The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
50 Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya.
2 Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel.
3 Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw.
4 Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon:
5 Pinanumpa(A) ako ng aking ama, na sinasabi, ‘Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.’ Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik.”
6 Sinabi ng Faraon, “Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo.”
7 Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno[a] sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto;
8 ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen.
9 Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat.
10 Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw.
11 Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, “Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio,” kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abel-mizraim,[b] ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan.
12 Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila.
13 Dinala(B) siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre.
14 Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama.
Ang Kabutihang Loob ni Jose sa Kanyang mga Kapatid
15 Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, “Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya.”
16 Kaya't ipinasabi nila kay Jose, “Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,
17 ‘Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.’ Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita sa kanya.
18 Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, “Narito, kami ay iyong mga alipin.”
19 Subalit sinabi ni Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos?
20 Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buháy ang napakaraming tao.
21 Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak.” Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila.
Ang Kamatayan ni Jose
22 Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon.
23 Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose.
24 At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob.”
25 Pagkatapos(C) ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, “Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito.”
26 Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto.
Pinahirapan ang mga Israelita sa Ehipto
1 Ito(D) ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto kasama si Jacob; bawat isa ay kasama ang kanya-kanyang sambahayan:
2 sina Ruben, Simeon, Levi, Juda,
3 Isacar, Zebulon, Benjamin,
4 Dan, Neftali, Gad, at Aser.
5 Lahat ng taong nagmula sa balakang ni Jacob ay pitumpung katao,[c] at si Jose ay nasa Ehipto na.
6 Namatay si Jose at ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang buong salinlahing iyon.
7 Ang(E) mga anak ni Israel ay lumago at nadagdagang mabuti; sila'y dumami at naging napakalakas kaya't ang lupain ay napuno nila.
8 At(F) may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose.
9 Sinabi niya sa kanyang bayan, “Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin.
10 Halikayo,(G) pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain.”
11 Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa. Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses.
12 Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasuklaman[d] nila ang mga anak ni Israel.
13 Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel;
14 at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod.
Ipinapatay ang mga Batang Lalaki
15 Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua.
16 Kanyang sinabi, “Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito.”
17 Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki.
18 Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?”
19 Sinabi ng mga hilot sa Faraon, “Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila.”
20 Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas.
21 Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan.
22 Pagkatapos,(H) iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, “Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay.”
Isinilang si Moises
2 May isang lalaki sa lipi ni Levi na humayo at nag-asawa ng isang anak na babae ni Levi.
2 Ang(I) babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Nang kanyang makita na ito ay maganda, kanyang itinago ito ng tatlong buwan.
3 Nang hindi na niya ito maitago pa, ikinuha niya ito ng isang basket na yari sa papiro, at pinahiran niya ng betun at alkitran. Kanyang isinilid ang bata roon at inilagay sa talahiban sa tabi ng ilog.
4 Tumayo sa malayo ang kanyang kapatid na babae upang malaman ang mangyayari sa bata.
5 Noon, ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog, at naglakad ang kanyang mga alalay na babae sa tabi ng ilog. Kanyang nakita ang basket sa talahiban at ipinakuha sa kanyang alalay.
6 Nang kanyang buksan ito, nakita niya ang bata; at narito, ang sanggol ay umiyak. At kanyang kinaawaan siya at sinabi, “Ito'y isa sa mga anak ng mga Hebreo.”
7 Nang magkagayo'y sinabi ng kanyang kapatid na babae sa anak ng Faraon, “Aalis ba ako upang itawag kita ng isang tagapag-alaga mula sa mga babaing Hebrea na mag-aalaga ng bata para sa iyo?”
8 Sinabi sa kanya ng anak ng Faraon, “Umalis ka.” Ang batang babae ay umalis at tinawag ang ina ng bata.
9 Sinabi ng anak ng Faraon sa kanya, “Dalhin mo ang batang ito at alagaan mo para sa akin at uupahan kita.” Kaya't kinuha ng babae ang bata at inalagaan ito.
10 Ang(J) bata ay lumaki at kanyang dinala ito sa anak ng Faraon, at ito'y naging kanyang anak. Kanyang pinangalanan siyang Moises,[e] dahil sinabi niya, “Sapagkat aking iniahon siya sa tubig.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”
14 At(B) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”
15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
16 Sumagot(C) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”
17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.
18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[a] at sa ibabaw ng batong[b] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.
19 Ibibigay(D) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”
20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.
Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(E)
21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.
22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”
23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”
24 Pagkatapos(F) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.
25 Sapagkat(G) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[c] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.
26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?
27 Sapagkat(H) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.
28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”
Nagbagong-anyo si Jesus(I)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok.
2 Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw.
3 At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya.
4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”
5 Samantalang(J) (K) nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya.”
6 Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot.
7 Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, “Bumangon kayo at huwag kayong matakot.”
8 Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus.
9 Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, “Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay.”
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
21 Ang hari ay nagagalak, O Panginoon, sa iyong kalakasan,
at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan!
2 Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob,
at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah)
3 Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala,
pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya.
4 Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay,
haba ng mga araw magpakailanman.
5 Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian,
ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan.
6 Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman;
iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan.
7 Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa Panginoon,
at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag.
8 Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway;
ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay.
9 Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon
kapag ikaw ay lumitaw.
Sasakmalin sila ng Panginoon sa kanyang kagalitan;
at sa apoy sila'y malulusaw.
10 Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo,
at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao.
11 Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan,
kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay.
12 Sapagkat iyong patatalikurin sila,
iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana.
13 Mataas ka, O Panginoon, sa iyong kalakasan!
Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan.
Babala Laban sa Pakikiapid
5 Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan;
2 upang mabuting pagpapasiya ay iyong maingatan,
at upang ang iyong mga labi ay makapagbantay ng kaalaman.
3 Sapagkat ang mga labi ng mapangalunyang babae sa pulot ay tumatagas,
at ang kanyang pananalita kaysa langis ay madulas;
4 ngunit mapait na gaya ng halamang lason sa bandang wakas,
tabak na may dalawang talim ang siyang kasintalas.
5 Ang kanyang mga paa sa kamatayan ay palusong;
ang kanyang mga hakbang ay nakahawak sa Sheol.
6 Hindi siya tumatahak sa landas ng buhay;
ang kanyang mga lakad ay di-panatag, at hindi niya ito nalalaman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001