umigib at aking sinabi sa kanya, ‘Makikiinom ako sa iyo.’

46 Dali-dali niyang ibinaba ang kanyang banga sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo,’ sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ang mga kamelyo.

47 At siya'y aking tinanong, ‘Kanino kang anak?’ At kanyang sinabi, ‘Anak ako ni Betuel, na anak ni Nahor, na ipinanganak sa kanya ni Milca.’ At inilagay ko ang singsing sa kanyang ilong, at ang mga pulseras sa kanyang mga kamay.

48 At aking iniyuko ang aking ulo at sumamba ako sa Panginoon at pinuri ang Panginoon, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa tunay na daan upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kanyang anak.

49 Ngayon, kung kayo ay gagawa ng kagandahang-loob at katapatan sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin, at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin upang malaman ko kung ako ay liliko sa kanan o sa kaliwa.”

50 Nang magkagayo'y sumagot sina Laban at Betuel at sinabi, “Sa Panginoon ito nagmumula. Kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti.

51 Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at humayo ka. Siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinabi ng Panginoon.”

Mateo 8:1-17

Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(A)

Nang bumaba si Jesus[a] mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao;

at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, “Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako.”

Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, “Ibig ko. Maging malinis ka.” At nalinis kaagad ang kanyang ketong.

At(B) sinabi ni Jesus sa kanya, “Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila.”

Pinagaling ang Alipin ng Senturion(C)

Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya,

at nagsasabi, “Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan.”

Sinabi niya sa kanya, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.”

Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay,[b] ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin.

Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, ‘Humayo ka,’ at siya ay humahayo; at sa iba naman, ‘Halika,’ at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa nga niya.”

10 Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya.

11 Sinasabi(D) ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit,

12 ngunit(E) ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.”

13 Sinabi ni Jesus sa senturion, “Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya.” At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon.

Maraming Pinagaling si Jesus(F)

14 Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat.

15 Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus.

16 Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit.

17 Ito(G) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman.”

Mga Awit 9:13-20

13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
    mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
    Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
    upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
    ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.

15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
    sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
    ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)

17 Babalik sa Sheol ang masama
    ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
    at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
    hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
    Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)

Mga Kawikaan 3:1-6

Payo sa mga Kabataang Lalaki

Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan,
    kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan;
sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay,
    at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay.

Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan;
    itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg,
    isulat mo sa iyong puso.
Sa(A) gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan
    sa paningin ng Diyos at ng tao.
Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala,
    at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.
Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin,
    at itutuwid niya ang iyong mga landasin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001