Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 8-9

Nagkaroon ng Napakaraming Palaka

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka kay Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Pahintulutan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin.

Kung ayaw mo silang paalisin, aking sasalutin ng mga palaka ang iyong buong lupain.

Ang ilog ay mapupuno ng mga palaka na aahon at papasok sa iyong bahay, tulugan, higaan, sa bahay ng iyong mga lingkod, sa iyong bayan, mga hurno, at sa iyong mga masahan ng tinapay.

Aakyatin ka ng mga palaka at ang iyong bayan, at ang lahat ng iyong mga lingkod.’”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang iyong kamay na hawak ang iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bambang, sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Ehipto!’”

Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay sa tubig sa Ehipto at ang mga palaka ay nag-ahunan at tinakpan ang lupain ng Ehipto.

Ngunit ang mga salamangkero ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na karunungan at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Ehipto.

Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Pakiusapan ninyo ang Panginoon na alisin ang mga palaka sa akin at sa aking bayan, at aking papayagang umalis ang bayan upang sila'y makapaghandog sa Panginoon.”

Sinabi ni Moises kay Faraon, “Pakisabi mo sa akin kung kailan ako makikiusap para sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang ang mga palaka ay maalis mula sa iyo at sa inyong mga bahay, at manatili na lamang sa Nilo.”

10 Kanyang sinabi, “Bukas.” Sinabi ni Moises, “Mangyayari ayon sa iyong salita upang iyong malaman na walang tulad ng Panginoon naming Diyos.

11 Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mananatili na lamang sila sa Nilo.”

12 Kaya't sina Moises at Aaron ay umalis sa harapan ni Faraon; at si Moises ay nanawagan sa Panginoon tungkol sa mga palaka na kanyang dinala kay Faraon.

13 Ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises; at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga kabukiran.

14 Kanilang tinipon ang mga ito nang buntun-bunton at ang lupain ay bumaho.

15 Ngunit nang makita ni Faraon na nagkaroon ng sandaling ginhawa, pinagmatigas niya ang kanyang puso, at hindi niya dininig sila, gaya ng sinabi ng Panginoon.

Ang Salot ng Kuto at Langaw

16 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron; ‘Iunat mo ang iyong tungkod, at hampasin mo ang alabok ng lupa, upang ito ay maging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.’”

17 Gayon ang ginawa nila. Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay hawak ang kanyang tungkod, at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.

18 Ang mga salamangkero ay nagsikap sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman na magpalabas ng mga kuto, ngunit hindi nila nagawa. Kaya't nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop.

19 Nang(A) magkagayo'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ito ay daliri ng Diyos.” Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinakinggan sila, gaya nang sinabi ng Panginoon.

20 Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harapan ni Faraon habang siya ay patungo sa tubig, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Pahintulutan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

21 Sapagkat kung hindi mo papayagang umalis ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulu-pulutong na langaw sa iyo, sa iyong mga lingkod, sa iyong bayan, at sa loob ng inyong mga bahay. Ang mga bahay ng mga Ehipcio ay mapupuno ng pulu-pulutong na langaw, at gayundin ang lupang kinaroroonan nila.

22 Subalit aking ibubukod sa araw na iyon ang lupain ng Goshen na tinitirhan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulu-pulutong na langaw, upang iyong malaman na ako ang Panginoon sa lupaing ito.

23 Lalagyan ko ng pagkakaiba ang aking bayan at ang iyong bayan. Kinabukasan, mangyayari ang tandang ito.” ’ ”

24 Gayon ang ginawa ng Panginoon, at pumasok ang pulu-pulutong na langaw sa bahay ng Faraon, sa bahay ng kanyang mga lingkod; at sa buong lupain ng Ehipto ay nasira ang lupain dahil sa mga pulu-pulutong na langaw.

25 Pagkatapos, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Humayo kayo, maghandog kayo sa inyong Diyos sa loob ng lupain.”

26 Ngunit sinabi ni Moises, “Hindi tama na gayon ang aming gawin, sapagkat aming iaalay sa Panginoon naming Diyos ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio. Kung ihahandog ba namin ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio sa harap ng kanilang paningin, hindi ba nila kami babatuhin?

27 Kami ay hahayo sa tatlong araw na paglalakbay sa ilang at maghahandog sa Panginoon naming Diyos, ayon sa kanyang ipag-uutos sa amin.”

28 Kaya't sinabi ni Faraon, “Papayagan kong umalis kayo upang kayo'y makapaghandog sa Panginoon ninyong Diyos sa ilang. Huwag lamang kayong masyadong lalayo. Idalangin ninyo ako.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkaalis ko sa harapan mo ay aking hihilingin sa Panginoon na bukas ay umalis ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; ngunit huwag nang mandaya pang muli ang Faraon sa hindi pagpayag na humayo ang bayan upang maghandog sa Panginoon.”

30 Kaya't iniwan ni Moises ang Faraon at nanalangin sa Panginoon.

31 Ginawa ng Panginoon ang ayon sa salita ni Moises: inalis niya ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; walang natira kahit isa.

32 Ngunit pinatigas na muli ng Faraon ang kanyang puso at hindi pinayagang umalis ang taong-bayan.

Ang Pagkakapeste ng mga Baka

Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa,

ang kamay ng Panginoon ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan.

Ngunit gagawa ang Panginoon ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.’”

Ang Panginoon ay nagtakda ng panahon na sinasabi, “Bukas ay gagawin ng Panginoon ang bagay na ito sa lupain.”

Kinabukasan ay ginawa ng Panginoon ang bagay na iyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa.

Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan.

Ang Salot na Pigsa

Sinabi ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, “Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon.

Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto.”

10 Kaya't(B) sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop.

11 Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio.

12 Ngunit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.

13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin.

14 Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig.

15 Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa.

16 Subalit(C) dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig.

17 Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin?

18 Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon.

19 Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.’”

20 Ang bawat natakot sa salita ng Panginoon sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay;

21 ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng Panginoon ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang.

Ang Mabibigat na Yelong Ulan

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto.”

23 Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang Panginoon ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto.

24 Sa(D) gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito.

25 Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy.

26 Sa lupain lamang ng Goshen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan.

27 Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, “Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang Panginoon ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama.

28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa.”

29 Sinabi ni Moises sa kanya, “Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa Panginoon; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa Panginoon.

30 Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa Panginoong Diyos.”

31 Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na.

32 Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo.

33 Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa Panginoon. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa.

34 Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod.

35 Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Mateo 19:13-30

Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 Pagkatapos ay dinala sa kanya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga tao.

14 Ngunit sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalang lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit.”

15 Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, at umalis doon.

Ang Binatang Mayaman(B)

16 May isang lumapit sa kanya at nagsabi, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?”

17 At sinabi niya sa kanya, “Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? Iisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos.”

18 Sinabi(C) niya sa kanya, “Alin sa mga iyon?” At sinabi ni Jesus, “Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan;

19 Igalang(D) mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

20 Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, “Sinunod ko na ang lahat ng mga ito;[a] ano pa ang kulang sa akin?”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin.”

22 Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian.

23 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ‘Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit.

24 Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

25 Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”

26 Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

27 Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, “Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?”

28 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel.

29 At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.

30 Ngunit(F) maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna.

Mga Awit 24

Awit ni David.

24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
    ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
    at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.

Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
    na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
    at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
    at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
    na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
    ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon ng mga hukbo,
    siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)

Mga Kawikaan 6:1-5

Mga Dagdag na Babala

Anak ko, kung naging tagapanagot ka sa iyong kapwa,
    kung itinali mo ang iyong sarili sa isang banyaga,
ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong mga labi,
    at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
Gawin mo ito ngayon, anak ko, at iligtas mo ang iyong sarili,
    yamang ikaw ay nahulog sa kapangyarihan ng iyong kapwa:
    humayo ka, magpakababa ka, at makiusap sa iyong kapwa.
Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata,
    o paidlipin man ang mga talukap ng iyong mata.
Iligtas mo ang iyong sarili na parang usa sa kamay ng mangangaso,
    at parang ibon mula sa kamay ng mambibitag.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001