The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Nagkasala ang Tao
3 Ang(A) ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng Panginoong Diyos. Sinabi niya sa babae, “Sinabi ba ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?’”
2 At sinabi ng babae sa ahas, “Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan;
3 subalit sinabi ng Diyos, ‘Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.’”
4 Subalit sinabi ng ahas sa babae, “Tiyak na hindi kayo mamamatay.
5 Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.”
6 Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain.
7 At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip.
8 Narinig nila ang tinig ng Panginoong Diyos na lumalakad sa halamanan sa malamig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa Panginoong Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan.
9 Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, “Saan ka naroon?”
10 Sinabi niya, “Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago.”
11 At sinabi niya, “Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?”
12 Sinabi ng lalaki, “Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain.”
13 Sinabi(B) ng Panginoong Diyos sa babae, “Ano itong iyong ginawa?” Sinabi ng babae, “Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain.”
Ang Diyos ay Naggawad
14 Sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas,
“Sapagkat ginawa mo ito
ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop,
at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang;
ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo,
at alabok ang iyong kakainin
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.
15 Maglalagay(C) ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa,
at sa iyong binhi at sa kanyang binhi.
Ito ang dudurog ng iyong ulo,
at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong.”
16 Sinabi niya sa babae,
“Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi;
manganganak kang may paghihirap,
ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa,
at siya ang mamumuno sa iyo.”
17 At(D) kay Adan ay kanyang sinabi,
“Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa,
at kumain ka ng bunga ng punungkahoy
na aking iniutos sa iyo na,
‘Huwag kang kakain niyon,’
sumpain ang lupa dahil sa iyo.
Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;
18 mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo,
at kakain ka ng tanim sa parang.
19 Sa pawis ng iyong mukha
ay kakain ka ng tinapay,
hanggang ikaw ay bumalik sa lupa;
sapagkat diyan ka kinuha.
Ikaw ay alabok
at sa alabok ka babalik.”
20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva[a] sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.
21 At iginawa ng Panginoong Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan.
Pinalayas sina Adan at Eva sa Halamanan
22 Sinabi(E) ng Panginoong Diyos, “Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman.”
23 Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya.
24 At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay.
Sina Cain at Abel
4 At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, “Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng Panginoon.”
2 Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa.
3 Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa Panginoon mula sa mga bunga ng lupa.
4 Nagdala(F) rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng Panginoon si Abel at ang kanyang handog,
5 subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit[b] ang kanyang mukha.
6 Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit[c] ang iyong mukha?
7 Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!”
Ang Pagpatay kay Abel
8 Sinabihan(G) ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay.
9 At sinabi ng Panginoon kay Cain, “Nasaan si Abel na iyong kapatid?” At sinabi niya, “Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?”
10 Sinabi(H) niya, “Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa.
11 Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay.
12 Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa.”
13 At sinabi ni Cain sa Panginoon, “Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko.
14 Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako.”
15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan.” At nilagyan ng Panginoon ng isang tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya.
16 At umalis si Cain sa harapan ng Panginoon at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden.
Ang mga Naging Anak ni Cain
17 Sumiping[d] si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc.
18 Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec.
19 At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla.
20 Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop.
21 Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta.
22 Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama.
23 At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa,
“Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig.
Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita.
Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin,
at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan.
24 Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain,
tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit.”
Sina Set at Enos
25 Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, “Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain.”
26 Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Ang Pagtakas Patungo sa Ehipto
13 Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin.”
14 Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto.
15 Nanatili(A) sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak.”
Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki
16 Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas.
17 Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias:
18 “Isang(B) tinig ang narinig sa Rama,
pananangis at malakas na panaghoy,
tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak;
ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila.”
Ang Pagbabalik mula sa Ehipto
19 Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi,
20 “Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol.”
21 Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel.
22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea.
23 Siya(C) ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na “siya ay tatawaging Nazareno.”
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(D)
3 Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi,
2 “Magsisi(E) kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
3 Sapagkat(F) siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin,
“Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.’”
4 Si(G) Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan.
5 Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan.
6 At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan.
Ang Haring Pinili ng Panginoon
2 Bakit(A) nagsasabwatan ang mga bansa,
at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano?
2 Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili,
at ang mga pinuno ay nagsisangguni,
laban sa Panginoon at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi,
3 “Ang kanilang panggapos ay ating lagutin,
at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin.”
4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa;
at ang Panginoon ay kumukutya sa kanila.
5 Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot,
at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi,
6 “Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol.”
7 Aking(B) sasabihin ang tungkol sa utos ng Panginoon:
Sinabi niya sa akin, “Ikaw ay aking anak,
sa araw na ito kita ay ipinanganak.
8 Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo,
at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo.
9 Sila'y(C) iyong babaliin ng pamalong bakal,
at dudurugin mo sila gaya ng banga.”
10 Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas;
O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda.
11 Kayo'y maglingkod sa Panginoon na may takot,
at magalak na may panginginig,
12 ang anak ay inyong hagkan,
baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan;
sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab.
Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya.
Payo sa mga Kabataang Lalaki
7 Ang(A) takot sa Panginoon ang pasimula ng kaalaman;
ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal.
8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama,
at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina;
9 sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo,
at mga kuwintas sa iyong leeg.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001