The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Binasbasan ni Jacob sina Efraim at Manases
48 Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, “Ang iyong ama ay may sakit.” Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim.
2 Nang sabihin kay Jacob, “Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;” siya[a] ay nagpalakas at umupo sa higaan.
3 Sinabi(A) ni Jacob kay Jose, “Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako,
4 at sinabi sa akin, ‘Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.’
5 Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon.
6 Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid.
7 Sapagkat(B) nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata” (na siya ring Bethlehem).
8 Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, “Sinu-sino ang mga ito?”
9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito.” Kanyang sinabi, “Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan.”
10 Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap.
11 Sinabi ni Israel kay Jose, “Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi.”
12 Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa.
13 Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya.
14 Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay.
15 Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, “Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito,
16 ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa.”
17 Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases.
18 At sinabi ni Jose sa kanyang ama, “Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo.”
19 Subalit tumanggi ang kanyang ama, “Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa.”
20 Kaya't(C) kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, “Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, ‘Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.’”
21 At sinabi ni Israel kay Jose, “Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno.
22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo.”
Mga Huling Salita ni Jacob
49 Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, “Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating.
2 Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob;
at inyong pakinggan si Israel na inyong ama.
3 Ruben, ikaw ang aking panganay,
ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan,
ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan.
4 Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw;
sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama:
pagkatapos ay dinumihan mo ito—sumampa sa aking tulugan.
5 Si Simeon at si Levi ay magkapatid;
ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan.
6 Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo;
huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan;
Sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao,
at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka.
7 Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis;
at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit.
Hahatiin ko sila sa Jacob,
at ikakalat ko sila sa Israel.
8 Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid;
ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway;
ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo.
9 Si(D) Juda'y isang anak ng leon.
Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli,
siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon;
at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya?
10 Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda,
ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa,
hanggang sa ang Shilo ay dumating;[b]
at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya.
11 Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas,
at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas;
nilabhan niya ang kanyang suot sa alak,
at ang kanyang damit sa dugo ng ubas.
12 Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak,
at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas.
13 Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan,
at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat;
at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon.
14 Si Isacar ay isang malakas na asno,
na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
15 at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti,
at ang lupain ay maganda;
at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin,
at naging aliping sapilitang pinagagawa.
16 Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan,
bilang isa sa mga lipi ni Israel.
17 Si Dan ay magiging ahas sa daan,
isang ulupong sa landas,
na nangangagat ng mga sakong ng kabayo,
kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon.
18 Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O Panginoon.
19 Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong,
ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong.
20 Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba,
at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari.
21 Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan,
na nagbibigay ng isang magandang pananalita.
22 Si Jose ay isang mabungang supling,
isang mabungang supling sa tabi ng bukal;
ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader.
23 Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana,
at namamana, at naghihintay na tambangan siya.
24 Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan,
at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas
ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob
(sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel),
25 sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo,
ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo,
pagpapala ng langit mula sa itaas,
mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba,
mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata.
26 Ang mga pagpapala ng iyong ama
ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan,
sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan;
nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose,
at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid.
27 Si Benjamin ay isang lobong mabangis;
sa umaga'y nilalamon niya ang nasila,
at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam.”
28 Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Jacob
29 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, “Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo,
30 sa(E) yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan.
31 Doon(F) nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea,
32 sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het.”
33 Pagkatapos(G) na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[a]
Hiningan ng Tanda si Jesus(B)
16 Dumating(C) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’
3 At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]
4 Ang(D) isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(E)
5 Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.
6 Sinabi(F) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”
7 Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”
8 Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?
9 Hindi(G) pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
10 O(H) iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?
11 Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”
12 Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus[b] ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
21 Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
22 Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
at kagalingan sa kanilang buong katawan.
23 Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ang madayang bibig ay iyong alisin,
ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
26 Landas(A) ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001